- H : epilogue -

549 28 1
                                    




──────⊱⁜⊰──────

Ikatlong Libro: Henrieta

epilogue

──────⊱⁜⊰──────



Ako'y nagsagwan pa papunta sa pampang. Si Iris ay nasa impluwensya ng gamot pampatulog at payapang naiidlip sa aking likod. Tumingin ako sa pampang kung saan may dalawang pigurang nakatayo. Isa sa kanila ay may dalang lampara.

Itinali ko ang bangka sa gilid at umapak sa lupa.

"Bumalik ka nga," sabi ni Ninette sa'kin.

Ngumiti ako. "Oo naman."

"Henrieta," bulong ni Astrid. At nang magtama ang mga mata namin, agad ko siyang niyakap. Ibinalik niya iyon at nang kumalas kami ay napatingin siya sa kanyang panganay sa bangka. "Salamat nang marami. Ngunit... bakit kinailangan na mapalayo siya nang matagal-"

"Nagpagaling ang iyong anak, Astrid. At alam kong hindi ko siya maaaring ibalik sa inyo dahil maraming mga opisyal ng palasyo ang pumupunta sa inyong tahanan."

Numipis naman ang labi ni Astrid dito ngunit hindi na ito sumagot.

"Isa pa'y nagbuntis siya," dagdag ko.

Nanlaki ang mga mata nilang mag-ina. "Ano?"

"Ngunit nasaan na ang bata?" tanong ni Astrid.

Kinagat ko ang aking labi. Ito na ang huling kasalanan ko. Ngunit para sa batang iyon, para sa kanyang normal na pamumuhay...

"Namatay ang bata sa araw ng panganganak," sabi ko.

Namutla si Astrid at hindi naman matigil ang pagtitig sa akin ng batang si Ninette. Huminga ako nang malalim. "Astrid, makinig ka sa'kin. Ang dalagang si Iris...ang anak mo, hindi na siya tulad ng dati. Marami na ang nagbago sa kanya."

"Anong ibig mong sabihin?" Nangunot ang kanyang noo.

"Nagising na ang kanyang dugo mula kay Daniel," matigas kong sabi. At mukhang naiintindihan naman ni Astrid ang kahulugan nun. "Ngunit dahil kay Naven, dahil sa pulang dugong prinsipe na iyon na ama ng kanyang ipinagbuntis, tingin ko'y nasira niya ang sistema ni Iris."

"Nasira? Ano bang iyong sinasabi?"

"Maiintindihan mo din ako, ngunit tandaan mo...Kung nais mong mapanatiling ligtas si Iris, kailangan mo siyang itago. Walang makakaalam na siya'y buhay."

Tumalikod na ako at nagtalukbong ngunit tinawag akong muli ni Astrid. Nang ako'y humarap, kinuha niya ang aking kamay at inilagay doon ang singsing na may lilang dyamante. Tulad noong binigay ko ito sa kanya.

Tiningnan ko ang mga mata niya at ngumiti.

"Salamat sa lahat, Henrieta," sabi nito.

Patawad naman, Astrid. Patawad sa mga kasalanan ko.

"Ina?"

Sa likuran namin ay nakita namin ang kagigising lang na si Iris. Nanlaki ang mga mata ni Ninette at napatakip naman ng bibig si Astrid sa nakita. Ang magkaibang kulay na mata nito.

"Anong nangyari sa'yo, anak?" bulong ng aking kaibigan.

Habang abala silang puntahan si Iris ay humarap ako sa dagat, dinama ang malamig na hangin na minsang humalik sa pisngi ko at ni Gweneld noong nakatanaw kami sa bangkang sinasakyan nila Daniel. Tiningnan kong muli ang singsing na pilak na puno ng pagsisisi. Ang singsing na pinarami ni Daniel; ang singsing na simbolo ng rebelyon at paghihiganti.

Saka itinapon iyon sa tubig.

Malayo sa aking paningin. Papunta sa ilalim ng dagat na para bang mga ala-ala at kasalanan ang aking pinapalubog.

──────⊱⁜⊰──────

──────⊱⁜⊰──────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now