- L : 3 -

911 37 2
                                    




──────⊱⁜⊰──────

Unang Libro: Lax

O3

──────⊱⁜⊰──────



Naglapag ako ng malaking lupon ng bulaklak sa lupa, sa tapat ng isang marbol na puntod kung saan nakasulat ang kanyang pangalan. Hinaplos ko ang bato at ngumiti. "Kamusta ka, Iris?"

Umupo ako sa lupa at pinakinggan ang tunog ng konstruksyon sa malayo. Ilang linggo na lamang at matatapos na ang paaralang pang-kawal sa Rena. Buwan na ng Agosto; kaybilis talagang lumipas ng panahon. Masaya lamang ako't mararami na ang pagbabago sa buhay ng mga tao.

"Ang ganda ng panahon ngayon, hindi ba?" sabi ko na parang may kausap. "Siguro'y masaya ka din dyan sa langit, 'no?" Malungkot akong ngumiti. "Siguro kasama mo na si Naven."

Humangin nang malakas at maraming tuyong dahon ang nilipad sa paligid. Ang mga maliliit na dilaw na bulaklak na nakakalat sa mga damo ay nagsayawan. Mula rito sa taas ng burol, makikita ko ang baybayin ng Rena at ang mga barko ng dayuhan na nakadaong. Ngunit ngayon, sa munting hardin na ito, kami lamang dalawa ni Iris.

"Nandito kang muli?"

Napalingon ako sa likod at nakita si pinunong Astrid na mahinhing naglalakad palapit sa puntod. Tumayo ako at nagpagpag ng pantalon saka yumuko. "Pinuno."

"Kamahalan," yumuko din siya. Tumingin siya sa mga bulaklak sa lupa. "Napakagandang mga rosas."

Tumango ako. "Mm."

Pinagmasdan ko siyang maglagay naman ng isang basket sa harap ng puntod. Saka siya naglabas ng mga tinapay na matamis. "Paborito niya ang mga ito."

Napangiti na lamang ako. "Oo nga, napakahilig niya nga sa mga iyan. Ah, kamusta na nga po pala si Ninette?"

Napatigil siya saglit.

"M-Maayos lang siya," sagot ni Astrid. "...Kahit papa'no."

Natahimik naman ako. Alam ko namang isa si Ninette sa mga pinaka-apektado sa naganap na rebelyon, hindi lang dahil sa pagkawala ng kanyang ate... Kundi pati na sa mga nakita niya at naranasan.

Isang buwan din siyang tulala at ayaw kumain, balita ko.

"Bakit lagi kang dumadalaw dito?"

Nagtama ang mga mata namin ni Astrid at wala akong mabasang emosyon doon maliban sa pagkaseryoso. Hindi ko alam ang isasagot.

Bakit nga ba?

Humangin nang malakas nang muli siyang magsalita. "Hindi ba dapat ay ituon mo na ang iyong atensyon sa Reyna? Lalo pa't magkaka-anak na kayo?"

"Alam ko iyon," tahimik kong saad.

"Hindi ka na dapat nagmamahal sa isang taong patay na."

Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now