- N : 1 -

697 29 1
                                    




──────⊱⁜⊰──────

Ika-apat na Libro: Ninette

O1

──────⊱⁜⊰──────


Nakaupo ako sa damuhan sa tapat ng puntod ni ate Iris habang pinagmamasdan ang mga pinitas kong dilaw na bulaklak sa paligid. Alam kong isang malaking kasinungalingan lamang ang puntod, ngunit pakiramdam ko'y kahit papano nakakasama ko si Ate dito.

Alam kong hindi pa siya patay. Narito lang siya sa malapit, siguro'y nasa kabilang isla. At kung sinuman ang kumuha sa kanya'y nag-aalaga sa kanya ngayon.

"Ate," niyakap ko ang puntod na marbol. "Nasaan ka na ba?"

Tahimik na mga luha ang aking ipinatulo kasabay ng sakit sa aking dibdib na hindi mawala. Kahit anong gawin ko, hindi iyon mawawala. Pati na ang mga bangungot ng palasyo, ng Paraisla na minsan kong pinangarap, mga halimaw na bumabaon ang ngipin sa balat ng tao.

Agad akong napahawak sa aking balikat, kung saan naroon ang peklat ng bangungot.

Hindi ko makakalimutan ang mukha ng halimaw na iyon.

Babaunin ko hanggang sa pagtanda ang itsura niya. Kahit na ayaw ko. Kahit na kinasusuklaman ko iyon.

"Meron akong sikreto, ate Iris," bulong ko sa bato. "Nais mo bang malaman?"

Ngumiti ako at tumingin sa mga bulaklak na dilaw.

"Matagal ko nang alam," bulong ko. "Na isa lang akong ampon."



──────⊱⁜⊰──────


Sa paglaki ko'y pinaniwala ko ang aking sarili na anak ako ni Ina. Itim na buhok at berdeng mata, parehas na parehas kami. Kung tutuusin ay magkamukha pa nga kami ni Ina ngunit sa paglaki ko'y naiintindihan ko na.

Wala naman akong galit sa kahit kanino, kahit sa kapatid ni Ina na aking totoong magulang. Sadyang binawi na siya ng langit dahil sa kanyang karamdaman kaya naiwan ako sa kanyang kapatid na si Astrid.

"Anak ka namin, Ninette," sabi ni Ama. "Hindi sa dugo, kundi sa puso." At saka niya hinaplos ang aking itim na buhok.

Kaming tatlo lang nila ama ang nakakaalam. Si Ate Iris ay lumaki na itinuturing akong bunso at sariling kadugo. Masaya ang aming pamilya. Tunay na masaya. Ngunit dahil sa Pagkalap—

Dahil sa Pagkalap—

"Talaga?" masaya kong tanong nang marinig na nagpasa na ng aplikasyon si Ate. "Sasali ka sa Pagkalap?"

"Oo, Ninette." sagot nito. "Tapos mabibilhan na kita ng mga bestidang pangarap mo. Yung mga katulad sa Vena! Tapos maraming, maraming masasarap na pagkain!"

"Pero mas gusto kong makasama ka," pagmamaktol ko.

Tumawa naman siya at inakbayan ako habang nakaupo kami sa bubungan at nakatanaw sa linyang nagkokonekta sa dagat at langit. "Ano ka ba, dadating din ang panahon na makakapasok ka din. Bata ka pa kasi kaya bawal pa sa'yo. Pag naroon ka na rin sa palasyo, magkakasama na tayo."

Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now