- E : epilogue -

594 31 3
                                    



──────⊱⁜⊰──────

Ikalawang Libro: Eyha

epilogue

──────⊱⁜⊰──────



Kumalat na parang apoy ang balitang namatay ang Reyna sa panganganak. Ngunit wala dito ang isip ni Lax. Ang mga nangyari nitong nakaraan ay nagpamanhid sa kanya, nagpatulala, at nagsulong sa kanyang umarte na parang nasiraan ng bait.

Ipapatawag niya si Eyha kay Rebecca tuwing gabi upang kumain. O di kaya'y kakausapin ang kama kung saan nakahimlay noon ang Reyna. Marami ang naging usap-usapan na papalitan na siya ni Val bilang Hari. Ngunit dahil kay Astrid, na siyang kagalang-galang na myembro ng Konseho, natahimik ang lahat sa mga maambisyon nilang pangarap.

"Bilang isang tapat na lingkod ng kaharian, hindi ko hahayaan mapuntang muli ang trono sa mga diktador! Anong pinagkaiba niyo sa mga halimaw na ating pinabagsak?! Nagluluksa pa ang Hari at lilipas din itong kaawa-awang pangyayari. Wag kayong maging mga lapastangan!"

Si Astrid mismo ang nakakita ng paghihirap ni Lax nang umabot sila sa palasyo ng gabing iyon para lang malaman na nahuli na sila. Patay na ang Reyna, balita ni Rebecca habang umiiyak. Wala na siya.

Si Astrid ang nakakita ng mga luha at hagulgol ng hari na parang isang nabaril na hayop. Siya ang yumakap dito na parang ina nang tulala lang sa kawalan ang ina ni Eyha. Siya ang nag-asikaso ng mga gawain ng Hari na nais ibahin ni Val.

At ang siraulong iyon, hindi man lang iniyakan ang kanyang anak. Sa respeto na lang ay nagpakita naman ito sa libing ng Reyna kahit papaano. Ngunit kalaunan ay parang walang nangyari.

Si Astrid din, kasama ni Rebecca, ang nag-asikaso nang madalas kay Lianne. Naging mahirap kasi para kay Lax na makita at mabisita ito kahit pa ipinangako niya kay Eyha na mamahalin niya ang sanggol. Sa ngayon, hindi pa handa si Lax na makita ang sanggol.

Isang gabi ng kanyang pag-iyak, nabagabag si Lax dahil sa mga katok sa kanyang pinto sa kwarto. Inis niyang ininom ang brandy sa boteng nakuha niya mula sa isang lingkod. "Wala akong panahon sa'yo!"

"Ako po ito, Kamahalan." Boses ni Rebecca iyon.

Pagdating kay Rebecca, lumalambot ang puso ni Lax dahil kaibigan ito ng kanyang yumaong asawa. Pagod, masakit ang ulo at magulong tingnan ang Hari nang makapunta sa pintuan. Nahihiyang yumuko si Rebecca sa kanya. "Ano iyon?"

"Nais ko lamang kayong makausap tungkol sa isang bagay," sabi nito.

"May problema ba?"

"Um... Maaari niyo ba akong samahan saglit?"

Nagtatakang sinundan ni Lax si Rebecca patungo sa unang palapag ng palasyo at nakita sa tapat ng tsiminea sa salas ay isang basket na gawa sa rattan. Nilapitan niya iyon kasama ng lingkod na babae at nakita niya sa loob ng basket ang isang mahimbing at tahimik na sanggol na natutulog balot na balot ng maraming tela.

"Iniwan siya sa labas ng pintuan kanina sa lamig. Ngunit walang nakakita kung sino ang nag-iwan. Basta't narinig ko na lamang ang mga iyak nito kaya-"

Lumuhod si Lax at tinitigang mabuti ang bata. Para siyang nahimasmasan sa kalasingan at nabalik sa katinuan. May isang bagay sa batang ito na humihila sa kanya at pakiramdam niya'y may taling nag-uugnay sa kanya at sa sanggol.

Isang sanggol na hindi naman niya anak.

"Ayusan mo siya ng kwarto, madali ka. At mainit na damit na pamalit." utos ni Lax, tunog na parang ang normal na siya.

Kinalong niya sa mga braso ang natutulog na bata at bigla itong nagising.

Nagtama ang mga mata nila at doon lang nakita ni Lax ang mga maputlang klase ng gray sa buong buhay niya. Nailawan ang mga mata nito ng apoy sa tsiminea at tila nakakita siya ng lila at pula sa ilalim ng maputlang kulay.

Hindi niya maintindihan ang koneksyon niya sa batang ito.

"Eufemia," bulong ni Lax. "Mula ngayon, tatawagin ka nang Prinsesa Eufy."

Pumikit ang sanggol at nakatulog nang mahimbing.

──────⊱⁜⊰──────

──────⊱⁜⊰──────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now