- H : 5 -

601 31 6
                                    



──────⊱⁜⊰──────

Ikatlong Libro: Henrieta

O5

──────⊱⁜⊰──────


Nataranta akong tumingin sa mga pulang mata ni Gweneld. Anong gagawin ko? Ngunit tumango lang siya, lumuhod sa lupa at saka gamit ng mga matutulis na kuko ay sinugatan ang sariling pisngi. Nanlaki ang mga mata ko. "Bilis, ilabas mo ang iyong kapangyarihan. Magpanggap kang nahuli ako sa pagtakas!"

Agad ko naman siyang naintindihan kaya't lumabas ang mga mahahaba kong kuko pati na ang malalaking ugat sa aking leeg at pisngi. Ang mga ngipin ko'y tumulis at ibinigay sa'kin ng Prinsipe ang kanyang esapada. Agad ko itong tinutok sa kanyang leeg.

"Henrieta!" tawag ni Helena.

Nanlaki ang mga mata nito nang makitang hawak ko ang Prinsipe sa kwelyo. Bumaba siya pati na ang mga kawal niya. Dumating din ang asawa niyang si Fenn at napangiti. "Aba, anong sorpresa ito?"

Nagsimula na pala. Akala ko'y aabutin pa bukas ang pagpaslang sa angkan ng mga lila ngunit wala talagang pagpipigil ang aking kapatid.

"Kaya naman pala wala kayong dalawa sa inyong mga silid," sabi ni Fenn. "Ano bang ginagawa niyo dito?"

Pinigilan ko ang pagtibok ng kinakabahan kong puso. Nagpeke ako ng ngiti. "Ikinagagalak kong sabihing napigilan ko siya sa pagtakas." Tinaasan ako ng kilay ng lalaki. "Inaya niya ako kaninang tumakas dahil sa balitang natanggap nito na may magaganap na rebelyon. Ngunit-"

"Traydor ka!" sigaw ni Gweneld. "Akala ko ba matapat ka sa'kin!"

Napalunok ako. Nahihirapan na ako sa loob-loob na magpanggap at umarteng isa akong kalaban. Kung maaari lang na labanan ko silang lahat.

"Magaling, kapatid ko," lumapit si Helena sa'kin at tinutukan ng espada ang prinsipe. Binawi ko ang espada na hawak ko at hinayaan siya. Pinigilan kong wag itong isaksak sa sarili kong kapatid. "Ngayon, tuluyan nang mawawala sa mundo ang mga lilang dugo na tulad mo."

Tinuhod ni Fenn si Gweneld at bumagsak ito sa lupa na dumudugo ang ilong. "Hahaha! Ngayon, nais mo bang makita ang mga pugot na katawan ng iyong ama't ina?!"

Kumirot ang puso ko nang maluha-luhang tinitigan ni Gweneld si Fenn. Saka ito nalukot sa galit. "Ano bang ginawa namin sa inyo!? Buong buhay namin, tinuring namin kayo at ng pamilya mo nang disente!"

"Simple lang," sagot ni Fenn. "Nais kong kami naman ang magturing sa inyo ng 'disente'. Hindi ako kuntento sa disente lang," itinaas niya ang espada sa ere. "Nais ko ang lahat-lahat!"

Sa mumunting sandali sa pagitan ng buhay at kamatayan ng prinsipe, nagtama ang aming mga mata. At sa mga matang iyon, nakita ko ang pasasalamat at pagpapaalala ng aking pangako. Tumalsik ang kanyang dugo sa bestida ko ngunit hindi ako kumurap. Gumulong ang kanyang ulo sa paanan ni Helena na siyang tumawa.

Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now