- E : 5 -

613 33 3
                                    



──────⊱⁜⊰──────

Ikalawang Libro: Eyha

O5

──────⊱⁜⊰──────



Nakaupo ako kasama ni Ina sa malaking salas at nakatutok lamang sa telebisyon kung saan ipanapalabas ang broadcast ng pagbubukas ng paaralang pang-kawal sa publiko at sa mga mag-aaral. Sa isang entablado, nagsasalita sa likod ng podium si Lax habang ang Konseho nama'y nasa kanyang likod. Puno ng bulaklak ang paligid at may isang laso na gugupitin mamaya.

Ipinakita din ang daan-daang mga estudyante at ilang mga mas matatanda na nakapila sa maraming organisadong linya sa harap ng entablado. Nakatayo at nakikinig. Sa gilid ng mga mag-aaral ay ang mga pamilya nila na pumunta sa seremonyas, lahat ay masaya dahil sa pagdating ng Hari sa isla.

"Ang paaralang pang-kawal ay magsisilbing simbolo ng ating pagbibigay importansya sa kaligtasan ng ating kaharian, di lamang ng mga opisyal kundi pati na din ng mga ordinaryong mamamayan."

Ngumiti si Eyha habang pinagmamasdan ang gwapong mukha ni Lax habang seryosong nagbibigay ng talumpati.

"Kasama ng mga naatasang guro sa paaralang ito, ako mismo, ang Hari ng Paraisla ay magpupunta rito upang magturo sa mga mag-aaral nang personal," deklara ni Lax.

Nagtinginan naman ang lahat kasama ng natutuwang ekspresyon at di makapaniwalang galak. Nagpalakpakan ang lahat at ang iba pa'y sumisigaw ng pagkasabik at tumatalon-talon.

"Kay kisig na tunay ng iyong asawa, Eyha," komentaryo ng aking ina sa tabi ko. "Hindi ko alam na ang Renaian na iyan ay lalaking ganyan kagwapo at kabait."

Namula ako nang di mapigilan. At ang lalaking tinutukoy ng aking ina na gwapo at mabait at makisig ay ang parehong lalaki na aking kababatang hindi marunong humawak ng lambat at mahilig mang-asar. Siya din ang nagbigay sa'kin ng maiinit na halik sa mga gabi, ang humawak ng kamay ko kapag nasa sakit at ang lalaking bumubulong ng matatamis na salita tuwing ako'y sinusuyo.

"Ah, siguro'y binigay niyo ang lahat sa langit, Ina, upang magkaroon ako ng ganitong swerte," natatawa kong sabi.

Hindi ko maitatanggi na si Lax ang pinakamagandang regalong binigay ng Panginoon sa'kin. Pati na ang anak namin.

Lumipat ang camera sa isang sulok ng mga nanunuod na mga tao. At bigla kong nakita ang isang taong hindi ko inaasahang makita. Nakatingin siya sa entablado kasama ang blankong mukha at nakatalukbong.

Agad akong napatayo sa gulat at natabig ko ang baso ng tsaa ni ina sa mesa. Nabasag ito sa sahig.

"Anak?" alalang tanong ni Ina.

Ngunit nakatitig lang ako sa telebisyon, di makapaniwala. "Buhay ka?"

"Anak, anong problema?" tumayo sa aking tabi si Ina, iniinspeksyon ang namumutla kong mukha. Nalipat na ang camera sa ibang senaryo ngunit hindi ko pa rin maalis sa utak ko ang mukha niya.

Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now