Mahiwagang Ilong

3.4K 46 0
                                    

Si Berto ay isang bulag. Minsan naisipan nyang kumain sa isang maliit na restoran. Pag-upo nya sa isang mesa, lumapit ang waiter, na sya ring may-ari at binigyan sya ng menu.

“Pasensya na bosing, pero bulag po ako kaya di ko mababasa yang menung binigay mo. Bigyan nyo na lang po ako ng ilang maduming kutsara, aamuyin ko at malalaman ko kung anong ulam yun. Dun na lang po ako oorder.” sabi ni Bertong Bulag.

Nagtataka pero interesado ang may-ari kung papano gagawin ito ng bulag. Kaya bumalik syang me dala dalang isang dosenang gamit na at nanlalagkit na mga kutsara at inilagay ang mga ito sa ibabaw ng mesa.

Isa-isang inamoy-amoy ni Berto ang mga kutsara at pagkalipas ng ilang minuto… “Ahhh, yes. Ito ang oorderin ko. Kalderetang baka at laing na gulay,” sabi ni Bertong bulag.

“Wow, amazing! Sobrang mahiwaga ang kanyang ilong! Isa syang alamat!” kwento ng may-ari sa kanyang asawang si Kirina, na sya namang cook sa loob ng kusina.

Makalipas ang isang linggo, muling nagbalik si Bertong Bulag na may mahiwagang ilong sa nasabing restoran at dinalhan na naman sya ng menu ng may-ari.

“Boss, di mo ba ko natatandaan, ako yung bulag.” sabi ni Berto.

“Ay naku, paumanhin po, nakalimutan ko. Sandali lang po at babalik ako para sa mga kutsara,” sabi ng may-ari.

Makalipas ang ilang minuto, muling inamuy-amoy ni Berto ang mga kutsara… “Ahhh.. hmnnn. Kakagutom! Bossing, pa-order nga ako ng nilagang baka, at samahan mo na rin ng patis at kalamansi,” takam na sabi ni Bertong Bulag.

Hindi makapaniwala ang may-ari. Kaya sinabi nya sa kanyang sawang si Kirina na sa susunod na bumalik si Bertong Bulag ay tetestingin nya kung gaano kagaling ang kanyang mahiwagang ilong.

At isang linggo pa nga ang lumipas ay nagbalik ulit si Bertong Bulag sa kanilang restoran. Nang makita ito ng may-ari ay dali-daling nagtatakbo ito papuntang kusina at sinabi sa kanyang misis, “Kirina, dali! Dilaan mo ang kutsarang ito!”

Matapos itong gawin ni Kirina, dali-dali namang dinala ng may-ari ang kutsara kay Bertong Bulag.

“Good afternoon Mang Berto. Welcome po sa aming restoran. Narito po ang mga kutsara at ready na po para sa inyo,” sabay patong ng kutsara sa mesa.

At katulad ng dati, inamuy-amoy ni Berto ang mga kutsara habang ngingisi-ngisi naman ang may-ari.

“Tingnan natin ang galing ng ilong mo ngayon!” sabi ng may-ari sa sarili.

Dinampot ni Berto ang kutsara at nakaka-isang amoy pa lang ng biglang..

“Aba, dito pala nagtatrabaho si Kirina?”

Tagalog JokesWhere stories live. Discover now