00-Prologue-

5.1K 94 6
                                    

Prologue

TAKBO. Takbo. Takbo.

Wala na yatang laman ang isip ni Kisses kundi ang tumakbo. Malapit nang bumigay ang kanyang binti dahil sa suot na mataas na takong. Pagod na pagod na siya pero hindi niya iyon ininda. Bahala na kung saan makarating... kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa.

Mukhang malayo na rin ang narating niya. Saglit siyang huminto at tinanggal ang sapatos na sagabal sa pagtakbo. Huminga muna siya nang malalim saka ipinagpatuloy ang pakikipagkarera sa kapalaran.

Pero sadya nga bang may galit sa kanya ang tadhana o trip lang talaga nito na pahirapan ang buhay niya?

Bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan. Nasa gitna siya ng dilim, malayo sa mataong lugar at napaliligiran lamang ng maraming puno. Ano pa bang kamalasan ang naghihintay sa kanya? Gaano ba talaga kalaki ang galit ng kapalaran sa kanya at pinipigilan siyang makalayo?

Saglit siyang kinilabutan sa biglang naisip pero ininda niya iyon. Hindi siya dapat magpatinag. Sinalikop niya ang laylayan ng suot na bestida at nagpatuloy sa pagtakbo.

Bago pa man malaman ng mga tao na nakaalis na siya ay kailangan niyang makatakas. Kailangan niyang ipagpatuloy ang pagtakbo sa kabila ng malakas na buhos ng ulan... sa kabila ng patutunguhang walang kasiguraduhan. Kailangan niyang makalayo. At higit sa lahat kailangan niyang magtago...

'Nandito na ako, ngayon pa ba ako aatras?'

Ngunit bago pa lamang ihakbang ni Kisses ang mga paa ay may marahas na humablot sa kanyang bisig. Mahigpit ang pagkakahawak nito na parang sinasabing wala siyang kawala.

Gumapang ang takot at nanuot iyon sa kanyang sistema. Pilit niyang inaninag sa dilim ang mukha ng estranghero. Ngunit hindi niya magawang iyong ilarawan. Ang tanging nabatid niya ay higit na matangkad ito kaysa sa kanya. Matipuno ang balikat at ganoon din ang mga braso. He smelled like wine and mint and summer rain. Naka-suot ito ng three-piece suit... mukhang nagmula ito sa isang party. Posible kaya na mula ito sa okasyon na kanyang dinaluhan?

Sa higpit nang hawak nito sa kanya ay hindi maitatanggi na malakas ang lalaki. At ang singkit at abo nitong mga mata'y matalim na nakatitig sa kanya— tila sinusuri ang buo niyang pagkatao sa titig na iyon.

Naghabulan ang mga daga sa kanyang dibdib. Kinakain siya ng kaba. Abot-abot ang tahip ng kanyang puso.

"Bitiwan mo ako!" Nagpupumiglas niyang sigaw. "Let me go!"

Wala siyang nagawa kundi ang sumigaw nang sumigaw. Buong puwersa niya itong itinulak ngunit hindi ito natinag. Gamit ang malayang kamay ay binayo niya ang dibdib nito—pero nanatili lamang ito sa kanyang harapan. Tila bingi at manhid ang lalaki, imbes na pakawalan ay lalo pang humigpit ang kamay nitong nakakapit sa kanyang bisig. Dama niya ang pagbaon ng kuko nito sa kanyang balat.

Malulutong na mura na rin ang pinakawalan niya. Ilang beses na rin niya itong binugbog sa kanyang isipan.

"Pakawalan mo ako! Hindi ka ba nakakaintindi? Bingi ka ba?"

Muli itong humakbang at mariing isinandig siya sa puno. "Shut up or I'll make you!"

Nanindig ang kanyang balahibo sa pagdampi ng malamig nitong hininga sa kanyang balat. Dumaloy ang kilabot sa bawat himaymay ng kanyang sistema. Abot-abot ang tahip ng kanyang puso.

Nasindak siya sa boses ng binata. Marahan man ang pagbigkas nito ng bawat salita ay batid pa rin niya ang gusto nitong mangyari. Ma-awatoridad, malalim at nakalulunod— ganoon mailalarawan ang titig na ipinupukol nito sa kanya maging ang tinig nito. Gugustuhin pa siguro niya na lumubog na lamang sa kinatatayuan kaysa malunod sa lalaki.

'Mali 'yan, Kisses! Tatanga ka na lamang ba d'yan?' sermon niya sa sarili.

Hindi maaari! Kailangang may gawin siya.

"Paka—"

Naputol ang salita nang maramdaman ni Kisses ang paglapat ng labi nito sa labi niya.

Lalo pang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Nagliyab ang iritasiyon. Hindi man lang niya nahinuhang ganoon ang gagawin nitong hakbang.

Marahas ang bawat galaw ng labi nitong umaangkin sa kanya. Para siyang napapaso. Para iyong punong-puno ng galit.

Nakulong siya sa pagitan ng puno at ng lalaki. Hindi niya ito magawang itulak.

Nanghihina siya. Nanlalambot ang kanyang tuhod. Gusto na lamang niyang umiyak.

Pero bigla na lamang nagbago ang ritmo ng halik nito. Naging marahan. Naging malalim. Mas lalong nakakapanlambot ng tuhod. Tila inaanyayahan siyang tumugon. Parang gusto na lamang niyang bumigay sa imbitasyon.

At sa hindi malamang dahilan ay tinugunan niya ang bawat halik na iyon. Natutuliro, hindi malaman ni Kisses ang dapat gawin. Naghuhuramento na ang kanyang puso sa pag-angat ng samu't saring emosiyon. Nagsusumigaw ang kanyang isipan na mali ang ginagawa. Ngunit ang kanyang labi ay putuloy na ginagaya ang bawat kilos ng labi ng estranghero. Sumasabay siya sa bawat ritmo ng halik. Tuluyan na siyang natangay nito.

'What the freaking hell!' Mariin siyang pumikit. Nalunod siya. Mukhang eskperto ang lalaki sa larangan ng paghalik. Ganito ba ang ginagawa nito sa lahat ng babaeng nakakasalubong?

Gumapang ang kuryente sa kanyang balat nang dahan-dahang lumandas ang palad nito sa kanyang braso pababa nang pababa hanggang tumigil iyon sa bandang pulso. Ang marahang haplos ay naghatid nang hindi maipaliwanag na init sa kanyang sistema.

Ngunit ang dagling init ay agad ding nawaglit nang maramdaman ni Kisses ang malamig na bakal sa kanyang pulso. Sa gulat at pagkalito ay agad niyang inilayo ang kanyang labi.

'What the freaking hell!'

Umatras ang estranghero pagkatapos ay ngumisi. Bago pa siya makasigaw ay tinakpan nito ng panyo ang bibig niya.

Kung ano-anong hindi kaaya-ayang mga salita ang sumagi sa kanyang isipan. Pilit niyang pinoproseso sa kanyang utak ang nangyayari. Hindi niya maintindihan!

Lalo pa siyang naguluhan nang buhatin siya nito na parang sako ng bigas.

'Sino ba ang lalaking ito?'

'Bakit niya ako pinosasan?'

'Saan niya ba ako dadalhin?'

'At...'

'Bakit niya ako hinalikan?'

'Bakit ko siya hinalikan pabalik?'

What the heck! That was even her freaking first kiss!

Captivated By Your KissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon