tulay

297 20 2
                                    


"Ito na ba ang apo ko?"

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

"Ito na ba ang apo ko?"

Pinagmasdan ko ang asawa ko, kung sasagutin ba niya si Dad. Matalim sa tenga ang halos isang minuto ng katahimikan. Hindi sumasagot si Richard, at nakikita ko ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ni Athena. Napatingin ang anak namin sa tatay niya.

"Taytay, ouch po."

Nagulat si Richard sa pagsalita ng anak at napaupo ito para pumantay sa 3-year old naming anak.

"Sorry baby. Ahh, Athena..."

Ilang segundo na naman ang dumaan. Hindi ko na kinaya, naaawa na ako kay Dad na parang sabik na sabik na hawakan ang apo niya. Kailangan ko nang sumalo sa asawa ko.

"Baby, come here, halika dito muna kay Naynay."

Naalimpungatan siguro si Richard pagkarinig ng boses ko. Lumapit siya hawak pa din si Athena, at kinuha ang bunso naming si Siegfried. Kinuha ko ang kamay ni Athena, at tiningnan ang asawa ko. Totoo ang sabi nila na tinginan pa lang ay nagkakaintindihan na ang dalawang pinagbuklod ng tadhana. Pinagmamasdan pa din kami ni Dad, nakikiusap ang mga mata at nakapako sa kinatatayuan.

"Baby, remember we told you that we will visit Mama Rio today? Well, someone else is visiting Mama, and he wants to meet you."

Tiningnan ako ng anak ko, pati na din si Richard na inihehele ang bunso namin. Nginitian ni Richard ang anak, parang binibigyan ito ng permiso para makilala si Dad.

"Naynay, is he Lolo Dada?"

Nakita ko na nabigla si Dad nang marinig si Athena. Medyo nangilid ang luha sa mata at napaupo bago nagsalita.

"Athena? Uhm, pwede ka ba mayakap ni Lolo Dada?"

Nahihiyang lumapit si Athena. Nang malapit na ito ay unti-unting niyakap si Dad. Hindi na napigilan ni Dad ang pagtulo ng luha niya. Tiningnan niya ako at tahimik na nagsabi ng "Salamat".

Pinagmamasdan lang kami ni Richard habang patuloy na inihehele si Siegfried. Hindi ko mabasa ang mukha ng asawa ko, pero alam kong nagpipigil din ito sa pag-iyak. May pinagmanahan ang asawa ko sa babaw ng luha. Nilapitan ko siya at niyakap.

"Akina muna si Siegfried, lapitan mo na yung mag-lolo."

"Hindi na."

"Richard."

"Maine."

Nagtitigan lang kami. Hindi ko na itinuloy pa ang sasabihin ko, dahil alam kong hindi naman niya ako papakinggan. Napabuntung-hininga na lang ako at inintindi ang asawa ko. Hanggang ngayon ay iniinda niya na itinakwil siya ni Dad dahil hindi siya nakapagtapos at piniling pakasalan ako dahil sa pagbubuntis ko kay Athena. Hindi siya dumalo sa kasal namin, si Mama Rio lang ang dumating sa City Hall. Maging nang ipinanganak ko si Athena at sa ilang ulit na pag-imbita ko sa kanya tuwing sasapit ang birthday nito. Palaging si Mama Rio lang ang dumarating.

Tatlong buwan na mula nang namatay si Mama Rio. Si Richard lang ang nakadalo sa libing dahil kakapanganak ko pa lang noon kay Siegfried. Sa kwento niya ay hindi siya lumapit hangga't hindi nagsialisan ang lahat. Hindi siya nagpakita kay Dad. Ang mga kapatid niya lamang ang sinabihan niya na dadalo siya pero nasa malayo lang. Hirap na hirap din ang loob ko na hindi ko man lang nadalaw si Mama, na hindi ko man lang nasamahan si Richard.

Bumaling ulit ang tingin ko sa mag-lolo, na unti-unti nang nagku-kwentuhan. Magiliw ang anak ko, malakas ang charm at hindi mahirap na maging palagay agad ang loob ni Dad sa kanya. Malalim din ang dimple ni Athena sa kaliwang pisngi, nakuha kay Richard.

"Maine?"

Napatingin ako kay Dad, habang patakbong lumapit pabalik si Athena sa akin.

"Po? Dad?"

"Ahh.. pwede ko bang... kung ok lang sa iyo at kay ... Junior..."

"Naynay, can Lolo Dad buy me ice cream?"

Nginitian ko ang anak ko, at tiningnan si Richard.

"Maybe some other time baby, we have to go."

Kinuha ni Richard ang kamay ng anak at unti-unting lumakad na palayo. Wala na akong nagawa at tiningnan na lamang si Dad, na nagtuluy-tuloy na ang daloy ng luha.

"Dad... pasensya na po... hayaan ninyo, kakausapin ko po si Richard."

"Ayos lang iha, naiintindihan ko naman, kahit masakit. Kasalanan ko din naman ito. Maine, sana...sana napatawad mo na ako..."

"Dad, dati pa naman po. Si Mama po ang naging lakas nating lahat. Pero ngayong wala na siya...siguro si Athena na po ang magiging tulay para sa inyong mag-ama."

"Siguro nga iha...sana nga... salamat talaga."

Niyakap ko si Dad at pinahid ang luha niya. Sinundan ko na ang mag-aama ko pabalik sa sasakyan namin. 

attempts - AMACon 4 SerendipitousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon