May Forever sa Kamatayan

1.1K 45 5
                                    

Ang Huling Kuwento ng Palasingsingan

Sumapit na ang takipsilim at isa-isa nang nagsialisan at nagsi-uwian ang mga panauhin at iba pang bisita ng bagong kasal maging ang mga magulang nito. Masaya at tila wala na sanang katapusan ang kasiyahang nadarama ng mag-asawa dahil natupad na rin sa wakas ang kanilang pag-iisang dibdib.

Pagkatapos magbihis at mag-ayos ng mga regalo at magbilang ng perang naidikit sa kani-kanilang baro at saya ay nagsimula nang maniktik ang isang anino sa paligid ng bahay.

Sa wakas! Ito na ang pinakahihintay kong sandali.

"Mahal, magpahinga na tayo," wika ng babae.

"Mayamaya na lamang mahal ko. Kailangan muna nating isunod ang pulo't gata," naglalambing at nakangiting turan ng lalaki.

"Naku! Ikaw ha? Nagmamadali ka ha? Pero, sigw tatapusin ko na lang ito at ako na ang magsasara ng pintuan sa labas. Mauna ka na sa silid natin. Okay ba?" at tumango ang lalaki bilang pagsang-ayon.

Magsisimula na pala ang inyong pulo't gata. Magandang pagkakataon iyan. Iyon ay kung makakapagsiping pa kayong dalawa. Hindi na ako makapaghintay na pareho kayong putulan ng palasingsingan!

Matapos ayusin ang dapat ayusin ay isinara na ng babae ang pintuan sa labas. Iba kasi ang probinsiya kaya dapat ay takipsilim pa lamang ay nasa loob na sila ng kani-kanilang bahay. Kaya maagang natapos ang kanilang okasyon. Alam ng lahat ng tao sa bayan na may gumagalang mamamatay-tao o 'di kaya ay isang nilalang katulad ng tiktik o aswang.

Sinigurado ng babae na naisara niya ang pinto maging ang mga bintana sa harap at likuran ng kanilang munting tahanan. Pagkatapos niyon ay ay tinungo niya ang palikuran at nag-shower muna. Gusto niyang sariwa siya upang maamoy siya ng kaniyang guwapong asawa.

Gusto ko iyan! Sige, maligo ka muna. Ikaw ang uunahin kong paslangin!

Ang buong akala ng babae ay naisara niya nang maigi ang pintuan sa likuran ng kanilang bahay. Hindi pala iyon nakasarado. Kaya habang abala ang lalaki sa kanilang silid mag-asawa sa pag-aayos para sa kanilang pulo't gata ay nakapasok na ang salarin.

Marahan niyang binuksan ang pintuan.

Dahan-dahan din siyang naglakad papasok sa loob ng bahay. Mabuti na lamang at hindi gumawa ng ingay ang pawid na pintuan habang unti-unti siyang nakakapasok.

Ang saya naman nito parang horror lang sa pelikula. Nagagalak akong unahin ka, babae! Kaya hintayin mo ako.

Nang makapasok ay tinungo niya ang kusina at kinuha ang isang uri ng punyal na ginagamit sa paghiwa ng baboy. Hugis parisukat ito. Napangiti na naman ang salarin.

Bagay na bagay ito sa pagputol ng daliri. O mas tamang sabihing pamputol ng bahagi ng katawan.

Palihim siyang humalakhak. Narinig na niya ang pagbukas ng gripo sa palikuran at ang tunog ng tubig. Dinig na dinig niya rin ang bawat pagbuhos nito sa loob.

Dahan-dahan na naman siyang naglakad.

Nasa harapan na siya ng pintuan ng palikuran.

Hinawakan na niya ang seradura at dahan-dahan pinihit ito. Hindi man lamang napansin ng babae ang ingay na likha ng pagpihit ng pintuan. Patuloy lamang ito sa pagsasabon sa hubad niyang katawan.

Malapit na.

Heto na.

Magbibilang na ako.

Itataas ko na ang hawak kong patalim.

Isa.

Dalawa.

SAMPUNG MGA DALIRIWhere stories live. Discover now