Ang Katapusan

918 27 1
                                    

TJ's POV

Magkaharap kami ngayon sa dalawang tao. Isang binata at isang dalaga. Ang dalagang kasama niya ay walang iba kung hindi ay si Matilde.

"Ikinagagalak kong kayo ay makita. Mukhang kayo na mismo ang nag-presenta ng inyong mga sarili sa inyong kamatayan," humalakhak pa ito. Mahigpit naman ang pagkakahawak ko sa kamay ni ShaSha. Parang pinipiga na nga niya ito. Halatang-halata na ang galit niya.

Sinubukan kong kapain ang dala kong baril sa likuran ko pero mukhang nakalimuyan ko yata ito sa kotse. Lintik na! Tiningnan ko si ShaSha at nagtama ang aming mga mata. Nangungusap.

Wala akong dalang baril, Sha. Naiwan ko sa kotse.

Ako rin. Nakalimutan ko rin ang akin. Anong gagawin natin?

"Hindi niyo na kailangan pang magbulung-bulungan kung sino ang mauuna sa inyo dahil. Ang mabuti pa ay si mahal ko na lamang ang gagawa nito sa inyo. May kukunin lang ako sa loob ng aking kubo," kinindatan niya pa kami tapos ay hinalikan sa labi ang walang kabuhay-buhay na si Matilde. Masama ang kutob ko. Mukhang magkatotoo yata ang panaginip ko.

Nang makapasok na ang binata sa kubo ay nakatingin sa amin na may nanlilisik na mata at mala-demonyong ngiti si Matilde. Nakatingin siya kay ShaSha. Nagtitigan silang dalawa na tila walang magpapatalo. Kapag sino ang unang kukurap siya ang talunan. Iyon sana ang naisip ko pero iba ang nangyari dahil mabilis pa sa alas kuwatro na sinakal ni Matilde si ShaSha.

Mahigpit ang pagkakasakal na iyon. Ako naman ay napako sa aking kinatatayuan. Kitang-kita ko ang pagtitig sa akin ng babaeng mahal kong si ShaSha. Humihingi siya ng saklolo. Konting-konti na lamang ay lalabas na ang kaniyang dila. Doon na ako natauhan at buong lakas kong tinatanggal ang kamay ni Matilde pero hindi ito matanggal.

Sinakal ko na lang din si Matilde upang maramdaman niya ang ginagawa niya ngayon kay ShaSha. Pero sa halip na masaktan ay hindi ko ito makita sa ekspresyon ng kaniyang mukha. Diniinan ko pa ang pagsakal hanggang sa mapansin kong lumuluwang na ang pagkakasakal nito kay ShaSha.

Nang makawala si ShaSha ay ako naman ang tinitigan niya at gamit ang kaniyang isang kamay ay nagawa niyang tanggalin ang mga daliri kong nakasakal sa kaniyang leeg. Hindi pa siya nakuntento at mahigpit niyang hinawakan ang kaliwa kong kamay at binalibag ito. Napapahiyaw na ako sa sakit dahil namimilipit na ang mga daliri ko. Ang lalong nagpagulat sa akin ay nang ihagis niya ako palayo sa kanila ni ShaSha.

Napadpad ako sa isang matandang puno. Tumama ang likuran ko roon at napasubsob ang mukha ko sa lupa.

"TJ!" dinig kong sigaw ni ShaSha.

"Aba, aba! Tingnan mo nga naman o! Ang galing talaga ng mahal ko," boses ng binata. Sinubukan kong iangat ang aking mukha para makita ang binatang iyon. May hawak siyang panghabas sa damo. Nakasabit pa ito sa kaniyang balikat na animo ay naghahandang putulin ang mga matataas na damo sa palayan.

"SHASHA! TUMAKBO KA NA! TAKBO!"

Natataranta man ay mabilis siyang tumayo at tumakbo pero sa halip na lumayo ay sa akin pa siya pumunta. "Ang sabi ko tumakbo ka! Bakit dito ka sa akin pumunta?"

"Hindi kita puwedeng iwan. Tumayo ka na. Bilis. Wala tayong panlaban sa isang baliw at isang binuhay ng demonyo," inalalayan niya akong tumayo at nagsimula na kaming tumakbo. Pero hindi ganoon kabilis dahil nang nakakatakbo na kami ay may humarang sa aming isang pamilyar na imahe-ang putol na mga kamay.

"Nagulat ba kayo?" nilingon naming dalawa ang tinig at doon ay nagulat kami na nakahiwalay ang mga kamay ni Matilde.

"Ang sabi ng demonyo ay hahabulin kayo at hahanapin kayo ng mga kamay ng mahal ko hanggang sa mamatay kayong dalawa lalong lalo na ang babaeng iyan!" tumawa na naman siya. Nakakapangilabot ang kaniyang pagtawa. Muli naming tiningnan ang mga putol na kamay at gulat na naman kami dahil buo na naman ito. Si Matilde na naman ang kaharap namin.

SAMPUNG MGA DALIRIWhere stories live. Discover now