Ang Maliit na Hukay at Ang Kubo

784 31 0
                                    

TJ's POV

Matapos lapatan at gamutin ang mga sugat namin sa pinakamalapit na ospital ay tinungo na namin ang lugar kung saan nagsimula ang lahat. Ilang oras din ang biniyahe namin bago makarating sa Kalye Liko-Liko numero 18, Catacutan Street, Janiuay, Iloilo City.

Ilang taon na rin ang lumipas at nanatili pa ring nakatayo ang lumang bahay na ito kung saan lumaki ang batang nagngangalang si Matilde. Nag-iisang anak lamang ito. Ang yaya na nag-aruga sa kaniya ay siya ring babaeng kaniyang pinaslang. Paano ko nalaman? Dahil matagal ko na itong sinubaybayan. Kumuha din ako ng sample ng dugo sa mismong araw na nagkabanggaan sina ShaSha at si Matilde.

Kaya nagtugma ang aking mga ebidensiya. Si Matilde rin ang pumatay sa kaniyang mga magulang. Kung hindi ako nagkakamali ay bata pa lamang ay may sakit na sa pag-iisip si Matilde. Ang mga gunting ay mga koleksiyon niya. At ang unang naging biktima niya ay ang kaniyang yaya. Pinutol niya ang mga daliri nito at saka kinain. Masasabi kong hindi lang ito basta-basta sakit sa pag-iisip.

"Sa taas muna ako, Sha at maghahanap pa ng ibang clue," saad ko kay ShaSha.

"Mas mainam siguro na sa palibot ng bahay ako maghanap. Baka may iba pang lagusan o daanan sa paligid e," aniya.

Tumango naman ako bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. Kaya naman sinuri ko na rin ang buong bahay. Mula sa kusina, sa banyo, sa sala, at sa mga kuwarto. At sa kuwarto nga mismo ng batang si Matilde ko natagpuan ang nanari-saring hugis at laki ng gunting. Kanina sa kusina ay amoy na amoy ang masangsang na bagay roon. Nang buksan ko ang mga takip ng kaldero at mga kaserola ay doon ko rin nalamang mga putol na daliri iyon.

Inamoy ko pa ang mga pinggan at sobrang baho. Amoy lansang dugo. Kaya heto ako ngayon sa kuwarto at tinitingnan ang bawat sulok nito. Ito lang ang kuwartong nanatiling malinis at hindi mabaho. Tama nga ang hinala ko dahil si Matilde ang salarin sa lahat ng mga nangyari. Ang ipinagtataka ko lamang ay kung nasaan ang bangkay nito.

Lumapit ako sa bintana at binuksan ko ito. Napapikit pa ako at nasamyo ang preskong hangin. Nang imulat ko ang aking mata ay napansin ko ang isang maliit na hardin. Kaya naman naisipan ko na ring lumabas. Pababa na ako ng hagdan nang marinig ko ang sigaw ni ShaSha.

Mabilis akong lumabas ng bahay at pinuntahan siya. Naroon din pala siya sa hardin na nakita ko sa itaas. Hingal na hingal ako nang makalapit sa kaniya.

"Anong nangyari at bakit ka napasigaw, Sha?" nanlalata siya at halatang pawisan. Marahil hindi ba naghihilom ang kaniyang mga sugat.

"Pasensiya na, TJ. Pero tingnan mo ang isang hukay," napadako naman ang tingin ko itinuro niya at nagulat ako na isang hukay nga iyon. Pero hindi kasing laki ng isang kabaong ang hukay na iyon. Maliit lang ito na parang kahon. Sinipat ko pa ito nang maigi at napansin ang mga natuyong dugo.

"Mukhang may inilibing dito, Sha. Ang mabuti pa ay sundan natin sa direksyong ito kung may makikita tayong daanan," agad ko siyang tinulungang makatayo at nagsimulang igala ang aming mga paningin.

"Hayun, TJ!"

Sinuyod namin ang daanang iyon hanggang sa mapadpad kami sa isang animo ay kagubatang napapaligiran ng matataas na puno at mga talahib. Hindi na nga namin napansin ang mga hiwa sa aming mga braso dulot ng matutulis na talahib na aming nadaanan.

At nang magpatuloy kami sa aming paglalakad ay nakarating kami sa isang malawak at bakanteng lote na may nakatirik na isang munting bahay kubo. Hindi muna kami agad-agad na lumapit roon. Nagpasiya muna kaming magtago. Pinakiramdaman muna namin kung may lalabas o wala sa kubong iyon.

Nang wala kaming mapansin ay dahan-dahan naming tinungo ang kubong iyon.

"Hindi tayo puwedeng maghiwalay, Sha," sabi ko.

"Hindi puwede, TJ. Kailangan nating mahuli ang suspek. Kahit hindi natin alam kung narito nga o wala ang salarin," aniya.

"Pero... ang mabuti pa ay tingnan na lamang natin sa siwang kung may makita tayong tao sa loob," suhestiyon ko. Hindi na siya umimik. Hinawakan ko na lamang ang kaniyang kamay ng mahigpit. Mahirap na baka bigla na lamang siyang mawala sa paningin ko.

Umikot kami sa likuran at doon ay may nakita kaming isang maliit na butas. Sumilip kami at nagulat ako dahil isang lalaking nasa edad 15-18 years old ang naroon. Tila may kinakausap siya at nakinig kami.

"Hindi nagtagumpay ang plano ng mga putol na kamay ng iyong pinakamamahal na mapaslang ang pumatay sa kaniya," wika ng isang tinig. Ang boses nito ay parang tinig ng isang demonyo. Malaki at kakaiba na nakakapangilabot.

"Ngunit, natupad naman ang iyong kahilingang mabuhay siya at ngayon ay nasa harapan mo na siya. Nais ko lamang ipabatid sa iyo na nagtagumpay ka sa pag-alay ng limang pares ng mga putol na kamay ng mga dalagang babae upang mabuhay lamang ang iyong mahal. Iyong pakatandaan na sa oras na magkitang muli ang babaeng pumaslang sa kaniya ay magkakaroon ng sariling isip ang mga kamay nito upang maghiganti. Paalam," huling habilin ng tinig na iyon.

Tila namawis yata ako at hindi mapakali dahil demonyo ang kausap nito. "Anong nangyari, TJ? Bakit ikaw naman ngayon ang nanlanta? Anong nakita mo at narinig?" Hindi ko agad sinagot si ShaSha. Sa halip ay hinawakan kong muli nang mahigpit ang kaniyang kamay at marahang tumayo upang umalis.

"Saan tayo pupunta?" hindi ako sumagot. Mahigpit pa rin ang hawak ko.

"TJ! Anong nangyayari? Bakit hindi mo ako sinasagot?" inilagay ko na lamang ang hintuturo ko sa bibig niya. Senyales na kailangan niyang tumahimik.

"At saan kayo pupunta, mga mahal kong bisita?" napatigil kami nang may marinig kaming boses sa aming likuran. Nilingon namin ito at napagtanto na ang nagsalita ay ang binatang lalaking kanina ay nasilip ko sa siwang. At kasama niya ang isang... dalaga na si...

"Matilde?!" magkasabay pa kami ni ShaSha na bigkasin ang pangalan ng aming hinahanap.

SAMPUNG MGA DALIRIWhere stories live. Discover now