Panaginip

1.1K 40 0
                                    

T.J's POV

Nasa isang masukal na gubat ako. Tumatakbo. Mabilis ang pagtakbo ko. Hawak-hawak ang kamay ng aking mahal - si ShaSha.

Hindi kami lumilingon. May humahabol sa amin. Hindi siya hayop. Hindi rin siya multo. Dalawa ito. Dalawang putol na kamay. Tama! Putol na kamay.

Hindi ko alam kung bakit kami gustong patayin ng mga kamay na iyon. Binilisan lang namin ang aming pagtakbo hanggang sa napatigil kami dahil naririnig namin ang hampas ng alon sa karagatan.

"Wala na tayong matatakbuhan, TJ. Mabuti pa ay harapin na lamang natin ang putol na kamay na iyon."

Bubunot pa lamang ng baril si ShaSha nang biglang may sumakal sa kaniya - ang dalawang putol na kamay. Pilit na tinatanggal ni ShaSha ang mga kamay na iyon pero mahigpit ang pagkakasakal sa kaniya. Nakikita kong hindi na siya makakahinga.

Ako naman ay agad na hinawakan ang mga kamay na iyon pero masyado itong malakas at naihagis niya ako ilang metro lang ang layo sa kanila. Nagpatuloy ito sa pagsakal kay ShaSha. Atras naman nang atras si ShaSha hanggang sa mahulog ito.

ShaShaaaaaa! Sigaw ako nang sigaw. Mabilis din akong gumapang papunta roon pero may humablot sa aking dalawang paa at hinila ako palayo sa bangin. Napahawak ako sa mga mahawakan ko pero malakas ang pagkakahila niya sa akin. Naalala kong may naitago akong baril sa aking likuran kaya agad ko itong kinuha at pinaputukan ang... dalawang putol na kamay.

Makailang beses akong nagpaputok pero ang dalawa kong paa ang natatamaan. Nawawala ang putol na mga kamay. Palinga-linga ako. Nakiramdam. Tinalasan ko ang aking paningin. Hindi ko siya makita.

Subalit, may sumabunot sa akin at hinila naman ako patungo sa bangin hanggang sa ako ay mahulog.

Hindiiiii!

"TJ, gising! Gising!" nagising ako hindi sa lakas ng boses na narinig ko kung hindi dahil sa lakas ng sampal na natikman ko mula kay ShaSha? Agad ko itong niyakap.

"Panaginip lang pala. Thank God, buhay ka ShaSha. Akala ko ay tuluyan na tayong magkakahiwalay," mahigpit ang pagkakayakap ko na parang ayaw ko na siyang bitawan pa.

"Pu-puwede ba? Tanggalin mo ang pagkakayakap sa akin. At saka, anong pinagsasabi mo? Anong magkakahiwalay? Tayo ba?" sarkastiko niyang tanong at doon ko lang naalala na galit pala siya sa akin. Kumalas ako mula sa pagkakayakap ko sa kaniya at humingi ng paumanhin.

"Umayos ka nga! Ano ba napanaginipan mo at pati ako kasama sa kalokohan mo ha?" tumahimik na lamang ako. Nandito pa rin pala kami sa lumang bahay pero...

"Nasaan na ang bangkay dito?"

"Ako pa ang tinanong mo e pareho tayong nakatulog. Mas mahaba nga lang ang tulog mo. May tumira sa atin na isang klase ng pampatulog kaya tayo napaidlip. Mabuti na lang ay hindi tayo pinatay. Iyon nga lang ay nawawala ang bangkay ng suspek. Hindi kaya may bagong suspek?" natigilan kaming pareho.

Isang taon nga ang lumipas at ngayong nasa mga kamay na sana namin ang salarin ay naglaho pa ito. Hindi ako makakapayag na hindi ko malutas ang kasong ito. Pero sino na naman ang bagong salarin?

"Kailangang tawagan natin si Chief," aniya.

"Walang signal dito," sagot ko.

"E, di maghahanap ng signal. Problema ba iyon?" matindi talaga ang galit nito sa akin. Totoo nga namang hindi naging kami kasi mga bata pa kami noon kaya hindi ko siya niligawan. Mas priority ko kasi noon ang pag-aaral. Ngunit ngayon ay siya na ang magiging priority ko. Hindi maaring magkakatotoo ang panaginip kong iyon.

Pero paano kung magkakatotoo?

"Hays! Wala ngang signal. Ang mabuti pa umalis na muna tayo dito. Wala naman tayong ginalawa liban na lang sa bangkay na nawawala," suhestiyon.

"Mabuti pa nga pero hindi natin puwede sabihin kay Chief na ang salarin ay patay na at nawawala pa. At isa pa, may panibago tayong problema at iyon ay ang kumuha sa bangkay. May kinalaman siya sa bangkay kaya kailangan din nating tuklasin ito. Ako na ang bahalang tumawag ng unit na mag-iimbestiga sa nangyari dito. Umuwi na muna tayo," tumango na lamang siya at naunang naglakad palabas.

Habang naglalakad kami palabas ay hindi mawaksi-waksi sa aking isipan ang panaginip na iyon.

Ang pagtakbo.

Ang gubat.

Ang bangin.

Ang dalawang putol na kamay.

Ang pagkahulog ni ShaSha sa bangin.

At ang paghulog din sa akin sa banging iyon.

Ang nakapagtataka ay kung kanino ang mga kamay na iyon? Kamay ba iyon ng demonyo?

O baka iyon ang nawawalang kamay ng bangkay na nawawala ngayon?

"Hoy! Tulala ka na naman. Puwede ba TJ, kung tungkol iyon sa panaginip mo, ikuwento mo na lang sa akin sa kotse habang nagmamaneho ka. Kating-kati na akong makauwi at makaligo. Masyadong mahaba kasi ang tulog mo. Ayan tuloy pati ako naisama mo sa panaginip mo. Ganoon ba ako kaganda para mapanaginipan mo?" napailing na lamang ako. Ang ingay niya talaga. Ang sarap busalan ng packing tape ang bibig niya.

"Ganoon ba ako kaganda para mapanaginipan mo? Palibhasa, ayaw pang aminin na gusto pa niya ako," inulit ko pa ang mga huli niyang sinabi.

"May sinasabi ka?" pinandilatan niya ako. Detective ba ito? Ang ingay!

"Wala! Sabi ko, sumakay ka na para maikuwento ko na sa iyo ang napakaganda kong panaginip," sarkastiko kong sagot. Dumiretso na ako sa driver seat. Hindi ko na siya pinagbuksan. Baka sabihin niya nagpapaka-gentleman na naman ako sa kaniya. Baka talakan na naman ako at hindi na kami makaalis dito.

"Ang bagal! Bilisan mo. Paandarin mo na ang sasakyan!" aba! Relaks, TJ. Kalma lang. Mahal mo siya 'di ba? Tiisin mo na lang.

"Oo na. Hindi ba may kotse ka? Bakit dito ka sumakay?" boom. Nasapol ko siya. Tumahimik siya pero hindi siya bumaba.

"Babalikan ko na lang. Tinatamad akong mag-drive. At saka, magkukuwento ka pa 'di ba?" Hays. Bakit ba kasi sa kaniya pa tumibok itong puso ko. Sasabog na yata ito sa inis e. Ako pa talaga ngayon ang binabara? Whoah! Kalma lang. Kalma. At i-ni-start ko na ang makina ng sasakyan.

Nagsimula na rin akong sa kaniya magkuwento tungkol sa napanaginipan ko habang nagmamaneho ako.

SAMPUNG MGA DALIRIWhere stories live. Discover now