Ikaw

86 6 0
                                    

AMACon 4: Serendipitous
Poetry Day Twelve: Of Intuitions and Suspicious Superstitions

Sa tagal ng panahon na ipinanatili ko sa mundong ito
Mag-isa, malungkot, walang karamay ni anino
Nangarap akong balang araw ay makita ko
Ang isang taong magiging karugtong ng puso ko

Malapit na sana akong sumuko at bumigay sa mga pagsubok
Nang isang araw, sa tabi ng dalampasigan ay naulinigan ko
Kasabay ng hangin, isang mahinhing bulong, kasabay ng paghampas ng alon

Marahil ito iyong mga nilalang na sinasambit
Ng mga nuno ko noon na laman daw ng dagat mula sa langit
Huwag daw hihiyaw at baka magalit
Bagkus bulungan at humiling ng bagay na nais makamit

Mahirap maniwala sa mga sabi-sabi
Lalo na't kay tagal ko nang humihiling, halos gabi-gabi
Ang sabi ko na lang, sige hiling lang hanggang huli
At baka sakaling maawa ang dagat at ibigay ang pangarap kong mailap at nagkukubli

Hanggang sa lumubog ang araw at umahon ang buwan sa dilim
Ang mga bituin ay isa-isang nagningningan na tila kala mo may bagay na ipinagdiriwang
Noon gumapang ang kilabot at nginig sa aking kalamnan
Nang marinig kong muli ang bulong at maramdaman ang pagdating ng kasagutan

Isang bulong at paghaplos
Na tila hangin lamang ngunit may kasamang pagyapos
Akala ko'y dinadalaw na ako ng kahibangan
Ngunit paglingon ko'y mukha mo ang aking natagpuan

Ikaw ang aking hiniling sa hinaba-haba ng aking buhay
Ikaw ang pinangarap na makasama hanggang mamatay
Sana bukas sa pagsikat muli ng araw
Ikaw ay manatili sa aking tabi at di na kailanman pumanaw

(Originally published in "Tapunan Ng Feelings" on January 13, 2017.)

AMACON 4: SERENDIPITOUS (30-Day Writing Challenge)Where stories live. Discover now