Mga Lumipas Na Kahapon

80 5 0
                                    

AMACon 4: Serendipitous
Tagalog FF Day Nineteen: Sa Piling Ni Nanay

Bata pa lang ako, wala na akong ibang nakasama kung hindi si Mama. You and me against the world ang drama naming mag-ina. Napagtanto ko na kaming dalawa lang talaga nung nagdiwang ako ng ikalimang kaarawan ko na sya lang ang kumanta sa akin habang nakatiting ako sa nakasinding kandilang nakatusok sa isang malaking ensaymada.

Sabi nya sa akin noon, "anak, sana kahit dalawa lang tayo, maging masaya ka." Naaalala ko na tumingin lang ako sa kanya noon, tapos humiling sa kandila na sana hindi naman kami habambuhay na kaming dalawa lang, tapos ay hinipan ko na ito.

Taon taon, nagdiwang ako ng kaarawan ko na kaming dalawa lang. Masaya naman kami. Kung di nyo naitatanong, may sa komedyante kasi si Mama. Yung mga jokes nya, sobrang nakakatawa kahit waley. Pero ang hinding hindi ko makakalimutan tuwing kaarawan ko ay ang gawa nyang malaking ensaymada o nung mga ilang beses, yung keyk na iba't ibang kulay yung loob na parang bahaghari.

Pero syempre, dumaan din naman kami sa mga pagsubok, lalo na nung nasa hayskul na ako. Ang dalas kong mapaaway noon dahil lagi akong tinutukso na mestisong hilaw. Hindi ko naman sila pinapansin, pero nung minsang tinukso nila ako na putok lang sa buho ng pokpok at amerikano, sinapak ko talaga yung gagong yon sa muka. Ang sakit sa kamao, pero ang sarap sa pakiramdam. Nagputok ang nguso nung kaklase ko na yon, at inilipat ng magulang nya sa ibang eskwelahan pagkatapos non. Kilala kase yon na talagang pasimuno ng kaguluhan sa eskwelahan. Ako, pinatawag lang si Mama, pero nang marinig nya yung dahilan kung bakit ako nanapak, nagbakasyon na lang kami sa pinsan nya sa Subic ng isang linggong suspendido ako sa eskwelahan. Pero mula noon, natigil ang panunukso sa akin, at nagkaron naman ako ng ilang kaibigan.

Nung nasa huling taon na ako ng hayskul, isang unibersidad lang ang gusto kong pasukan. Sabi ko kay Mama, "Ma, UP or nothing." Sagot nya naman, "aba anak, eh pagbutihan mo dahil hindi ko afford pag-aralin ka sa nothing." O diba ang riot lang? Pero alam nyo kung anong ginawa nya? Tinulungan nya akong mag-aral para sa UPCAT. Ilang gabi kami nag-repaso ng mga aralin at mga halimbawa ng mga tanong sa UPCAT. Nung mismong araw ng eksamen, bumabagyo pa! Pero sinamahan nya ako. IIsa lang payong namin, pero ako ang pinayungan nya dahil daw kailangan presentable daw ako sa pagkuha ko ng eksamen, kahit na sya na lang daw ang magmukang basang sisiw. Nung dumating kami sa kwarto kung saan ako natalaga na kumuha nung eksam, hinatid nya ako hanggang pinto. Nung nakaupo na ako, sumilip ako sa bintana at nakita kong pinipilipitan nya ang laylayan ng kanyang damit. Basang basa ang kanang bahagi ng katawan nya dahil ako ang pinayungan nya nang sinuong namin ang ulan para lang hindi ako mahuli. Noon ko pinangako sa sarili ko na sisiguraduhin kong makapasa para kay Mama. Sabi ko, magsisikap ako para mabigyan ng magandang buhay si Mama dahil puro ako na lang ang inasikaso nya. Awa ng Dyos, nakapasa ako at nakapagtapos.

Sa buong panahon na ito mula hayskul hanggang kolehiyo, sinubukan kong hanapin ang tatay ko. Nung nagpunta kami sa Subic, nagtanong tanong pa ako. Pero para talaga syang nawala na parang bula. Sabi ni Mama, iniwan na daw kami nun at hindi daw kami mahal. Syempre ako, bilang bata, sa nanay ko lang ako nakikinig kaya naniwala ako. Hanggang sa isang gabi, habang naghahanap ako ng kopya ng sertipiko ng aking kapanganakan na hinihingi sa trabaho na aking inaaplayan, hindi ko sinasadyang makita ang isang sulat sa lalagyan ng mga dokumento ni Mama. Nag-alinlangan pa ako nung una, pero nung mabasa ko ang pangalan kung kanino iyon nanggaling, madali kong binuksan at binasa. Luma na yung sulat, wala akong makitang petsa pero mukang mga ilang taon na. Parang ilang taon nang binasa at itinupi na paulit-ulit. Doon ko natuklasan na matagal na akong gustong makilala ng aking ama. Yun na yata yung pinakamalala naming pag-aaway na mag-ina.

Sinumbatan ko sya sa lahat ng nasayang na panahon na hindi ko nakasama ang tatay ko. Sinisi ko sya sa lahat ng masasakit na panunuksong dinanas ko noon dahil lang wala akong tatay. Matapos kong bitawan ang lahat ng galit ko sa sitwasyon, nanghina na lang ako at napaupo sa sahig. Iniiyak ko ang lahat ng panahong nagdaan na sana nakilala at nakasama ko ang tatay ko. Hinayaan akong umiyak ni Mama, hanggang sa umupo sya sa tabi ko sa sahig at niyakap nya ako. Lalo akong naiyak dahil noon ko naramdaman ang sakit ng mga ibinato ko sa kanya. Sinaktan ko sya dahil nagalit ako sa sitwasyon. Nakalimutan kong sya ang aking ina. Sa isang idlap, ipinamukha ko sa kanya na hindi sya sapat para sa akin. "Ma, I'm sorry po..." bulong ko, pero hindi ko alam kung narinig nya. Niyakap lang nya ako at hinayaang umiyak.

AMACON 4: SERENDIPITOUS (30-Day Writing Challenge)Where stories live. Discover now