Mga Lihim Na Di Nabunyag

127 11 1
                                    

AMACon 4: Serendipitous
Tagalog FF Day Sixteen: Tamang Pagkakamali

"Huy! Ano, tulala ka na naman dyan!" Muntik na akong masubsob sa sahig nang itulak ako ng malapit kong kaibigan na si Jerald habang nakapangalumbaba sa pagtitig sa pinakamagandang babae sa balat ng lupa... o sa buong eskwelahan o siguro buong kalawakan. Basta. Sya ang pinakamaganda sa paningin ko. Ang kumontra, bibigwasan ko.

"Ikaw, Je ha. Sumosobra ka na! Muntik na kong mangudngod sa semento, tapos tatawa-tawa ka lang dyan? Pano kung nagasgas tong muka ko, mababawasan ng pogi sa mundo!" Lakas maka-gago nito eh. Kung di ko lang to kaibigan, sinapak ko na talaga to eh.

"Ang kapal mo talaga Polkerson. Eh pano naman? Sa araw araw na ginawa ng Dyos, kapag recess, kung hindi nakabaon yang ilong mo sa libro, naglalaway ka naman sa pagtitig dyan kay Ms. Maine." Pailing-iling pang sagot ng tukmol na to. Paki ba nya?

"Howeano naman ngayon sayo? Sinabi ko bang pakialaman mo ko, ha? Wag ka ngang ano! Krompalin kita dyan eh!" Tinitigan ko sya nang may paghahamon.

"Grabe ka naman sa pagka-defensive! Hoy, kakampi mo ko, gago! Ang akin lang naman, mag-isip kang mabuti dahil kahit na pagbalibaligtarin mo ang mundo, walang magandang kalalabasan yang kahibangan mo. Masasaktan ka lang." Umakbay sya sa akin at sabay kaming tumingin muli sa direksyon ng puno ng narra na napapaikutan ng mga bangkuan kung saan nakaupo si Ms. Maine habang nakikipagkwentuhan kay Ms. Sinag. Nagkibit balikat na lang ako sa mga sinasabi ng kaibigan ko. Sa puso ko, alam kong gusto kong ipaglaban na hindi mapipigilan kahit kailan ang pagtibok nito. Pero sa isip ko, alam ko naman na tama sya. Pero syempre di ko aaminin yun sa kanya.

"Sino bang hibang? Masama na ba ngayong tumingin sa maganda? Bawal ba?" Sagot ko na pabalang. Tumayo ako at inayos ang puti kong uniporme at itim na pantalon, bago ko isinukbit ang bag sa likod ko.

"Dyan ka na nga. Sa library na lang ako maghihintay ng bell." Tumalikod ako at lumakad palayo kay Jerald.

"Tamo tong pikon na to. Hoy! Hay nako. Sige na nga mamaya na lang!"

Iniwan ko syang nakaupo sa may labas ng canteen at lumakad na lang ako papunta sa library. Nadaanan ko ang puno ng narra at saglit na nasulyapan ang matamis na ngiti sa akin ni Ms. Maine. Wala nang mas niningning pa sa kayang mga mata. Wala nang makahihigit pa sa liwanag na dulot ng kanyang kagandahan. At kahit pagbalibaligtarin pa ang mundo, wala na akong magagawa upang pigilan pa ang aking nararamdaman. Mahal ko na sya, sigurado ako doon. Subalit alam ko na kung may kahit isang makakaalam dito sa eskwelahan tungkol sa nararamdaman ko para sa kanya, tiyak pagtatawanan lang ako at tatawaging baliw. Pwes, baliw na kung baliw. Ang mahalaga ay nagsusumikap akong makatapos sabay ng pagmamahal ko kay Ms. Maine, kahit patago.

Kung di lang ako nahinto sa pag-aaral, marahil ay tapos na ako ngayon at siguro ay may maganda nang trabaho. Pero dahil kinailangan kong huminto sa pag-aaral, heto ako ngayon, ang pinakamatanda sa klase ko. Kung tutuusin, kasing tanda ko ang propesor ko sa Pilosopiya, at mas matanda ako ng tatlong taon kay Ms. Maine. Kuya ang tawag sa akin ng lahat ng tao dito, at ipinagmamalaki ako ng halos lahat ng mga propesor at propesora ko sapagkat kahit na ganitong nalipasan na ako ng panahon ay nagsumikap pa din akong bumalik sa eskwelahan upang makatapos ng kolehiyo. Kung hindi ko lang kinailangang huminto nang mamatay ang aking ina, sana matagal na akong tapos. Buti na lang at ito na ang huling semestro ko at sa Marso ay makakapagmartsa na ako sa wakas. Makukuha ko na ang diploma ko sa kolehiyo at magiging inhinyero na ako.

Mula sa bintana ng library ay kita ko pa rin ang puno ng narra. Nakaupo pa rin doon si Ms. Maine. Dito ako madalas umupo upang masulyapan man lamang sya habang naghihintay kami ng susunod na klase.

Nakakatawa yung araw na una kaming nagkakilala dalawang taon na ang nakakalipas.

Tumatakbo ako noon papunta sa klase. Ang lakas ng ulan at tanging yung libro ko lang sa History ang hawak kong pantakip sa ulo. Nung malapit na ako sa harap ng gusali ng sunod kong klase, tinalon ko yung dalawang hakbang, pero syempre hindi ko natantya na maayos, kaya ano pa nga ba, eh di nadapa ako. "Buti na lang walang nakakita," bulong ko pa sa sarili ko. Tatayo na sana ako, pero biglang may lumapit at nagtanong ng "okay ka lang ba?" sabay hawak sa siko ko para tulungan akong tumayo. Pero madulas yung sahig dahil umuulan at naanggihan kahit may bubong, dagdag pa na mabigat yata ako kaya nung sinubukan nya akong tulunga na tumayo, dumulas yung sapatos ko at napaupo ulit ako sa semento, kasabay sya. Natulala pa ako sandali noon dahil nagulat ako sa sarili kong pagkasalampak sa semento, hanggang sa nadinig ko na lang ang pinakanakakatawang hagalpak ng tawa nya. Yung tawa nya yung tipong kahit hindi ka naman natatawa, wala kang magagawa kundi mahawa. Natawa na din ako kasabay nya, tapos pareho kaming hindi makatayo sa sahig kaya tawa lang kami nang tawa hanggang sa kala mo eh hinihika na sya. "Miss, okay ka lang ba?" Tanong ko. "I'm sorry pati ikaw nadamay ko pa sa pagkalampa ko," ang sabi ko sa kanya. Pero alala ko na nagkakandaiyak na sya, tawang tawa pa din sya sa sitwasyon dahil andun kaming dalawang damulag na gumulong sa sahig kakatawa. Nung huminahon na sya ay nakatayo na kami, pinulot ko isa-isa at iniabot sa kanya ang makakapal nyang libro. "Miss, sorry ha. Susmaryosep nakakahiya. Thank you sa pagtulong sakin. RJ nga pala," sabi ko, sabay alok ng kamay ko. "Maine," sagot nya sabay inabot ang kanyang kamay. Ang lambot ng kamay nya at kinilabutan ako dahil akala mo hinubog yung kamay nya sa kamay ko. Napatingin ako sa magkahawak naming mga kamay, pero bigla nyang binawi yung kamay nya. "Sige, RJ, kelangan ko na mauna. Ikaw din, baka huli ka na sa klase mo. Sige, una na ako." Sigurado ako na pag-alis nya noon ay muka akong tangang nakangiti sa kawalan. Pinangako ko sa sarili ko na hahanapin ko sya ulit sa eskwelahan at sisiguraduhin kong sya na ang babaeng aking papakasalan.

AMACON 4: SERENDIPITOUS (30-Day Writing Challenge)Where stories live. Discover now