Mga Oras Na Lumipas

70 3 0
                                    

AMACon 4: Serendipitous
Tagalog FF Day Twenty One: Sa Huling Sandali

"Two years. I've waited for this moment for two years. Bakit kung kailan andito na, saka naman ako kinakabahan na todo todo?"

"Kakasabi mo lang bes, two years mo hinintay. Malamang kung ako din ikaw, juskolord baka para na akong kiti-kiti dito. Eh ikaw, ang kalma mo pa eh o! Patingin naman ng kabado!"

"Sira ka talaga. Anong gusto mo, mag-eggroll ako dito? Syempre kailangan kalmado pag nagkita na kami."

Dumating kami sa may labasan ng mga bagong dating sa paliparan ng Maynila mga sampung minuto na ang nakakalipas. Buti na lang at pumayag ang kaibigan ko na samahan ako dahil sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko kakayanin to. Hindi ko alam kung sino o nasan na yung susunduin ko dahil hindi ko pa sya kailanman nakita sa personal. Isang larawan nya lang ang naipadala nya sa akin sa dalawang taon na nakakausap ko sya sa internet.

Bago nyo ako husgahan, sasabihin ko na sa inyo ngayon pa lang na hindi ko sya jowa. Magkaibigan lang kami. Okey na? Okey.

"Alam mo ang hindi ko ma-gets, bes? Yung paanong hindi kayo pero araw-gabi, magdamag maghapon eh magkausap kayo, tapos bawat kilos nyo, pinapaalam nyo sa isa't isa. Fine, hindi kayo ma facetime o viber video, pero wala lang, sa panahon ngayon and sa technology that we have, I'm just surprised na isang picture lng ng isa't isa ang meron kayo? Ang tibay ha. Ipapagtayo na ba kita ng rebulto?"

Ang totoo nyan, hindi lang ang matalik kong kaibigan ang nagsabi nyan sakin. Lahat na yata ng kakilala ko, ganyan ang reaksyon. Kahit ako minsan nagtataka na rin kung talaga kayang wala lang kami. Pero ayos lang. Masaya naman kami sa kung ano ang meron kaming dalawa. At saka wala naman lumalapit sakin na magtangkang manligaw, siguro kasi ang akala nila, kasintahan ko ang kausap ko maya't maya. Kahit ang nanay ko, pinapagsabihan na ako na nakadikit na daw sa kamay ko ang telepono ko. Pero, ewan. Ganun talaga eh. Masaya ako na kausap sya araw araw.

"Ikaw, kahit kelan luka luka ka talaga. Bakit di na ba pwedeng magkaron ng kaibigan na lalaki? Pwede naman ah. Selos ka lang no? Wag ka na magselos, ikaw naman lagi kong kasama eh..."

"Pero sya ang lagi mong kausap."

"Luh. Dama ko yung bahid ng sama ng loob dun ah. Sorry na, bes. Kahit naman madalas ko sya kausap, di naman ako nawawalan ng time para sayo ah."

"Oo nga, andun na ako, bes. Andun na ako. Ang akin lang... haaay... ayoko lang na dumating ka sa punto na mahuhulog ka, aasa ka, tapos waley. Ayaw ko lang na iiyak ka na naman gaya dati."

Nasaktan na ako minsan, syempre hindi naman ako tanga para hayaan na masaktan na naman ako.

"Bes, diba pinag-usapan naman na natin 'to? Diba sabi ko naman sa'yo na mutual understanding namin na hindi kami mai-in-love sa isa't isa at pwede naman kaming makipag date kahit kaninong gusto namin. Diba nga sabi ko sa'yo, last year nagka-girlfriend pa sya and I had to endure his sadness and heartbreak after sya iwan nung maarteng haliparot na yon."

"Fine, bes. Basta. Hindi pa rin ako sold na friends lang kayo! Yang mga amboy na ganyan, may mga angas at kati sa katawan yan. Baka kapag nakita ka na nun sa personal, sakmalin ka na lang agad nun ah."

"Gaga ka! Sakmalin ka dyan! Susmaryosep, excuse me. Conservative kami pareho."

"Conservative pinagsasasabi mo dyan. Echusera ka, bes. Naku! Pustahan tayo ha. Hay nako. O ayan na mukang mga galing San Francisco na yang mga dumadating. Itaas mo na yang pangalan nya."

Itinaas ko ang papel kung saan nakasulat ang pangalan nya. Siguro naman makikilala nya yung mukha ko kapag nakita nya ako dahil di naman nag-iba ang itsura ko dun sa litrato ko na binigay ko sa kanya. Pero para sigurado, naghanda na rin ako ng papel para di na kami maghanapan. Nang mag-iisang oras na kaming nakatayo at naghihintay, medyo kinabahan na ako na parang may mali yata. Sinilip ko sa listahan ang mga dumating na eroplano, at nakalagay na yung kanyang sinakyan ay maayos nang nakalapag. Abala ang kaibigan ko sa paglalaro ng Candy Crush sa telepono nya, habang ako naman ay hindi na mapakali dahil anumang sandali ngayon ay lalabas na online bespren ko. Sa ikalawang oras ng paghihintay namin, wala pa rin. At bago umabot sa tatlong oras, umalma na ang kaibigan ko.

"Bes, uhh di naman delayed yung flight nya no? Gusto mo magtanong ako kay manong guard kung may mga pasahero pa sa loob na galing San Francisco na di pa nakakalabas?"

Maingat ang pagtatanong sa akin ng kaibigan ko. Marahil ay halata sa mukha ko ang pagkadismaya at lungkot sa posibilidad na baka hindi na yun dadating o di kaya ay umiwas sya sa akin sa oras na ako'y nakita nya.

"Okay lang, Bes. Hintay lang tayo. Baka naipit lang yung mga bagahe nya sa carousel. Alam mo naman minsan ganyan diba?"

Kita ko ang simpatya ng kaibigan ko, pero alam kong pinipigilan na lang din nya ang sarili nya na pagsabihan ako. Patago kong pinunasan ang luha kong nagpilit bumagsak mula sa kanan kong mata. Humawak ako sa aking dibdib para kalmahin ang sarili na huwag mag-isip ng kung ano-ano tungkol sa sitwasyon. Marahil ay may dahilan kung bakit sya nagtatagal sa loob... kung andun man sya sa loob. Nang mahigit apat na oras ba kaming naghihintay, alam ko na sa sarili ko na di na sya dadating, pero nagmatigas ako. Kinailangan nang umalis ng kaibigan ko dahil may malaking presentasyon sya sa trabaho na hindi nya maaaring hindi puntahan. Nangako ako sa kanya na ayos lang ako at aalis na rin maya maya.

Pero naghintay pa rin ako. Ilang beses na akong binalik-balikan ni Kuya Guard at mukang nakahalata na sya na kanina pa ako naghihintay. Halata sa mukha nya ang awa sa akin pero hindi nya ako nilapitan at wala syang sinabi. Ilang tagasundo na ang nagpalit-palit sa tabi ko at pinanood ko lang ang bawat ngiti at iyak nila sa pagsalubong sa kanilang mahal sa buhay. Hindi ako makaalis sa pwesto ko sa takot na baka bigla syang dumating at wala ako doon. Hindi na rin ako nakapagtanghalian. Nang humapon na ay umupo ako panandalian sa sahig sapagkat bumibigay na ang aking mga tuhod at binti sa paghihintay buong araw.

Nang magwawalong oras na akong naghihintay, napansin kong paalis na iyong guwardya na tumitingin sa akin kanina. Tinanguan ko sya. Lumapit sya sa akin na puno ng simpatya ang mukha nya.

"Miss, kung sino man yung hinihintay mo, malamang baka hindi na yun dadating. Ilang oras ka na dito, natapos ko na yung shift ko, andito ka pa din. Ilang eroplano na ang dumating. Hindi na dadating yun."

"Mali kayo manong. Dadating sya..." hindi na ako nakapagsalita pa sa pagpipigil ng aking luha. Parang pauli-ulit na binibiyak ang aking puso sa sakit na nararamdaman ko dahil sa ang isinisigaw ng utak ko ay kapareho ng sinabi ng gwardya. Umiling na lamang sya at umalis.

Itinaas ko ulit ang papel kung saan ko isinulat ang pangalan nya. Lukot lukot na ito at halos magugutay na dahil sa pamamawis ng kamay ko sa paghawak buong araw. Binubulyawan na ko ng isip ko na tama na, sumuko na at umuwi na. Hindi na sya dadating. Ngunit ayaw pumayag ng puso at mga paa ko. Tumingin ako sa aking relo sa di ko na mabilang na beses.

"Okay, self. Twelve hours. Enough nang paghihintay ang twelve hours. Sa twelfth hour ng paghihintay, uwi na tayo."

May labinlimang minuto pa akong natitira. Nagdasal ako sa Dyos na sana ay walang masamang nangyari sa kanya. Paulit ulit kong tiningnan ang aking telepono kung may mensahe ba syang ipinadala para ipaalam kung ano na ang nangyari sa kanya, ngunit wala ni isang pagpaparamdam.

Sampung minuto. Hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng mga luha ko na nag-unahan pang gumapang sa aking mga pisngi. Sigurado na ako na hindi na sya dadating.

Limang minuto. Ibinaba ko na ang papel. Marahan ko itong itinupi nang apat na beses upang magkasya sa aking bulsa. Pinahid ko ang aking mga luha at nagbuntong hininga. Tinanggap ko nang hindi na sya dadating at nasayang lang ang labindalawang oras na ginugol ko sa paliparan sa paghihintay sa kanya.

Sa eksaktong oras ay tumalikod na ako at pilit na inilakad ang mabibigat kong paa pabalik sa kotse. Bago ako tuluyang lumabas ay lumingon akong muli sa pinanggagalingan ng mga bagong dating. Hanggang sa huling sandali ay umasa ako na dadating sya. Yumuko na lamang ako at mabigat ang loob na lumabas ng paliparan.

(Originally published in "Tapunan Ng Feelings" on January 23, 2017.)

AMACON 4: SERENDIPITOUS (30-Day Writing Challenge)Where stories live. Discover now