Mga Himig Na Hindi Na Kailanman Maririnig

87 3 0
                                    

AMACon 4: Serendipitous
Tagalog FF Day Twenty: Huling Awit Ng Unang Nota

Kung minsan, ang buhay ay sadyang mapagbiro. Isang araw okey ka, sunod naman hindi. Isang araw, suntok ka lang sa buwan, tapos isang araw basta basta ka na lang bibigyan ng isang bagay na pinakamimithi mo.

Yung nakaupo ka lang isang araw sa may pinto o bintana, pinanonood ang dalawang ibon na sa unang tingin ay tila naglalampungan sa ilalim ng mga berdeng dahon. Ngunit ang totoo, sila pala ay pilit na sumisilong sa isa't isa sa kasagsagan ng malakas na bagyo. Tila ba sila ay umaawit, nililibang ang mga sarili habang nagpapalipas ng ulan. Pinanood ko ang pagbuka at sara ng kanilang mga tuka, na akala mo ay mababasa ko ang kanilang mga pangungusap. Tumingala ako sa langit sabay ng malalim na buntong hininga, at pinanood ang mabilis at mabigat na pagbulusok ng ulan mula sa maiitim na ulap, hanggang sa ang mga ito'y bumagsak at humalik sa namumuo nang baha sa daan. Parang ganyan ang buhay. Isang araw nananahimik ka sa taas, pero dumadating din yung araw na wala kang magagawa kundi magpatihulog sa ibaba. Mukhang kay lakas ng ulan, na sinasabayan pa ng nakakasilaw na paminsan minsang pag-guhit ng kidlat sa kalangitan. Nabalik ang tingin ko sa dalawang ibon. Andun pa rin sila, ang mga tuka ay bumubukas pa rin at sumasara. Ngunit hindi ko sila nadidinig... katulad ng napakalakas na ulan at ng kulog at kidlat na sigurado akong dumadagundong sa buong kalangitan.

Kailan lang nagsimulang mawala ang aking pandinig. Sabi nung doktor sa health center sa bayan, malamang na napasukan lang daw ng tubig o di kaya'y namuong tutuli na kailangan ko lang linisin o hintaying lumabas. Pero tatlong buwan na ang nakalipas. Nung una, humina lang ang pandinig ko, pero nnung lumaon ay unti-unti itong nawala hanggang sa nabalutan na lang ako ng katahimikan. Hindi na ako nagulat, sa totoo lang. Sa katunayan, hindi ko ininda nung una, hanggang sa tuluyan ko nang nakasanayang mabuhay sa katahimikan. Paminsan-minsan ay bumabalik ang pandinig ko na akala mo sumpong, ngunit panandalian lamang at nawawala din.

Pero gaya ng sabi ko, mapagbiro ang buhay. Pagtila ng ulan ay ani mo sumilip silip sa paligid nila yung dalawang ibon. At nagulat ako nang pagbuka ng tuka ng isa ay naulinigan ko ang matinis nitong tiririt. Itinagilid ko ang aking ulo at nakinig na muli. Mahina, ngunit andon ang tining. Matagal tagal na rin nang huli akong nakarinig. Hindi ko namalayang nakangiti na pala ako sapagkat sa wakas ay nakakarinig na akong muli. Nang tumalon mula sa sanga ang dalawang ibon ay sinundan ko sila ng tingin at namaalam sa kanila. Sa tuwa ko ay lumabas ako ng maliit na kubong tinitirahan ko upang marinig ang mga tunog sa paligid ko. Tumayo ako sa gitna ng bakuran at ipinikit ang aking mga mata. Noon ko unti unting narinig muli ang malumanay na daloy ng tubig sa sangka sa likod ng kubo, ang malutong na tunog ng pangilan ngilang patak ng naiwang ulan sa makakapal na dahon ng puno ng kaymito, at ang ilang mga ibong umaawit at naglilipatan lang sa mga puno sa paligid.

Tumingala akong nakapikit at ninamnam ang pagsasaliw ng mga tunog sa paligid, kasabay ng napakahinang ambon na malumanay na humahalik sa aking mga pisngi at labi. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na katingalang nakapikit, ngunit napadilat ako nang bigla kong marinig ang malutong na pagkasira ng isang sanga na maliwanag na dulot ng pagkatapak dito. Bigla akong lumingon sa direksyon ng tunog at nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita.

"Wag kang lalapit! Sino ka?" Sigaw ko sa lalaking nakatayo ilang dipa mula sa akin.

"Miss! Teka lang," sagot nya sabay ng pagtaas ng kanyang dalawang kamay. "Hindi ako masamang tao, miss, naligaw lang ako."

Napansin kong muka syang taga-Maynila. Ilang taon din akong nanirahan doon, ngunit nang magsimulang humina ang aking pandinig ay minarapat kong lumayo at tumira na lamang sa kabundukan. Maraming masamang tao sa Maynila, ngunit mukhang mabait ito at may itsura. Ngunit umatras pa rin ako palayo sa kanya, palapit sa pinto ng aking kubo. Dahan dahan nyang ibinaba ang kanyang mga kamay at umakmang hahakbang papalapit sa akin.

AMACON 4: SERENDIPITOUS (30-Day Writing Challenge)Where stories live. Discover now