Nostalgia (By: Hashtag David)

126 18 3
                                    

HALOS mamatay sa kakatawa si Gerald habang hinihipuan ng mga barkada ang kaklase nilang si Shandon.

Iritang-irita na ito ngunit wala naman itong magawa para ipagtanggol ang sarili.

Lumapit si Gerald kay Shandon at hinablot ang bag nito.

Sinubukan nitong agawin iyon sa kanya ngunit itinakbo niya ito sa malayo at hinarangan naman ito ng mga kabarkada.

Tumatawang binuksan ni Gerald ang bag at kinuha mula roon ang pagkain ng lalaki. Pagbukas niya sa baunan, halos mawasak ang bibig niya sa paghalakhak nang makitang tilapia ang ulam.

"Bakit isda ang baon mo, mahal? Bakit hindi na lang hotdog? Gusto mo ba hotdog ko na lang ang ulamin mo?" pang-aasar ni Gerald kay Shandon.

"Niluto daw niya para sa 'yo iyan, p're! Kayo raw dalawa kakain n'yan!" anang isa sa mga barkada niya.

Kahit may pulubi nang dumaan, hindi pa rin nila tinigilan ang pambu-bully sa lalaki.

Lumapit si Gerald kay Shandon at isinampal sa mukha nito ang baunan.

Dumikit ang ilang mga kanin sa mukha ng lalaki at ang malalaking parte naman ay nahulog sa lupa kasama ng tilapia.

Dahil doon ay kumaripas nang takbo si Shandon habang tumatangis.

Akmang sasama na si Gerald sa mga barkadang humabol dito nang umagaw sa pansin niya ang pulubing lumapit sa bahagi ng kalsada kung saan nahulog ang pagkain.

Napako siya sa kinaroroonan nang makita ang lalaking pulubi na sa tantya niya'y kasing edad lamang niya.

Nagbago ang mood niya nang makita kung paano lamutakin ng pulubi ang pagkaing nahulog sa lupa.

Hindi maipaliwanag ni Gerald ang naramdaman niya nang makita ang eksenang iyon.

Tumingin sa kanya ang pulubi habang ngumunguya pa sa bibig. Agad din nitong binawi ang tingin at nagpatuloy sa pagkain.

Hindi dapat nakakaramdam ng awa si Gerald sa mga ganoong tao ngunit iyon ang naramdaman niya nang mga sandaling iyon. Lumitaw sa kanyang mukha ang seryosong ekspresyon na noon lang niya napakawalan.

Nang maubos ng pulubi ang pagkain ay tumayo na ito at naglakad palayo sa kanya. Pinunasan pa nito ang bibig gamit ang sando nitong puno na rin ng dumi.

Tila kinurot ang puso ni Gerald ng pulubing iyon. Dahil doon ay hindi na siya sumunod pa sa mga barkada. Umuwi na lamang siya at nagkulong sa kuwarto.

Nang sumunod na araw, muli niyang nakita sa gilid ng daan ang pulubi habang naglalakad siya papuntang iskuwelahan.

Awtomatikong huminto siya sa tapat nito. Dumukot siya ng pera sa bulsa at iniabot sa lalaki.

Nang mapunta na sa kamay ng pulubi ang pera, bigla na lamang siyang napaisip kung bakit niya iyon nagawa.

Gayunpaman, wala siyang pinagsisihan sa ginawa at nagpatuloy na lamang sa paglakad.

Kahit nasa malayo na siya, naaninag pa rin niya ang lalaking pulubi. Napansin niyang nakatitig din ito sa kanyang kinaroroonan. Bahagya itong nakangiti sa kanya na marahil ay pasasalamat sa munting bagay na binigay niya.

Pagsapit ng break time ay nahuli ni Gerald si Shandon na lumabas agad ng class room. Marahil ay tumakas na ito upang hindi makaranas ng pambu-bully mula sa kanila ng mga barkada.

Pero sa katunayan, walang balak mang-bully si Gerald sa araw na iyon. Tila ba naglaho na lang bigla ang interes niyang tuksuhin ang kaklase.

Nang lapitan nga siya ng isa sa mga barkada at tinanong kung ano ang gagawin nila kay Shandon sa pag-uwi, tumawa lang siya at sinabing may pupuntahan siya ng kanyang mga magulang pagkatapos ng klase. Sa halip, iniba niya ang usapan at nagkuwento kunwari ng mga video na napanood niya sa mga porn website.

One-Shot Writing Contest 2018 CompilationWhere stories live. Discover now