Remember Me This Way by Jennifer Ikan

231 70 92
                                    

Malinaw pa sa ala-ala ko noong una tayong magkakilala. Napakatamis ng iyong ngiti nang magtama ang ating mga mata.

Nakaupo ako noon at nakasalampak sa damuhan habang hilam ng luha ang mga mata. Para akong isang basang sisiw sa gitna ng ulan. Walang natitirang pag-asa sa akin at nais ko nang isuko ang aking buhay. Puno ng hinagpis ang puso ko at wala akong magawa kundi ang umiyak.

Dumating kang may dalang payong at pinasukob mo ako. Inalalayan mo akong tumayo at dinala mo ako sa iyong magarang sasakyan. Doon mo ako pinahiram ng suot mong jacket at ipinatong mo sa nanginginig kong katawan.

"Ako nga pala si Jonabelle Suarez," pagpapakilala mo sa iyong sarili sabay abot ng kamay. Nag-atubili akong tanggapin iyon dahil may takot sa puso ko na magtiwala sa kahit na sino. Ngumiti ka na lang ng hindi ko tanggapin ang kamay mo. Tiningnan lang kita hanggang sa muli kang magsalita.

"Kahit na sa tingin mo, ang hirap mabuhay sa mundo, tandaan mo, na may mga tao pa ring handang tumulong sa'yo."

Sa sinabi mong iyon, gumaan ang pakiramdam ko. At kahit na noon lang kita nakita, naramdaman kong mabuti kang tao. Hindi lang iyon, ikaw na yata ang pinakamagandang babaeng nakilala ko. Hindi lang sa panlabas kundi maging sa panloob.

"Okay lang kahit hindi ka magsalita ngayon. Basta mula ngayon, magkaibigan na tayo. At kung sakaling handa ka nang sabihin sa akin kahit ang pangalan mo, nandito lang ako," sabi mo pa saka mo itinuon ang atensiyon mo sa iyong pagmamaneho.

Dinala mo ako sa iyong bahay. Pangmayaman ang itsura ng bahay ninyo. Napakalaki at pakiramdam ko ay nanliit ako. Noon lang ako nakatuntong sa ganoong kagandang bahay at pakiramdam ko ay hindi ako nababagay na doon manirahan. Pero pinatuloy mo ako, binigyan mo ako ng sarili kong kuwarto. Malaki pa iyon sa dating tinitirhan ko.

Binihisan mo ako ng marangyang damit at pinakain mo ako. Hiyang-hiya man ako sa naging trato mo sa akin, hindi naman nahiya ang tiyan ko. Gutom na gutom na kasi ako dahil sa dalawang araw na walang laman ang tiyan ko.

Nang mabusog ako, nagkuwento ka sa akin. Ang dami mong sinasabi pero wala akong maintindihan, basta ang alam ko lang, masaya ka habang sinasabi mo ang lahat tungkol sa'yo. Parang ang natandaan ko na sinabi mo ay,

"Masaya ako na dumating ka sa buhay ko. Mula ngayon, ituring mo na akong kapatid mo."

Nang tumagal ako ng isang linggo sa bahay ninyo, naging palagay na ang loob ko. At nang magtanong kang muli tungkol sa buhay ko, sinabi ko na sa'yo ang lahat mula sa pangalan ko hanggang sa panahong nakita mo ako.

"Ako si Kristine Custodio. Isa na akong ulila at naninirahan na lang sa aking mga tiyuhin at tiyahin pero tulad sa fairy tale ni Cinderella, naging alipin rin nila ako. Okay naman ako sa gawaing bahay. Kinakaya ko naman kahit mabigat na trabaho pa ang iutos nila sa akin. Kinakaya ko rin ang mga mura at sigaw nila. Kinakaya ko ring magutom at kumain ng tira-tira." Mahirap sa aking ilahad ang hirap na dinanas ko kaya't agad na tumulo ang mga luha ko.

"Ngunit hindi lahat ay kakayanin ko dahil hindi ko kayang sikmuraing magtrabaho bilang GRO. Pinilit nila akong ipasok sa bar ngunit tumakas ako. Sa pagtakas ko, naabutan nila ako at pilit pinagsamantalahan. Ilang lalaki ang nakatikim sa aking murang katawan." Napahagulgol na ako nang alalahanin ko ang malagim kong nakaraan. May bahagi sa akin na parang ayaw ko ng ituloy ang pagsasalaysay.

Naramdam ko ang paghagod mo sa likod ko. Ramdam ko sa boses mo ang pag-aalala sa kalagayan ko.

"Wala ng mananakit sa'yo rito. Magtiwala ka, hindi na namin hahayaang maulit pa ang nakaraan mo."

Sobrang saya ko dahil tinanggap mo ako ng buo kahit ang totoo ay wasak na wasak ako. Binigyan mo ako ng pag-asang muling mabuhay. Masaya rin ako dahil nagkaroon ako ng bagong pamilya sa katauhan ng iyong pamilya. Tinrato rin ako ng maayos ng mga magulang mo. Itinuring nila akong anak gaya mo. Napakabait nila at napakasuwerte ko nang makilala ko kayo.

One-Shot Writing Contest 2018 CompilationWhere stories live. Discover now