Chapter 1 - (Via; The Luckiest Dreamer)

4.5K 73 13
                                    



"Lilac! Peach! Ano'ng oras na, mahuhuli na kayo sa klase! Kanina pa kayong dalawa r'yan sa kwarto, ah? Kilos-kilos hoy!"

Binulabog ng sigaw na iyon ni Via ang tahimik na bahay ng mga Santimeda nang umagang iyon. Tulad ng madalas na mangyari sa araw-araw, sa tuwing naghahanda na ang magkakapatid sa pagpasok sa eskwela, at sa tuwing kukupad-kupad ang mga ito sa pagkilos, ang sigaw na iyon na iyon ang laging kumakalampag sa paligid.

Pasado alas siete na at kailangan nang umalis ng mga bata. Alas siete y media ang unang klase ng kambal at alas otso naman ang schedule ng job interview na pupuntahan ni Via. Kailangan na nilang magmadali.

"Heto na nga po," ungot ng sampung taong gulang na si Lilac na siyang unang lumabas mula sa kwarto ng mga ito. Dumiretso ito sa mesa at kinuha ang plastic container na may lamang kanin at ulam saka ini-silid sa bag. "Hindi na ako kakain ng almusal, Ate."

"Talagang hindi na dahil wala na kayong oras. Ang kukupad n'yo kasing magkikikilos. Ano na naman ba ang pinagpuyatan ninyo kagabi at ano'ng oras na naman kayong nagising?"

"Si Peach kasi, Ate, ang ingay kagabi," sumbong pa ni Lilac sabay sukbit ng backpack. "Sinabi ko nang tigilan na ang pagbabasa ng komiks, eh. Ayaw paawat."

"Komiks na naman?" Ini-tukod ni Via ang mga kamay sa bewang. "Kung mga aralin ba naman sana ang pinagpuyatan ninyo'y wala kayong sermon mula sa akin. Pero komiks? Aba, ano ang isasagot ninyo sa mga test papers ninyo? Archie and friends?"

"Scooby Doo and friends, Ate," pagtatama ni Lilac na ikina-laki ng mga mata ng ate.

"Aba, sasagot ka pa?"

Bungisngis lang ang ini-sagot ni Lilac.

"Ate, ubos na ang conditioner natin," reklamo naman ni Peach paglabas ng silild. Nagsusuklay ito ng buhok; ang nguso'y nanunulis sa inis.

Dinilatan ni Via ang kapatid at inagaw mula rito ang backpack upang ipasok doon ang lunchbox nito.

Sina Lilac at Peach ay kambal at bunso sa limang magkakapatid. Parehong nasa grade three at kabilang sa highest section. Sa kabila ng pagiging identical twins ng mga ito ay magkaiba ng ugali ng dalawa. Si Lilac ay mas matured at behaved, samantalang si Peach nama'y maingay at makulit. Madaling sabihin na introvert si Lilac at extrovert naman si Pechay—langit at lupa ang pagkakaiba.

"Bilisan na ninyo at ano'ng oras na! Kapag hindi pa tayo nakaalis ngayon ay siguradong wala kang pang-conditioner hanggang pasko!"

Mabilis na sumunod si Lilac, habang si Peach naman ay bantulot na naglakad patungo sa pinto. Halos itulak pa ito ni Via para kaagad na makalabas.

Bago lumabas ng pinto ay dinaanan muna ni Via ang sofa na gawa sa kawayan saka kinuha ang brown envelope na nakapatong doon. Sa loob ay ang lahat ng mga requirements na kailangan niya para sa job interview. Katabi ng envelop ay ang bag kung saan naroon naman ang mumurahing cellphone at pitakang pamasahe lang ang laman. Nang makuha ang lahat ng mga dadalhin ay kaagad na lumabas ng bahay si Via. Ini-sukbit nito ang bag sa balikat at kinipkip sa kilikili ang envelope bago hinarap ang pinto upang i-lock.

"Ate, paaalahanan lang kita na sa makalawa na ang field trip namin at ngayong araw na ang deadline ng bayarin."

Sandaling natigilan si Via nang marinig ang sinabi ni Peach. Pumasok sa alaala nitong binanggit nga iyon ng kambal noong nakaraang linggo pero hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin itong naihahandang pambayad.

THE LUCKIEST DREAMERWhere stories live. Discover now