Chapter 2 (Alexandro; The Man of Her Dreams)

2.5K 61 6
                                    


Pasado alas-dies na at alam ni Via na kaya pa niyang abutan ang job interview sa resort. Alam niyang hanggang ala una ang schedule, at kung aalis siya ngayon ay siguradong may pag-asa pa siya. Pero sa mga oras na ito, sigurado ring marami-rami nang mga aplikante ang naka-pila roon, at maaaring pagod na ang mga hiring staff kaya ang mga nauna na lang ang bibigyan ng pansin at pagkakataon. Ibig sabihin ay mayroon lamang dalawampung porsyentong natitira na maaari siyang matanggap—otsenta porsyentong hindi.

Isang mahabang buntonghininga ang kumawala mula sa kaniya.

Minsan lang magkaroon ng job opening ang Resort de Almira at kapag nangyayari iyon ay bumabaha ang mga aplikante. At sa loob lamang ng isang araw ay nakahahanap na kaagad ang mga ito ng mga bagong empleyado. Kung aalis siya sa oras na iyon ay makahahabol pa siya; panghahawakan niya ang dalawampung porsyentong natitira.

Pero... may maabutan pa nga kaya siyang bakanteng trabaho?

Habang iyon ang tumatakbo sa isip ay napa-sulyap siya sa pinto ng private unit ni Don Armando. Ayon sa doktor na sumuri sa matanda ay nakaranas ito ng minor heart attack at kung hindi raw kaagad ito nai-sugod sa ospital ay baka kung ano pa ang nangyari rito. Kasalukuyan nang nagpapahinga ang matanda at bukas-makalawa ay maaari nang lumabas.

Mula sa pagkakasandal sa pader ng hallway ay tuwid siyang tumayo at tinungo ang nurse station. Magpapaalam siya sa mga itong aalis na. Tumawag na siya kanina sa mansion ng mga Castillano para ipaalam sa mga naroon ang nangyari. Nakausap niya ang nagpakilalang si Yaya Selma at sinabi nitong kaagad na pupunta sa ospital; sigurado siyang maya-maya'y naroon na ito kaya maaari na siyang umalis.

Matapos niyang makausap ang nurse at magpaalam ay tumalikod na siya at mabilis na naglakad patungo sa elevator na magdadala sa kaniya sa lobby. Makaraan ang ilang sandali'y sakay na siya niyon. Nang makalabas ay nakipagsiksikan siya sa mga pasaherong sasakay naman pa-akyat. Nakahinga siya nang maluwag nang tuluyang marating ang hallway. Tanaw na niya ang palikong daan patungo sa lobby nang mahinto sa harap ng nadaanang emergency room.

Sandali siyang natigilan habang naka-mata sa naka-sarang pinto niyon— hindi niya napigilang alalahanin ang araw na dinala roon ang kanilang mga magulang. Umabot pa ng emergency room ang Mamang at Papang nila, subalit hindi nagtagal ay binawian din ng buhay.

Ipinilig niya ang ulo upang alisin ang malungkot na alaalang iyon. Itinuloy niya ang mabilis na paglalakad at lumiko patungo sa lobby nang biglang may maka-banggang lalaki na humahangos namang naglalakad patungo sa pinanggalingan niya. Muntik na sana siyang tumilapon sa sahig kung hindi ito naging maagap at nahila ang braso niya.

"Watch it!" singhal nito. Ang makakapal na mga kilay ay salubong; halatang nainis at nagulat sa bigla niyang paglusot sa daraanan nito.

Napatitig siya sa mukha ng lalaki nang may pagkamangha. At nang mapag-sino ito ay malakas siyang napasinghap. Hindi siya makapaniwala sa nakikita.

Alessandro Castillano!

Nakita niya kung papaanong lalong kumunot ang noo ng lalaki sa literal na pagkakaawang ng kaniyang bibig. Binitiwan siya nito at walang ibang salitang nilampasan saka itinuloy ang mabilis na paglalakad.

Parang lokang sinundan niya ito ng tingin.

Si Alessandro ang nag-iisang anak at taga-pagmana ni Don Armando Castillano. At kahit kailan ay hindi niya makakalimutan ang lalaking iyon.

Ilang taon rin itong hindi umuwi sa La Esperanza kaya nagulat siya nang makita ito.

Alessandro Castillano...

THE LUCKIEST DREAMERHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin