Kabanata 1: Ang Kahon

332 16 4
                                    

May 24, 2010 (Jeddah, Saudi Arabia)

AKO'Y NAGLALAKAD patungo sa bahay na tinutuluyan ni Nanay. Hindi ko inalintana ang nakakapasong init ng araw. Para bang wala nang mamaya at bukas. Ang tanging inaalala ko lang sa mga sandaling ito ay kung paano ko mahahanap ang aking ina.

Hindi ko lubos maisip kung paano ko haharapin ang "napakabuti kong ina" oras na makita ko na siya. Sadyang nakayayamot lang na nanirahan siya sa isang apartment pero hinayaan niya kaming danasin ang kahirapan sa loob ng sampung taon. Nakakainis at nakakadismaya ito para sa akin. Hindi ko rin lubusang mapagtanto kung papaano niya nakayanang hindi umuwi sa amin sa matagal na panahon. Ang higit na nakakadismaya sa akin hanggang sa sandaling ito ay kung bakit hindi man lang siya gumawa ng paraan para makausap kami o makapagpadala ng pera sa amin nang maayos. Kung tutuusin, ito ang ipinangako niya noong una pa lamang.

Ang tanging naging alaala ko kay Nanay ay ang pag-alis niya sa bansa noong taong 2001. Labindalawang taong gulang palang ako noon ngunit ang alaala ng pag-alis niya ay tila bumalik habang papalapit ako sa tarangkahan ng apartment, kung saan siya naninirahan base sa mga dokumentong nakalap ko mula sa embahada ng Pilipinas at sa kanyang agency.

Dahil kinamumuhian ko siya sa lahat ng ginawa niya sa amin, minabuti kong iwaksi sa isipan ko ang nakaraang mga pangyayari saka ko pinindot ang doorbell. Isang babaeng pakiwari ko'y nasa kuwarenta na ang edad ang nagbukas ng pintuan. Naningkit ang kanyang mga mata bago siya lumakad patungo sa tarangkahan. Nakasuot siya ng abaya at hijab sa ulo.

"Salam, hal beemkani mosa'adatuk? (Magandang araw, paano ako makakatulong sa iyo?)" tanong niya nang may dalisay na ngiti sa kanyang mukha.

"Salam, I'm sorry but I am a Filipino. I'm looking for my mother. Her name is Helena Agustin. It says here that this is the apartment where she is working. I am Sariah, her daughter," mabilis kong sinabi kung ano ang sadya ko sa pagpunta sa apartment na iyon.

Biglang naglaho ang ngiti ng babae at napalitan ito ng panlulumo. "I see. Okay, please come in," sabi niya sa akin. Kasunod nito ay binuksan niya ang tarangkahan at sinamahan ako papasok sa apartment na may dalawang palapag.

Napakalumang tingnan ng apartment at parang inabandona na mula sa labas dahil sa madamong hardin nito. Sa bandang kaliwa ng bahay, mayroong isang maliit na lawa. Ito ay punung-puno ng mga lumot. Unti-unti nang natatanggal ang pintura sa pader at sira na rin maging ang pansara ng mga bintana sa ikalawang palapag.

Higit na kaaya-aya ang loob ng bahay kumpara sa labas. Tumatagos ang liwanag sa mga bintanang kinurtinahan ng puting tela. Mala- 1960's ang disenyo naman ng sala, kung saan natatakpan ng berdeng tela ang sofa at napaliligiran ng mga unang kulay magenta. Nakapaligid din sa sofa ang mga kahoy na silya, at sa gitna ay isang maliit na mesa, na pinalamutian ng mga paperweights.

"Please sit down," alok ng babae sa pinakamalapit na silya sa akin. "I am Farhana, one of your mother's friends here in Jeddah." Nakipagkamay siya sa akin habang ipinakikilala ang sarili.

"It's a pleasure to meet you." Tumango ako at ngumiti rin sa kanya.

"Do you want a cup of tea or coffee?" tanong ni Farhana.

"It's okay. A cup of tea will do, and a glass of cold water, please? Thank you," ang aking tugon.

"Alright." Nagtungo si Farhana sa isang silid na hindi gaanong maliwanag. Inilibot ko ang aking paningin sa sala. Hindi kalauna'y nakita ko ang isang maliit na larawan sa itaas ng lumang piano. Lumapit ako para mas makita ito nang maayos. Ito'y larawan ng tatlong babae. Kinunan ang larawan sa labas ng isang lumang gusali. Nakasuot sila ng iba't-ibang kulay ng mga abaya at ang isa sa kanila ay si Nanay. Napagtanto ko na ang babaeng katabi ni Nanay ay si Farhana.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now