Kabanata 13: Pag-uwi sa Tahanan

171 6 10
                                    

May 28, 2010 (NAIA Terminal 1 Arrival Area, Metro Manila)

DUMAPO SA AKIN ang bugso ng kalungkutan pagbaba ko ng eroplano. Dapat sana'y kagalakan ang aking mararamdaman dahil pagkatapos ng isang linggo ay nakauwi na rin ako.

Ngunit ang tahanang aking uuwian ay hindi na katulad ng dati dahil wala na si Nanay.

Isang luha ang bumagsak mula sa aking mga mata nang ilabas nila ang kabaong ni Nanay sa kabilang dako ng eroplano Anim na lalaki ang bumuhat dito at inilagay sa isang de-gulong at kahoy na mesa para madaling dalhin sa Arrival Area. Sa likod ng naturang kabaong ay si Manang Elisa. Agaran niyang binigyan ng panuto ang mga lalaki saka lumakad patungo sa aking kinatatayuan.

"Ayos ka lang ba?" tinanong niya ako nang idinantay niya ang kanyang kamay sa aking balikat.

Isinuot ko ang aking shades para pagtakpan ang kalungkutan sa aking mga mata. Sinubukan kong ngumiti. "Pangako hindi na ako mahihimatay ngayon..."

"O sige, kung ganoon... handa ka na bang salubungin silang lahat?" tanong ni Manang Elisa, na tinutukoy ang aking pamilya at mga kamag-anak.

"Siguro po..." tumugaygay ang aking boses. Ano nga bang magagawa ko kung hindi harapin na lang ang katotohanan tungkol sa kamatayan ng aking ina?

Lumakad kami patungo sa Arrival Area at kaagad naming nakita ang aking pamilya sa kabila ng napakaraming taong nag-aabang sa mga pasahero at may buhat-buhat na mga placard. Kasama rin nila si Anton.

Tumakbo papalapit sa akin ang aking mga kapatid at sinalubong nila ako ng mainit na yakap, na para bang hindi nila ako nakita ng halos ng isang taon. Daglian kong ipinakilala si Manang Elisa sa kanila. Niyakap ako ni Anton at tinitigan ako saka sumambit nang pabulong, "Ikinalulungkot ko ang nangyari kay Tita Helena. Pero gusto kong malaman mo na sadyang nagpakita ka ng katatagan ng loob higit pa sa inaakala ko." Hinawakan niya ang aking kamay saka itinaas ang aking baba.

Ngumiti ako na may halong kapaguran at sinubukan kong pigilin ang pagluha. "Salamat, honey..."

Idinala ang kabaong sa isang sulok malapit sa aming kinatatayuan. Nagtakbuhan ang aking mga kapatid papunta sa kabaong at nanatili roon habang hawak ang takip nito at pinapatahan ang bawat isa. Nanatili silang nakatayo malapit sa kabaong ng halos dalawampung minuto habang ako'y nakaupo at minamasahe ang aking sentido.

"Ayos ka lang ba?" ang nababahalang tanong ni Manang Elisa.

"Opo..." ang aking mahinang tugon.

"Sa tingin ko... kailangan ko na muna kayong ihatid pauwi," panukala ni Anton. Ipinagpapasalamat kong naramdaman niya ang aking kapaguran at bunga nito ay agad siyang nakapagpasya kung anong gagawin.

"Oo...gusto ko ring magpahinga bago pumunta sa burol mamayang gabi..." Tumayo ako at tinahak ang daan palabas ng paliparan kasama sina Anton, Manang Elisa, ang aking mga kapatid at si Nanay na nasa loob ng kabaong.

Marka sa aming likod ang kagalakan at pagdiriwang dala ng mga nagbalikbayan. Para sa amin, ang pagdating namin ang siyang pinakanakapanlulumo at pinakamakapagdamdaming pagdating sa araw na iyon sa NAIA Terminal 1.

PUNUNG-PUNO ng magkakahalong emosyon mula sa iba't-ibang tao ang punerarya. Marka ang pagdadalamhati sa aking mga kapatid, kay Lola Faustina at sa mga kapatid ni Nanay. Samantala, iba't- iba ang estado ng mga taong dumalo sa kanyang lamay, at waring nagpipigil rin sila ng kani-kanilang mga emosyon. Karamihan sa kanila ay umiiwas ng tingin sa aming pamilya, ang ilan naman ay ginawaran kami ng matitipid na ngiti. Marami naman diumano sa kanila ang nag-iwan ng pakikiramay at panghihikayat ngunit may iba na halos wala na rin talagang masambit pa.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now