Kabanata 2: Ang Itinakdang Gabi

222 9 0
                                    

BINUKLAT KO ang mga pahina ng pulang kwaderno at kaagad kong nakilala ang sulat-kamay ni Nanay. Nakasulat sa malalaking letra sa unang pahina ang mga katagang, "PARA KAY SARIAH." Naging interesado ako sa nakasulat sa loob kaya binasa ko ang nakalagay dito:

September 21, 2001

Mahal kong Sariah,

Dalawang araw na ang nakalipas simula nang umalis ako ng Pilipinas. Pero pakiramdam ko'y parang isang taon na akong wala diyan. Miss ko na kayo ng mga kapatid mo. Sinubukan kong itago ang anumang nararamdaman ko no'ng nasa departure site tayo ng NAIA noong nakaraang Miyerkules pero hindi ko kinaya. Nasasabik pa rin akong makasama kayong lahat.

Hindi naman dapat ako aalis ng Pilipinas kung hindi nangyari ang mga kamalasan sa pamilya natin dati. Ngunit, hindi na natin pwedeng iyakan ang nangyari na. Hindi na mababago ang mga pangyayari sa nakaraan. Ang lahat ng mga nangyari sa pamilya natin dati sa Negros ay kailangan nang ibaon sa limot.

Ang totoo'y hindi ko lubos maisip kung paano ko makakayanan ang kalungkutan ngayong malayo na tayo sa isa't isa. Sinubukan kong maging masaya noong paalis ako sa departure site pero sa loob-loob ko'y nakaramdam ako ng kalungkutan at kasabikang makasama kayong lahat. Napaiyak ako kagabi dahil iniisip kita at ang pamilyang naiwan ko diyan. Lagi kong naaalala ang mga araw na magkakasama tayo. Naalala ko noong bata ka pa at bago ka matulog sa gabi, madalas kitang halikan sa noo hanggang sa dulo ng iyong ilong. Palagi tayong nagyayakapan at nagsasabihan ng "mahal kita" sa isa't isa.

Nakapagdala pala ako ng larawan mo, ng iyong Tatay, nina Carlito, Benedicto, Biboy at Atong dito sa Jeddah para masilayan ko ang bawat isa sa inyo sa tuwing nami-miss ko kayo. Madalas kong halikan at sabihan ng "good night" ang bawat isa sa inyo sa larawan bago ako matulog. 'Yon ay dahil sa ganoong paraan ko lang maipaparamdam ang pagmamahal at pananabik sa inyo.

Umaasa at ipinagdarasal ko na balang araw, magkakasama muli ang ating pamilya at sabay-sabay nating tutuparin ang mga pangarap natin. Susulatan ko uli kayo sa mga susunod na araw. Mahal kita, anak! Pakiyakap at pakihalik na lamang ako sa mga kapatid mo at sa iyong Lola Faustina.

                                                                                                                                                   Nagmamahal,

                                                                                                                                                  Nanay

Pagalit kong isinara ang notebook pagkatapos kong mabasa ang sulat ni Nanay para sa akin. Namuo ang mga luha sa aking mga mata nang maalala ko ang mga nangyari sampung taon ang nakakalipas bago umalis si Nanay papuntang Jeddah...

December 31, 2000. Isang malamig ngunit mapayapang bisperas ng Bagong Taon sa bayan ng San Enrique, Negros Occidental.

Abala kami nina Nanay at Lola Faustina sa paghahanda para sa aming Media Noche. Napuno ang buong kusina ng samyo ng inasal at kansi. Natuwa ako sa pag-aayos ng mga platong puno ng piaya at barquillos, kasama na ang sariwang saging at dalandan sa aming mesa.

Samantala, naglalaro naman ng tumbang preso at patintero sa labas ng bahay namin sina Biboy, Carlito, Benedicto at Atong. Alas-diyes na ng gabi pero tila maaga pa para sa kanila.

Abala naman si Tatay sa pag-aani sa tubuan namin. Isa ngang mabuting ehemplo ng pagpupursigi si Tatay sa aming lahat. Halos umabot siya ng isang buong araw sa pag-aararo ng tubuan gamit ng aming dalawang kalabaw at hanggang ngayon, wala pa siya sa bahay. Nangako siya sa amin na pupunta kami sa Bacolod bukas para ipagdiwang ang Bagong Taon. Marahil, iyon ang dahilan kung bakit gusto niyang tapusin ang trabaho sa tubuan ngayong gabi.

"Sariah!" napalingon ako sa direksiyon ng tinig. Galing ito kay Nanay, na may hawak na mangkok ng kansi at platito ng inasal na niluto nilang dalawa ni Lola.

"'Nay?" tanong ko.

"Pakidala naman ito sa kapitbahay. Kay Manang Fely. Tatlong bloke lang ang layo ng bahay nila mula rito sa atin. Malapit ito sa tindahan ni Manang Ditas. Pakisabi nalang na tayo ang gumawa nito." Ngiti ni Nanay habang ibinibigay sa akin ang pagkain.

"Amoy palang masarap na...mmmm...sige 'Nay," tumugon ako nang may ngiti rin sa aking mukha.

Nagsimula akong maglakad sa baku-bakong daan patungo sa bahay ni Manang Fely. Nilanghap ko ang sariwa at mahalumigmig na hangin mula sa tubuan. Naramdaman ko ang daloy ng hangin mula sa parang. Sadyang kinagiliwan ko ang buhay sa probinsiya. Pero ang mas nakakaaliw para sa akin ay ang mga sandaling naglalaro ako sa tubuan kasama ang mga kaibigan ko sa eskwelahan. Madalas kaming manghuli ng mga alitaptap at gamu-gamo mula takipsilim hanggang gabi at ikinukulong namin ang mga ito sa mga boteng walang laman. Para sa akin, masaya rin ang paglalaro ng piko, patintero at Chinese garter kasama ng aking mga kapatid habang ipinaghahanda kami ni Nanay ng aming merienda---pancit canton, tinapay na pinalamanan ng dulce de leche at orange juice. Para sa akin, siya ang pinakamagaling magluto sa buong mundo. Mukhang namana niya iyon kay Lola Faustina, na dating may-ari ng karinderya noong kabataan niya, bago sila ikinasal ni Lolo Jose.

Napakalalim pa rin ng aking iniisip hanggang sa nakarating ako sa bahay ni Manang Fely. Buong-puso niyang tinanggap ang kansi at inasal. Tanda ng pasasalamat, nagbigay naman siya ng mangkok na puno ng pancit bihon. "Pakisabi sa Nanay mo maraming salamat ha."

"Sige, Manang Fely. Maraming salamat din po. Happy New Year po!" Kinawayan ko siya saka lumakad na muli pauwi ng bahay.

Habang ako'y naglalakad, napansin ko ang isang pulutong ng mga lalaki at babae na nasa isang sulok ng daan. Hindi ko maiwasang usisain kung ano ang kanilang pinag-uusapan.

"Nabalitaan niyo ba ang tungkol sa lalaking binaril nang apat na beses sa tubuan kanina?" tanong ng isang babae.

"Kailan 'yon nangyari?" usisa ng isang lalaki.

"Kanina lang, mga alas-otso ng gabi," sagot ng isa pang babae.

"Alam kaya ng pamilya niya ang tungkol sa nangyari?" tanong ng isa sa mga kalalakihan.

"Hindi ko alam," tugon ng naunang babae.

Papahina na ang usapan nila habang papalapit ako sa bahay namin. Nakaramdam ako ng awa para sa lalaking namatay, pero mas naawa ako para sa pamilya nito na magluluksa para sa kanya sa Bagong Taon.

Pagdating ko sa bahay, may iba akong naramdaman.

Nasa sala ang buong pamilya. Matindi ang pagtatangis nina Atong at Benedicto. Pinapatahan naman sila ni Lola. Sina Biboy at Carlito naman ay nasa tabi ni Nanay na nakahiga sa sofa. Maputlang-maputla siya at tila nahimatay kani-kanina lamang.

Bigla akong nakaramdam ng kaba. Anong nangyayari rito?

"Ano'ng nangyari?" nanginginig ang aking boses na nagtanong.

Nanlulumong tumugon si Lola Faustina, "Sariah....wala na ang Tatay Raul mo."

Nabitiwan ko ang mangkok ng pancit bihon. Nanghina ang aking mga tuhod at bigla akong napaiyak.          

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now