Kabanata 11: Kalagayan ng Puso

128 4 5
                                    

PAGKATAPOS NG mahigit sampung minuto ng pagtangis, nagmadali akong maghilamos ng mukha sa banyo at kasabay niyon ay tila paulit-uit na ipinaalala sa akin ang lahat ng mga nakita at narinig ko kanina sa CD, tulad ng tuluy-tuloy na daloy ng tubig mula sa gripo ng lababo.

Hindi pawang kathang-isip lang ang naranasan ni Nanay sa mga kamay ng demonyong si Mr. Aamir ngunit isa itong bangungot na nagkatotoo.

Nakaramdam ako ng pamamanhid. Kanina lamang ay tila isang bulkan na puputok na ang galit na naramdaman ko sa aking puso. Hindi ba dapat galit ako? ang aking naisip. Pero bakit pakiramdam ko'y biglang nawalan ng kahalagahan ang lahat ng aking nakita at narinig kanina?

Iwinaksi ko ang pakiramdam na iyon saka ko pinunasan ng tuwalya ang aking mukha at inayos ang aking damit at lumabas patungo sa silid ni Manang Elisa.

Nagulat ako nang makita ko siyang nakaluhod sa marmol na sahig. Noong una akala ko'y umiiyak pa rin siya ngunit narinig ko siyang umusal ng mga salitang gaya ng "Panginoon" at "Hesus."

Doon ko napagtanto na nagdadasal siya at hindi ito ordinaryo lamang kundi isang malalim na dasal. Nang hawakan ko siya ay nakaramdam ako ng kakaibang enerhiya na umakyat sa aking gulugod.

Ano ito? bulalas ko sa aking sarili.

Pagkatapos ay dumilat si Manang Elisa at tumingala sa akin. "Pasensiya na, hindi ko napansin na narito ka na pala."

"Ayos lang po, ipinagdarasal ninyo si Nanay tama po ba?" usisa ko.

"Oo, na sana mahanap at mailigtas natin siya mula sa kapahamakan at para sa kaligtasan na rin ng ating biyahe patungo sa kinaroroonan ni Farhana bukas dahil kailangan natin makuha mula sa kanya ang mga mahahalagang dokumento ng iyong ina kung nahanap niya man ito. Pagkatapos niyon, saka lang tayo makakapunta sa kinaroroonan naman ni Helena," tugon niya.

"Ganoon po ba..." Tiningnan ko siya habang ibinabalik niya ang laptop at iba pang kagamitan sa loob ng kanyang kabinet.

"Gabing-gabi na Sariah. Pwede kang matulog pala dito ha," alok ni Manang Elisa sa akin.

"Maraming salamat, Manang..." tugon ko.

*****

May 26, 2010 (Jeddah, Saudi Arabia)

"SA TINGIN niyo po ba nasa kanya na ang pasaporte at iba pang dokumento?" Lumingon ako kay Manang Elisa habang nasa bus kami patungong parke ng Tihama, kung saan kami bababa at lalakad patungo sa apartment kung saan kami una nagkita ni Farhana.

"Naniniwala akong nasa kanya na ang mga iyon, Sariah," ang kanyang positibong tugon.

"Bakit niyo naisip na ganoon nga?" ang aking tanong. Bakit tila siguradong-sigurado siya tungkol dito?

Ngumiti si Manang Elisa. "Minsan kailangan mo lang talaga manampalataya lalo na sa ganitong sitwasyon."

Paismid akong tumugon, "Pananampalataya? Parang napakarelihiyoso yata ng salitang 'yan?"

"Hindi naman tungkol sa relihiyon ito, Sariah. Ito ay pagkakaroon ng pagtitiwala na kontrolado ng Diyos ang lahat ng bagay..." pagdedepensa niya sa kanyang sagot.

"Marami ako niyan dati, at sa tingin ko, hindi ito nakatulong sa akin," pagdadahilan ko nang agaran.

"Hindi naman ibig sabihin na kung may plano kang hindi nagtagumpay o hindi nangyari, ay muli itong papalpak o mabibigo. Ang kahapon ay natapos na kagabi. Ngayon ay isang panibagong araw," sambit ni Manang Elisa.

Nanahimik ako ng mga sampung minuto, waring iniisip ang mga pahayag ni Manang Elisa. Aaminin ko, may punto siya. Tila nainis ako dahil sa katotohanan ng kanyang mga sinabi.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now