Kabanata 10: Paglabas ng Katotohanan

153 4 12
                                    

Mayo 25, 2010 (Jeddah, Saudi Arabia)

NAGULAT AKO nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cellphone sa bag. "Excuse me lang po," sabi ko kay Manang Elisa saka ko kinapa ang aking bag.

"Hello, Anton?"

"Hey honey, Happy Birthday! Kumusta ka na?" narinig ko ang kanyang boses sa kabilang linya.

"Salamat. Ayos lang naman ako. Kasama ko si Manang Elisa, isa sa mga kaibigang OFW ni Nanay dito sa Jeddah," wika ko habang nakatingin sa kanya. Kinailangan kong tumayo sa may dulo ng kainan.

"Nahanap mo na ba si Tita Helena?"

"Hindi, hindi pa... pero may mga nahanap kaming ilang palatandaang nagsasaad ng tunay na nangyari kay Nanay simula nang umalis siya papuntang Jeddah," mabilis kong inilahad sa kanya ang tungkol sa kahon na ibinigay ni Farhana, ang teleponong nahanap ko sa panuluyan at ang mga naikwento ni Manang Elisa.

May matinis na tunog sa kabilang linya. "Gano'n ba? Hindi ko akalain na lahat ng iyon ay nangyari sa Nanay mo. Nakita mo na ba ang nilalaman ng CD?"

"Hindi pa, titingnan palang namin...." sabi ko habang sinsipat ko ang oras sa aking relo. Alas-sais na pala ng gabi. Nawili kami ni Manang Elisa sa pagkukwentuhan kaya di namin napansin ang oras.

"O sige, pagkasuri mo ng nilalaman, pwede mong ipadala sa e-mail ko para maiharap ko ang kaso ng iyong ina sa POEA at DFA dito sa Pilipinas. Sana ibinigay ni Mr. Aamir ang pasaporte at ilang importanteng dokumento niya." May makakas na tunog muli na galing sa kabilang linya kaya inilayo ko ang telepono mula sa aking tainga.

"O sige, honey. Gagawin ko iyon. Kumusta naman lahat diyan?" tanong ko kay Anton.

"Maayos naman ang lahat. Wala kang dapat alalahanin tungkol sa kasal natin. Naayos ko na at pitong buwan ito mula ngayon..."

"Wow..." Magkahalo ang pagkabahala at pagkagalak sa aking tono, "Hindi ba masyadong malapit na iyon?"

"Hindi, honey. Tama lang 'yon para sa atin. Ang hinihintay lang naman natin ay ang dating at basbas ng Nanay mo. Sabik na akong makilala siya."

"Alam ko..." Nagbigay ng panibagong pag-asa sa paghahanap kay Nanay ang aking nalalapit na kasal kay Anton.

"Miss na kita, honey. Sabihan mo lang ako kung kailangan mo pa ng tulong. Ingat ka at hanggang sa muli nating pagkikita."

"Salamat, hon. Ingat ka rin. Babalitaan kita kapag nahanap na namin si Nanay."

"Mahal kita..."

Natahimik ako ng ilang segundo. Tila natutunaw ang puso ko nang marinig ko ang mga salitang iyon mula kay Anton, "Mahal din kita. Bye..." Tinapos ko ang tawag at bumalik sa kinauupuan namin ni Manang Elisa.

"Nobyo mo ba 'yon?" usisa niya.

Napangiti ako. "Siya po ang pakakasalan ko. Tinatanong po niya kung nahanap na natin si Nanay. Sabik na siyang makilala kasi si Nanay at hingin ang basbas niya para sa kasal namin, na magaganap pitong buwan mula ngayon..."

"Wow," bulalas niya, "masaya ako para sa iyo, Sariah. Matutuwa si Helena kapag nalaman niya 'yan. Madalas inilalarawan ni Helena sa isip niya kung ano ang hitsura mo noong debut mo at siyempre, sa kasal mo. Iyon ang dahilan kung bakit humingi siya ng pabor sa akin na bilhin ang pilak na kwintas. Plano kasi niyang ibigay iyon sa iyo bago ang debut mo pero..."

"Opo, alam ko iyon. May nangyari sa kalagitnaan ng lahat ng ito kaya napunta ang kwintas sa kahon," pinutol ko ang kanyang pahayag.

Tinitigan ako ni Manang Elisa ng halos isang minuto at saka niya hinawakan ang aking kamay.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now