Kabanata 12: Ang Muling Pagkikita

122 4 3
                                    

NATAMEME AKO dahil sinubukan kong unawain ang bawat sinabi sa akin ni Farhana sa loob ng tatlumpong minuto Itinakbo si Nanay sa Dammam, Saudi Arabia dahil sa matinding pagkapagod at internal hemorrhage na marahil ay nagmula sa mga sugat na natamo niya kay Mr. Aamir. Siguro'y nakuha ni Nanay ang numero ni Farhana at bukod doon, mayroong tumawag sa kanya ng madaling araw para ipaalam ang tungkol sa kondisyon ng aking ina.

"Sana ay buhay pa..." nauutal kong sabi habang nangingilid ang luha sa aking mga mata.

"Magiging maayos siya, Sariah. Nasa kamay ng Diyos ang lahat." Idinantay ni Manang Elisa ang kanyang kamay sa aking balikat bilang pagbibigay-katiyakan.

"Tama," wika ko. Hindi ko maunawaan ang aking nararamdaman nang mga sandaling iyon. May kung anong kakaibang galaw sa loob ng aking tiyan. Waring nasusuka ako at gusto kong makahagip ng sariwang hangin mula sa labas kaya't pinakiusapan ko si Farhana na patayin ang aircon at buksan na lamang ang bintana ng kotse. Tumama ang maalinsangan na hangin ng Gitnang Silangan sa aking mukha at maigsing buhok.

Ipinagdasal ko na lamang ang kaayusan ng lahat, lalung-lalo na ng aking ina, 'Nay parating na kami, ani sa sarili.

"I have her passport and other important documents," pinutol ni Farhana ang daloy ng aking mga iniisip. "I was able to sneak into Mr. Aamir's office and bog down his security camera."

"How were you able to do that, Farhana?" Naningkit ang mga mata ni Manang Elisa sa kanyang pag-usisa.

"Long story. But believe me, it wasn't easy." Saglit niyang nilingon si Manang Elisa bilang pagtugon.

Waring bihasa si Farhana sa kanyang pagkuha ng pasaporte ni Nanay at ng iba pang mga dokumento sa mga kamay ng bastardong iyon. Alam kong plinano niya nang mabuti ang bawat gagawin niya para hindi siya mahuli ng kanyang amo.

Tumingin ako sa side mirror ng sasakyan. May itim na kotseng nakasunod sa amin ngunit hindi ko ito pinansin noong una. Pagkatapos ng isang minuto ay lumingon muli ako sa salamin. Naroon ang isa pang kotse. Para makasiguro, sinabihan ko si Farhana, "Could you turn right here?" Itinuro ko ang makipot na daan sa may kanan.

"What for?" napalingon sa akin si Farhana.

"I just needed to check on something," sagot ko. Lumiko siya nang dahan-dahan at makaraa'y sumunod din ang itim na kotse.

"I can't believe this. Someone's following us," bumulong ako at saka ko ipinukol ang aking tingin sa side mirror.

"Naku..." ang usal ni Manang Elisa.

Lumingon rin si Farhana sa side mirror at saka siya lumiko muli pakanan. Umiling siya. "That car is indeed following us. Ladies, hold on to your seats please." Saka niya pinaharurot ang sasakyan.

Paspasan ang takbo ng kotse ni Farhana kaya't saglit na naiwan ang mga nakabuntot sa amin, ngunit mabilis din nila kaming nasundan. Nakarinig ako ng matinding palahaw ng mga gulong.

Namutla ang mukha ni Manang Elisa nang ilabas ko ang aking ulo sa bintana para maaninag kung sino ang sumusunod sa amin at maging ang lisensiya o plaka ng sasakyan. Ngunit, nasisinagan ng araw ang kotse kaya't hindi ako makaaninag ng kahit na ano mula roon.

Ilang tanong ang dumaloy sa aking isipan habang sinusubukan ni Farhana na takasan ang humahabol sa amin. Si Mr. Aamir kaya ang nasa loob ng itim na kotse? Ano'ng kailangan niya mula sa amin? Alam niya kaya ang ginawa ni Farhana sa opisina niya?

Halos dumapa kami mula sa kinauupuan namin at markang-marka sa aming mga mukha ang takot. Lumiko nang lumiko si Farhana papunta sa kanan, sa kaliwa at sa kanan muli tungo sa susunod na daanan. Tumingin ako sa salamin at doon ko napagtanto na sa isang iglap, nawala na ang kotseng sumusunod sa amin.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now