Kabanata 8: Matatamis at Mapapait na Alaala

129 4 11
                                    

ANG PINAKAMASALIMUOT na bahagi ng aming paninirahan sa Payatas ay nakita hindi lamang sa pisikal kundi pati sa panlipunang aspeto.

Tuwiran kong kinayayamot ang unang linggo ko sa Mababang Paaralan ng Payatas bilang mag-aaral na nasa ikaanim na baitang. Wala akong naging kaibigan sa paaralang iyon dahil araw-araw nila akong inaasar ng mga pangalan gaya ng, "Sariah Basurera" at "Kulot Bantot." Nakaramdam ako ng peer pressure at dala nito, muntik na akong tumigil sa pag-aaral. Hindi ako makasagot nang maayos sa aking klase dahil tuwing susubukan kong gawin ito, pinagtatapon ako ng papel ng aking mga kaklase saka tinatawanan.

Tuwing tanghalian, lumalabas ako ng silid-aralan at saka magtatago sa mga damuhan para makakain. Hindi ko gusto na ibahagi ang aking pagkain sa iba dahil takot akong mapahiya sa kanila. Kadalasang hotdog, itlog, tocino, adobo, tuna, meatloaf, sardinas at dalawang tasang kanin ang ulam ng aking mga kaklase. Samantala, ang laman ng aking baunan naman ay isang supot ng kaning bahaw, at isang ulam gaya ng tuyo, nilagang itlog o tatlong piraso ng fishball na aking itinitinda sa harap ng bahay pagkatapos ng pasok o di naman kaya ay tuyo at asin kapag wala kaming pera pambili ng pagkain. Kung minsan dala ng kahihiyan sa aking pagkain, hindi na ako kumakain ng tanghalian; kaya sa bandang huli, sa hapunan na lang ako bumabawi ng kain. Bihira kong kainin naman ang niluluto ni Tita Aurora tuwing almusal. Kung malinamnam ang kanyang niluluto ay saka lang ako naengganyo kumain.

Hindi rin ako makapag-aral nang maayos sa bahay. Dahil wala kaming matinong pinanggalingan ng kuryente sa bahay, hati-hati kaming magkakapatid sa isang gasera tuwing mag-aaral. Kadalasang nag-aaral din ako kahit malamlam ang ilaw para matapos ko ang mga gawain sa paaralan. Natutulog ako halos hatinggabi na para tapusin lamang ang lahat ng mga kailangan kong ipasa kinabukasan. Kung minsan, dalawang oras lang ang tulog ko dahil tinutulungan ko rin ang aking mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga takdang-aralin at proyekto.

Lahat ng aking mga kaklase ay nagagawa akong kantiyawan maliban sa isang lalaki. Nananahimik siya tuwing pinagtutulungan akong asarin ng aking mga kaklase. Pandak siya pero mataba kaya't ang tawag sa kanya sa klase ay Buknoy. Kung may lalaking bersiyon man ako, siya ang batang iyon.

Tinangka ko muling itago ang aking baunan noong breaktime namin. Sa kasamaang-palad, nakita ako ni Buknoy nang magtago ako sa mga damuhan kaya sinundan niya ako.

"Bakit dito ka kumakain?" Muntik ko nang malaglag ang aking baunan sa pagkagulat pagkarinig ng kanyang boses.

Bahagyang nainis ako dahil nasundan niya ako kaya't bumulalas ako, "Hindi ka ba man lang magsasabi muna ng 'Excuse Me'?"

"Ah sige, excuse me Binibining Sariah. Paumanhin dahil basta na lang ako pumasok sa pribadong teritoryo niyo," paggaya niya ang aking boses, saka siya yumuko at saka humagalpak sa tawa.

Namula ang aking pisngi at kasabay niyon ay nagsalubong ang aking mga mata dala ng pagkaasar kaya naman minadali kong ipinasok sa aking bag ang baunan. Sinubukan kong lumabas mula sa mga damuhan para layuan siya.

"Sandali," sabi niya, "nagbibiro lang ako..."

Lumingon ako at saka ko siya hinarap na may pagkayamot sa aking mukha. "Ano bang gusto mo?"

"Pasensiya na sa biro ko sa iyo. Pero nagtaka lang naman kasi ako nang makita kitang sumuot sa mga damuhan kaya't sinundan agad kita. Naghahanap kasi ako ng mababahaginan nitong baon ko at kasama na ring kumain kasi ayokong kumakain sa loob ng silid-aralan. Tingin kasi ng mga kaklase natin ay buwakaw ako. Hindi ko tuloy maubos ang baon ko dahil do'n," pagpapaliwanag niya na may halong panlulumo sa kanyang mukha. Mukhang matapat naman siya sa kanyang mga sinasabi at sa di ko malamang rason ay biglang lumambot ang aking puso sa kanya.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin