Kabanata 6: Sa Hirap at Ginhawa

126 4 8
                                    

NAGSIMULA ANG matinding paghihirap namin sa Payatas nang umalis si Nanay ng Pilipinas.

Ang totoo ay hindi nakapagpadala si Nanay ng pera para mabayaran ang matrikula at allowance namin sa pag-aaral. Naantala nang napakatagal ang pagpapadala ni Nanay ng pera dahil tatlong buwan mula nang umalis siya ay wala pa rin kaming natanggap mula sa kanya. Napuwersa kaming magkakapatid na tumigil muna sa pag-aaral. Sa halip ay nagtrabaho kami bilang tagahakot ng mga basura sa dumpsite para makalikom ng sapat na pera bilang pantustos sa mga pangangailangan namin. Bukod dito, nagsimula rin kaming mag-ipon para sa pagpapatuloy ng aming pag-aaral sa susunod na taon. Hindi rin kaya ni Tita Aurora na pag-aralin kami dahil may pitong anak din siya na kailangang pakainin. Sadyang may kamahalan ang mga libro, uniporme at iba pang kagamitan sa Mababang Paaralan ng Payatas. Ito ang pinakapangunahing dahilan kung bakit hindi namin naipagpatuloy ang pagpasok dito sa mga huling buwan ng taong 2001.

Sadyang masalimuot ang buhay sa Payatas. May mga araw na halos hindi ako makaligo at makapag-ayos ng buhok ko at mga damit dahil sa umaalingasaw na amoy ng tira-tirang pagkain, mga patay na daga at dumi ng hayop na humahalo sa hangin ng dumpsite. Pakiramdam ko'y walang kabuluhan ang paglilinis ng katawan dahil parang dumidikit ang amoy sa aking buhok, balat at mga damit.

Buwis-buhay ang aming gawain araw-araw dala ng pagpupulot ng mga bagay-bagay sa dumpsite na pwedeng pagkakitaan. Doon ko napagtanto na hindi pala kami makakakain o makakainom nang maayos kung hindi kami magbabanat ng buto sa dumpsite. Hindi rin kami makakalikom ng pantustos sa aming mga pangangailangan kung hindi kami magpupulot ng basura.

Sadyang peligroso rin ang aming mga ginagawa at umabot sa puntong pati ang aming kalusugan ay naapektuhan. May isang beses na nagkasunod kaming apat na magkasakit. Nagdudumi kaming dalawa ni Carlito, nahawa si Benedicto ng trangkaso sa aming mga pinsan, at si Biboy naman ay nagkasakit ng dengue. Lubos na pinag-igihan nina Tita Aurora, Lola Faustina at ng iba naming mga pinsan ang paglilikom ng mga basura para makabili ng mga gamot para sa amin at madala kami sa pinakamalapit na ospital. Kahit ang mismong ospital na mukhang sira-sira sa labas ay kulang din sa matinong pasilidad.

Sa mga panahong iyon na mabababa ang aming mga resistensiya, wala kaming narinig mula kay Nanay.

Dumating ang bisperas ng Pasko. Dati noong kami ay nasa Negros, masayang-masaya kaming magkakapatid dahil may taunang Christmas Party na ginaganap sa San Enrique kung saan ay may mga palaro at regalo para sa mga bata, maraming premyo gaya ng mga kendi at tsokolate, at sari-saring pagkain na inihanda ng bawat pamilya sa barangay. Mayroong lechon baboy din na siyang sentro ng lahat ng ulam na nakahain sa hapag-kainan.

Ngayon, walang mga palaro, regalo o pagkain. Ang tanging nasa aming harapan ay tambak ng boteng plastik, mga tuyong piraso ng papel, karton na may iba't ibang sukat at mga supot na puno ng lata na siyang ipagbibili namin sa palengke para makalikom ng pera pambili ng pagkain sa Pasko.

"Ate Sariah, tumawag na ba si Nanay?" tinanong ako ni Biboy habang isinasalansan namin ang mga naipong kalat sa bahay nina Tita Aurora.

"Mukhang hindi pa, Biboy... wala naman binabanggit si Tita Aurora na tumawag si Nanay sa kanya," ang mahina kong tugon. Nakaramdam ako ng kapaguran sa aking mga kasu-kasuan habang pinupulot ang mga nakakalat na boteng plastik at karton.

"Sa tingin mo ba tatawagan niya tayo mamayang gabi?" muling usisa niya.

"Ang totoo, hindi ko talaga alam," tumugon ako saka bumuntong-hininga.

"Nasasabik na akong makita si Nanay," sambit ni Biboy habang nakatingin sa kalangitan.

"Nami-miss ko na rin siya Biboy. Naalala ko lang bigla ang madalas na sabihin sa atin ni Tatay dati. Na tuwing nami-miss mo ang isang taong nasa malayong lugar kailangan mo lang tingnan ang langit at sabihin sa iyong sarili na hindi naman kayo ganoon kalayo sa isa't isa dahil nasa ilalim lang kayo ng iisang kalangitan." Sinubukan kong magbigay ng pag-asa para sa aking kapatid, panibagong pag-asa na sa lalong madaling panahon ay magkakaroon na kami ng komunikasyon ni Nanay.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now