Kabanata 4: Tinik, Tapal, at Basura

192 4 6
                                    

NAKARAMDAM AKO ng patak ng ulan sa aking ilong at pisngi habang pinagninilay-nilayan ko ang mga pangyayari sa nakaraang sampung taon. Bumuhos ang ulan sa Tihama Park kaya kaagad kong ipinasok sa loob ng bag ko ang larawan ng pamilya namin. Tumakbo ako sa pinakamalapit na hintuan ng bus. Halos umabot ng limang minuto bago ako nakarating sa dakong panuluyan. Basang-basa ako sa ulan. Nagmukhang noodles ng pasta ang itim kong buhok sa pagkakabasa nito.

Tila naghalo ang tubig-ulan sa mga luhang nasa mukha ko kaya hindi ko na minabuti pang punasan ito. Hindi ko lubos na makalimutan ang mga nangyari sa amin sa nakaraang sampung taon. Kung mayroon man akong tanging hihilingin ngayon, iyon ay ang makalimutan ko ang trahedyang naganap sa pamilya namin sa pagitan ng taong 2000 hanggang 2001. Ang dalawang halos magkasunod na trahedyang iyon ang pumunit sa puso ko.

Nang mga sandaling iyon, ilang beses ko sinabi sa sarili ko na bangungot lamang ang lahat; na hindi totoong pumanaw na sina Tatay at Atong. Sinubukan ko pang kumbinsihin ang sarili ko at maging sina Biboy, Carlito at Ben na ang tatay at bunsong kapatid namin ay umalis lamang ng bayan para magbakasyon at babalik din sila sa pamilya namin. Dahil bata pa ako noon, pinaniwala ko ang aking sarili na hindi talaga sila tuluyang nawala, pero hindi iyon totoong nangyari. Nahirapan kaming tanggapin na hindi na namin sila makikita o makakasama pa. Mukhang hanggang ngayon ay hindi ko pa lubusang natatanggap ang kanilang mga kapalaran; dahil kung natanggap ko man, hindi ako makakaramdam ng ganitong klase ng panlulumo.

Sadyang hindi makatarungan ang buhay. Hindi man lamang kami nabigyan ng pagkakataong makabangon mula sa pagkamatay ng tatay namin, dahil dalawang buwan pagkatapos mangyari ito, ang bunsong kapatid ko naman ang nalunod sa kalagitnaan ng bagyo. Dagdag pa sa malupit na pagsubok na dinaranas ng pamilya namin ay ang pagkasira rin ng bahay na nirerentahan namin pagkatapos ng delubyo. Wala kami ni isang nabawi o naiwan. Lahat ng gamit namin, kasama ang mismong bahay ay inanod ng baha. Maging ang mga drawing ng tatay ko at ng aking mga kapatid, at ang maliliit na iskaparate kung saan nilalagay ang mga libro, kwaderno at iba pang mahahalagang gamit ay tuluyan nang nawala.

Nang makarating ako sa panuluyan, tumakbo ako patungo sa elevator. Pinindot ko ang number 4 at naghintay na madala ako sa ikaapat na palapag. Nagbukas ang pinto ng elevator at pagkatapos ay lumakad ako papunta sa kwarto ko, sa Room 407. Nilalamig at basang-basa ako habang hinahanap ko ang susi sa bag ko. Pagkabukas ko ng aking kwarto ay mabilis kong tinanggal ang mga basa kong damit at nagtungo sa banyo para maligo.

Naginhawaan ako pagkatapos kong manatili sa banyo ng halos apatnapu't limang minuto. Napawi ng pag-shower ko ang pagkangalay ng mga kasu-kasuan ko nang sumakay ako sa bus kanina. Napagtanto kong halos buong araw akong naglalakad para mahanap lamang si Nanay, na hanggang ngayon ay nawawala pa rin.

Sinuot ko ang aking pajama at nagpasyang mamaluktot sa loob ng mga kumot at unang nakabalandra sa kama ko. Sa 'di ko malamang dahilan ay hindi ako makaramdam ng pagkagutom dala ng mga sandwiches na may pipino at tsaa na inihain kanina ni Farhana. Binuksan ko ang telebisyong nakadikit sa pader at makaraa'y naghanap ako ng mga pwedeng panoorin habang hinihintay kong dalawin ako ng antok.

Napabalikwas at napaupo ako nang makita ang balita sa screen. Ito ay tungkol sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naantala sa Riyadh at Jeddah dahil sa isang sapilitang pamamaraan na kanilang ginagawa para mapabilis ang pagbabalik nila sa Pilipinas. Ang dahilan ng pagkaantala ng mga nasabing OFWs sa Jeddah ay ang mabagal na pagproseso ng kanilang mga exit visas at maging ang kawalan ng pondo para makabili ng tiket sa paliparan nang sa gayon ay makabalik sila sa Pilipinas. Ipinakita ng balita ang daan-daang Pilipinong halos nakatira na sa labas ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Jeddah para magprotesta sa pamahalaan ng Pilipinas tungkol sa mabagal na pagbibigay-solusyon sa kanilang mga isyu.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ