Kabanata 9: Mga Kislap ng Kahapon

162 3 13
                                    


Nobyembre 2008 (Malate, Manila)

"HOY, ANO'NG ginagawa mo?" tinawag ng isang nakababatang lalaki ang atensiyon ng lasenggero. Tila makisig siyang tingnan dala ng pisikal niyang anyo.

"Sino ka ba?" ang hamon ng lasenggero.

"Hindi na mahalaga kung sino ako," tugon ng lalaki sa malamig na tono, "Hindi mo dapat tinatrato ng ganoon ang isang babae. Serbidora siya rito at hindi bayarang babae. Kung kailangan mo ng isa, maghanap ka sa iba."

"Wala kang karapatang sabihan ako nang ganyan." Umismid ang lasenggero.

Ngumisi ang lalaki, marahil para inisin ang lasenggero. "Wala ka rin karapatang bastusin ang kahit sinong babae."

Akmang aatake na ang lasenggero dahil nakakuyom na ang kanyang mga kamao sa galit. Ngunit waring may karanasan sa pagdedepensa ang lalaki dahil nagawa niyang salimbayan ang kanyang binti para pabagsakin ang lasenggero mula sa kanyang mga tuhod. Tumama ang ulo ng lasenggero sa mesa.

Pinanlisikan ng nakababatang lalaki ang lasenggero saka nilapitan. "Payo lang. Mag-isip isip ka muna bago ka manggulo ng babae."

Sinubukang alalayan ng kanyang mga kasamahan ang lasenggero palabas ng night club.

Napako ako mula sa aking kinatatayuan. May marka ng paghanga para sa lalaki ang aking mukha at palihim kong sinuri ang kanyang kabuuang anyo—biluhaba ang kanyang mukha, kapansin-pansin ang lapad ng kanyang noo na natatakpan ng kanyang buhok na malinis ang pagkakagupit; moreno siya at halata ang maskulado niyang anyo sa ilalim ng kanyang tennis shirt at shorts.

Mukhang galing siya sa isang tennis tournament o anuman, wari ko habang inaalis ang maliit na dumi sa aking itim na palda.

Tumalon ng paulit-ulit ang tibok ng aking puso nang makita ko siya na papalapit sa aking kinatatayuan.

Sandali lang. Nasa isang pelikula ba ako o ano? Bakit parang nangyayari ang lahat nang may akmang kabagalan at sa 'di ko malamang dahilan ay hindi ko siya matitigan nang direkta sa mata?

"Hi, ayos ka lang ba?" Halata sa tono ng kanyang boses ang pag-aalala sa aking kondisyon.

"Ah...uh...oo. Ayos lang ako. Salamat pala ha." Nahihiya akong ngumiti. Natigilan ako, bahagyang dahil sa engkwentrong naganap kanina sa lasenggero ngunit higit sa lahat, dahil sa kanyang nakakahumaling na anyong pisikal.

Sariah, ano ka ba? Nababaliw ka na ba? Tigilan mo na ang kahumalingan mo sa lalaking ito. Hindi mo siya kilala. Huwag na huwag kang mahuhulog sa kahit sino lang, tahimik na pagpapaalala ko sa aking sarili.

"Ako si Gabriel Antonio Bermudez Jr. Anton na lang din ang itawag mo sa akin." Inilahad niya ang kanyang kamay saka ngumiti.

Gabriel Antonio Bermudez Jr. Bakit matunog ang pangalan na iyon sa akin?

"Ako si Sariah. Sariah Agustin," tumugon ako saka nakipagdaop-palad sa kanya. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa aking kamay na dahilan para halos mangaligkig ako.

Nanlaki ang kanyang mga mata at saka lalong hinawakan nang mahigpit ang aking kamay.

"Sariah, ikaw na ba talaga iyan?"

Napakunot-noo ako dahil sa pagkalito. Anong sinasabi ng lalaking ito?

Ilang sandaling nagkaroon ng katahimikan. Pakiwari ko'y tumigil ang mundo sa pag-inog nito at kami lang ang natitirang tao sa lugar na iyon.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now