Kabanata 5: Tungo sa Maayos na Pamumuhay

154 5 11
                                    

May 25, 2010 (Jeddah, Saudi Arabia)

TUMUNOG ANG ALARM ng cellphone ko nang apat na beses bago ako nagpasyang patayin ito. Tila awtomatiko sa pag-snooze ng alarm ang mga kamay ko, kaya naman may mga oras na di ako nagigising nang maaga. Nang tingnan ko ang aking cellphone ay alas-otso y medya na pala ng umaga.

Napaupo ako sa kama saka ko minasahe ang leeg at batok ko. Nakaramdam ako ng sakit ng ulo. Nagising lang ba ako mula sa isang bangungot? Dumating ako sa puntong hiniling ko na sana'y ang bawat naranasan namin dati sa pamilya ay isa lamang bangungot. Sa kasamaang-palad, hindi. Lahat ay totoong nangyari sa amin.

Ang masaklap ay naaalala ko pa ang mga pangyayari ng kahapon. Samakatuwid, hindi ko talaga ito matatakasan--- maging sa mga panaginip ko.

Umungol na tila nagrereklamo ang tiyan ko. Naalala kong hindi pala ako nakapaghapunan kagabi. Dahil tinatamad pa akong bumaba sa café para mag-agahan, nagpasya akong magpa-room service. Binuksan ko ang TV at namili sa ilang mga palabas hanggang sa nagpasya akong panoorin ang isang Indie film.

Mabilis na dumating ang almusal ko. Ito'y idinala sa akin sa loob ng dalawampung minuto. Parang almusal ng isang taong hindi nakakain ng tatlong araw ang nakahain. Ang nakalagay sa bandeha ay mainit na tasa ng kape Arabika, maliit na plato ng sariwang datiles, isang plato na puno ng malalambot na keso, isang lalagyan na puno ng marmalade, isang plato ng tinustang tinapay, Shashukah (isang klase ng luto ng itlog sa Saudi Arabia) at mangkok ng lentil soup. Hindi ko na maiisip pang mananghalian pagkatapos kong kainin ang lahat ng ito, bulong ko sa aking sarili.

Bigla kong naalala ang almusal na inihahanda dati ni Nanay sa Negros. Madalas siyang maghanda ng mga saro na puno ng mainit na tsokolate para sa aming magkakapatid, at kape naman para kina Tatay at Lola Faustina. Naghahain rin siya noon ng sinangag, pritong talong at tuyo, binating itlog at pinaghalong kamatis at itlog na maalat. Pero nawala na ang mga panahong iyon nang lumipat kami sa Payatas dala ng trahedya sa aming pamilya.

Iwinaksi ko ang mga alaalang ito at ipinagpatuloy kong kainin ang napakasarap na almusal sa aking harapan. Pagkatapos ay naligo na ako at naghanap ng akmang damit sa travel bag na pwede kong suotin nang buong araw. Nakaplano akong mag-window shopping at mamasyal sa araw na ito. Gusto kong makapagpahinga pagkatapos ng buong araw kong paghahanap kay Nanay kahapon.

Kung hindi man magpakita si Nanay sa mga susunod na araw, kailangan ko nang bumalik sa Pilipinas at tuluyan nang kalimutan ang paghahanap sa kanya.

Pagkatapos ng tatlumpong minutong pagsusuri sa aking mga damit, isinuot ko ang isang kulay asul na jeans, kulay lilang blusa na may mahabang manggas at sandals na kulay itim. Inihiwalay ko ang pasaporte, telepono, wallet, ID, chewing gum at mga pampaganda mula sa kahon, maliit na memo pad at bolpen. Ilalagay ko na dapat ang kahon at ang mga kasama nito sa drawer malapit sa aking kama, ngunit nang buksan ko ito ay bumalandra sa akin ang isang kulay kayumangging bag.

Pamilyar ang bag na ito, naisip ko nang dahan-dahan kong alisin ang bag mula sa drawer. Kung hindi ako nagkakamali, kahawig nito ang regalo namin kay Nanay noong Pasko bago mamatay si Tatay. Ngunit, paano ito nakarating dito?

Dahan-dahan kong binuksan ang bag at sa loob nito ay isang itim na cellphone na may kulay lilang casing at sa tabi ay ang charger nito.

Bakit kaya iniwan ang cellphone at charger dito? pag-iisip ko nang malalim.

Sinubukan kong buksan ang telepono pero hindi ito umilaw. Marahil, kailangan itong i-charge dahil empty battery ito. Inilagay ko ang charger sa pinakamalapit na saksakan at naghintay ng dalawampung minuto habang sinasalat ang mga maliliit na lalagyan ng bag nang sa gayon ay makahanap ako ng palatandaan tungkol sa may-ari nito. Pero wala akong nakita.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant