Kabanata 7: Isang 'Di Inaasahang Engkwentro

128 6 9
                                    

May 25, 2010 (Jeddah, Saudi Arabia)

NAGLALAKAD AKO sa kongkretong daan ng unibersidad na tila pinagninilay-nilayan kung ano ang susunod na gagawin.

Nasaan na kaya si Nanay sa puntong ito? Nagmistulang lumang tape recorder ako sa paulit-ulit na pagtatanong sa aking sarili. Bakit niya iniwan ang telepono sa inn kung saan din ako tumuloy? Ano ang dahilan kung bakit siya tumakas kay Mr. Aamir at bakit siya hinahabol nito?

May nabanggit si Nanay sa kanyang mga mensahe tungkol sa ilang mahahalagang bagay na nasa loob kahon na tanging ako lamang ang dapat makakita. Nagtungo ako sa pinakamalapit na bangkong kahoy at saka ko inilabas mula sa aking bag ang kahon para suriin ang nilalaman nito.

Inilabas ko ang kulay lila na lalagyan at binuksan ito. Sa loob nito ay isang pilak na kuwintas na may nakasukbit na papel. Nakalagay dito ang pangalan ko at ang petsa ng kaarawan ko, Sariah (May 25, 2007). Nanginig ang aking kamay nang iangat ko ang kuwintas sa may ilaw. Sinalat ko rin ang krus na nasa gitna nito. Napaliligiran ang krus ng apat na diyamante at sa gitna ay may emerald, ang birthstone ko.

Napakaganda ng kuwintas na ito. Gusto ni Nanay palang ibigay ito para sa aking 18th birthday pero hindi ko kailanman ito nakuha. Ngayon lang, na eksaktong tatlong taon ang nakalipas. Ngunit bakit niya itinago ito sa kahon sa halip na ipinadala kasama ng mga balikbayan boxes na binibigay ng kanyang mga amo dati; puwede naman sanang ipinadala niya ito para umabot noon sa aking kaarawan. Ano ang pumigil sa kanya para ipadala ang mga ito sa amin? usal ko sa aking sarili.

Sinuri ko nang mabuti ang mga nilalaman ng kulay lila na lalagyan at kasama ng pilak na kuwintas ay isang susi, na mas malaki sa susi ng kahon.

Parang maraming itinatago ang aking ina. Pero para saan ang susing ito? Hindi ito ordinaryong susi sa isang pinto, locker o cabinet dahil higit na maliit ito kumpara sa mga susing iyon. Siguro susi ito para sa isa na namang kahon, wari ko.

Pero kung susi man ito para sa isa pang kahon, nasaan naman kaya ang kahon na iyon?

Ibinalik ko ang naturang susi sa lalagyan at ipinagpatuloy ang pagbubukas sa iba pang nakalagay sa kahon gaya ng bagay na nakabalot sa lumang papel na may kulay rosas na laso. Inalis ko ang laso at pinunit ang papel at pagkatapos ay bumulaga sa akin ang isang kumikislap na bagay.

Isang maliit na CD ang aking nahanap at siyang nakabalot sa lumang papel.

Ano naman ito? Ito na kaya ang ebidensiyang hinahanap ko para aking malaman kung saan nagpunta si Nanay? Nagawa niya kayang ilagay lahat sa loob ng CD na ito? Ito nga kaya ang tinutukoy ni Nanay na mahahanap ko sa tamang panahon?

Pinilit kong pigilan ang kagalakan na aking nadarama dahil sa hawak ko ang ilang ebidensiya na maaaring magpatunay kung saan nagsuot si Nanay. Hindi ko maunawaan kung para saan ang CD at ang susi. Dahil dito, nagpasya akong lumabas ng unibersidad para maghanap ng computer shop kung saan pwede kong makita ang nilalaman ng nasabing CD. Maaaring makatulong sa akin ang anumang nilalaman nito at maging ang susi.

Nang tumayo ako, may nag-vibrate sa loob ng aking. Tumutunog ang cellphone ko at nang suriin ko ito, napagtanto kong ito ang numero ni Elisa Franco.

"Hello?"

"Hello? You were calling my number earlier. Who's this?" tanong ng boses sa kabilang linya.

"I..I am Sariah Agustin, daughter of Helena Agustin. I am here in Jeddah, and I am looking for my mother. Is this Elisa Franco?" tanong ko na may halong kaba sa aking puso.

"Sariah? Ako ito, si Elisa, ang kaibigan ng nanay mo dito sa Jeddah. Paano mo nalaman ang numero ko?"

Sandali akong hindi nakapagsalita. Sa isip-isip ko, sobrang pinagpapasalamat ko na nakausap ko na rin sa wakas ang isa sa mga matalik na kaibigan ni Nanay. "Natagpuan ko ang cellphone ni Nanay sa inn kung saan ako tumutuloy po ngayon. Nabasa ko ang lahat ng mga mensahe ninyo. Narito ako ngayon sa King Abdulaziz University..."

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now