Kabanata 3: Mga Pilat ng Nakaraan

191 5 0
                                    

NAGLAKAD AKO patungo sa fountain ng park. Napuno ng mga gumamela at daisies ang buong lugar, at sa paligid naman nito ay mga talahib. May mga puno ng poplar at aspen malapit sa mga benches. Maaliwalas at halos walang katao-tao sa lugar maliban na lamang sa ilang mga batang nagba-bike at nagii-skateboard sa paligid. Makapigil-hininga ang matatanaw para sa mga dumadaan. Sa kasamaang-palad, hindi ko makuhang magalak sa mga nakikita ko.

Maluha-luha kong hinawakan ang tanging alaalang mayroon ako ng aking tatay; isang maliit na larawan kung saan ay buhat-buhat niya ako sa mga balikat niya habang nasa isang picnic kami sa tubuan. Labindalawang-taong gulang ako sa larawang ito.

Ilang buwan pagkatapos makunan ang larawan, namatay ang tatay ko sa parehong lugar kung saan ako madalas maglaro. Hindi ko na maalala kung ilang balde ng luha ang iniyak ko nang malaman kong walang awang pinaslang si Tatay nang gabing iyon.

Nakaramdam ako ng pagkamuhi para sa taong pumatay sa tatay ko noong bisperas ng Bagong Taon. Sobrang nalungkot ako nang mga sandaling iyon dahil si Tatay lang ang tanging lalaking iniiidolo ko at kung sinuman ang pumatay sa kanya ay sadyang walang konsensiya sa kung ano ang mararamdaman namin na kanyang pamilya. Umabot ng halos isa o dalawang taon bago ko natanggap ang pagkawala niya. Hindi na nahanap pa ang taong pumatay kay Tatay. Wala kaming sapat na pera para makapagbayad ng isang matinong abogado o NBI agent para ipaimbestiga ang pagpaslang sa aking ama. Halos maubos ang lahat ng ipon ng mga magulang ko dahil nagastos ito sa burol at libing ni Tatay.

Nalubog din kami sa maraming utang pagkatapos ng libing ni Tatay. Hindi namin alam kung saan kukuha ng pera para mabayaran ang aming pang-matrikula sa eskwelahan, at maging ang mga electric at water bills, at ang renta ng bahay namin. Napwersa kaming bayaran agad ang lahat ng utang namin kaya wala kaming nagawa kundi ibenta na lang ang tubuan namin sa isang mayamang haciendero, na sa panahong iyon ay tumatakbong alkalde ng San Enrique.

Gusto kong maniwalang malalampasan namin ang bawat pagsubok sa pamilya namin. Pero lalo lang lumala ang aming sitwasyon dahil naganap ang isang 'di inaasahang pangyayari sa isang mabagyong gabi...

Pebrero 14, 2001 sa aming tahanan sa San Enrique, Negros Occidental.

Tuluy-tuloy ang buhos ng napakalakas na ulan at kasabay nito ay ang pagbugso ng mabagsik na hanging halos bumulabog sa aming bubungan at agresibong niyayanig ang bawat sulok ng bahay namin. Naririnig ko ang tumutulong tubig mula sa isang sulok ng sala dahil sa malaking butas na namuo sa dingding.

Abalang nakikinig si Lola Faustina ng balita sa radyo tungkol sa lagay ng panahon. Tumaas ang typhoon signal sa pangatlong lebel. Ayon sa reporter, tataas ang lebel ng mga ilog sa paligid ng Negros Occidental at ito ay aapaw sa mga kalapit na bayan at sa kalahati ng Bacolod. Naalarma kami ng aming pamilya dahil sa balitang ito.

"Sariah!" Narinig ko bigla ang tawag ni Nanay mula sa kusina.

"'Nay?" Mabilis akong nagtungo sa kanya.

"Iempake mo na ang mga gamit mo at pakitulungan mo na rin ang mga kapatid mo sa mga gamit nila. Kailangan nating makalikas agad," pag-uutos ni Nanay.

Nagulat ako noong una saka ako nagtanong, "Aabutan po ba tayo ng tubig dito sa bahay?"

"Hindi ko alam, 'nak. Pero kailangan nating maghanda kung lumala man ang sitwasyon. Hindi ko hahayaang malunod kayo sa baha," ang nag-aalalang sambit niya.

"O sige, 'Nay. Pero saan po tayo pupunta?"

"Sa pinakamalapit na evacuation center. Mukhang ginamit nila ang eskwelahan ninyo para pansamantalang mamalagi doon ang mga lilikas," tugon ni Nanay habang ineempake ang ilang kagamitan namin sa kusina.

Mga Alaala ng Jeddah (Completed/Self-published; Televised in Tadhana GMA 7)Where stories live. Discover now