Pahina 40

24.8K 1.4K 190
                                    

Pahina 40
Young Goddess
Hurricane Thurston Part 1


Ako si Hurricane Thurston. Ang nag-iisang anak na babae ni Eros Thurston at Eve Henderson. Pang-apat sa magkakapatid, pinakabata.

Lumaki akong nakukuha ko ang lahat ng gusto ko. Nagagawa ko ang lahat. Nakokontrol at namamanipula.


May tatlong kuya at isang bantay na palaging nakabantay at protekta sa akin. Kahit nasaan ako, alam kong kahit hindi ako kumilos ay may sasalubong sa mga bala na tatama sa bungo ko. Susugod pa lamang sila, ay wala na silang mga buhay.

Bilang nag-iisang pinakabatang babae sa pamilya namin, ako ang pinakasentro ng interes o naiisip nilang kahinaan ng aming pamilya. Wala lang sa akin 'yon at hinahayaan ko lang dahil hindi ko mapipigilan ang mga sumasalungat sa amin sa ganoong mentalidad. Sabihin na lang nating, mabait ako para pagbigyan sila ng pagkakataon?

Pagkakataon na kalabanin ako, pagkakataon na maharap ako. Para sa isang tulad ko na walang mahanap o makatapat sa kahit anong aspeto o larangan, hindi mawawala sa akin ang umasang may makakaharap ako na masasabi kong...nahirapan ako.

Bata pa lang ako, lagi nang nasa tabi ko sina Storm, Rain at Thunder. Mahal na mahal nila ako at sinusunod ang gusto ko kaysa sa mga gusto nila. Kahit alam nilang kaya ko ang ginagawa ko, parati silang naka-antabay at protekta kasama ng mga miyembro ng gang nila. Sa bawat iyak ko noon, lagi silang nakaramay. Sa bawat tanong ko, hindi sila nagsasawang sumagot. Sa bawat tawa ko, sasabayan nila ako. Sa bawat desisyon ko, lagi silang gumagabay.

Ngayon naiintindihan ko na ang nararamdaman ng pamilya ko. Ang pakiramdam ng mag-alala at may pino-protektahan...


Third Person’s Point of View

Alertong nakatayo sina Tasyo at Kasmar sa likuran ni Cane.

"Anong ibig sabihin nito, Arturo?!" tiim-bagang na tanong ni Haring Daimon.

Nagpakawala ng marahang paghinga si Cane, dahil sa madilim na mukha ng Hari ng Tamir na si Haring Arturo. At alam niya ang dahilan, alam na alam.

"Ilabas ang taksil!" sa isang iglap ay bumagsak sa lupa si Heneral Gori. Sugatan at nanghihina. Dinaanan ni Cane ng tingin ang sinapit ni Gori at binalik ang tingin sa Hari ng Tamir.

Nanatiling nakamasid ang mga Hari at Prinsipe na mula sa iba't ibang kaharian. Seryosong nag-aabang sa bawat galaw ng binibining pula ang buhok dahil sa sinag ng araw. Walang kangiti-ngiti ang mapulang labi nito, blangko ang tingin sa kaharap na para bang isa itong bagay na masusing kinikilatis. Saglit na nagitla ang noo na parang may isang bagay na natuklasan.

Hindi maalis ang mga mata ng mga Hari at Prinsipe sa binibining kaharap at maya maya'y isa isang pinasadahan ng tingin ni Cane ang mga Hari at Prinsipeng kaharap.

Ang bughaw nitong mga mata ay kalmadong tinitingnan sila isa isa habang tumatango-tango pa ang maamong mukha.

"B-binibining Cane..." mahinang tawag sa kanya ni Prinsipe Rodolpo, tulad ni Heneral Gori ay sugatan. Mabilis na lumapit ito kay Cane.


"B-Bakit?" naguguluhang tanong ni Prinsipe Rodolpo at nilibot ang mga mata sa likuran ni Cane na parang may hinahanap.

Binalik niya ang mga mata rito.

"Nasaan sila? Bakit n-nandito ka?" nag-aalalang tanong ni Prinsipe Rodolpo at hinawakan ang magkabilang balikat ni Cane.

Tanging iling lang ang natanggap na tugon ni Prinsipe Rodolpo.

Mabilis na nasalo ni Cane ang paparating na pana na tatama na sana sa ulo ng Prinsipeng kaharap. Naestatwa si Prinsipe Rodolpo sa ginawa ng binibining kaharap. Sa pangalawang pagkakataon, niligtas na naman siya nito sa pana na dapat ay tatama sa bungo niya. Parang hindi na nabigla roon ang binibining kaharap at sinuri ang hawak na pana na yari sa metal.

Habang abala si Cane sa pagtingin sa hawak na pana ay pilit na bumangon at tumayo si Heneral Gori at humarang sa harapan ni Cane. Itinaas ni Gori ang espada at seryoso at mahigpit na hinawakan.

"Tama na, Gori." malumanay na sambit ni Cane habang nakatingin pa rin sa pana. Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig na nila itong nagsalita.

Mas lalong nagtagis ang panga ni Haring Arturo. Isang napakalaking tapak sa pagkatao ng Hari ang kataksilan at pagbaliktad ng katapatan ng kanyang mga mandirigma. Ang mga napakaraming kawal niya na pilit na pumigil sa kanila, na kahit pa batalyon ang kalabanin ng mga iyon ay lumaban pa rin at higit sa lahat, ang tapat na Heneral niya ay nagawa siyang kalabanin! Isa iyong malaking insulto na hindi niya matatanggap, ang gamitin ang lakas ng sarili niyang mga mandirigma laban sa kanya ay hindi niya matanggap! Mas lalong nadagdagan ang galit na lumulukob kay Haring Arturo.

"Ang binibining may pulang buhok, sa wakas ay nagkita na rin tayo." anang ng isang Hari na may malamig na tingin at ngiti na nakatingin kay Cane. Napatingala nang bahagya si Cane sa isa mga Hari na nakasakay sa kabayo.

"Hm, ako si Cane." simpleng pakilala niya sa Hari na natigilan sa diretso at kalmadong pagpapakilala nito.

Humalakhak ang katabing Hari.

"Ibang klase ang katangian ng binibining ito, Haring Hester." ngising litanya ng humalakhak na Hari kay Haring Hester na nakangising sumang-ayon sa narinig.

"Nakikita ko rin na mas lalong hindi nasisiyahan si Haring Arturo." may panunuyang ngisi Haring Hester.

"Bituin." narinig nilang sambit ng binibini na nakapagpahinto sa halakhak ng dalawang Hari. Nakatingin ito kay Haring Hester, at nabigla sila sa pagsilay ng magandang ngiti sa labi nito at pagkinang ng mga mata na kanina'y blangko lamang ang tingin na binibigay.

"Nagmula ang pangalan mo sa bituin, gusto ko ang pangalan mo, Haring Hester." nagulat ang Hari sa papuring binigay ng binibining kaharap na titig na titig sa kanya.

Tuluyan nang natulala ang Hari, si Haring Hester. Ang Hari ng Montanus.

Isang baritonong halakhak ang pumutol sa pagkatigil ni Haring Hester.

"Hahahaha! Marami akong naririnig tungkol sa’yo, binibini."

Nakita nila ang pagbaling ng atensyon nito sa Hari.

"Mawalang galang na, sino ka?"

"Ako si Haring Han, ang Hari ng Bestia." nakangising pakilala ng isa sa mga Hari. Naglaho ang ngisi ng Hari dahil sa paninitig ng binibining pula ang buhok. Matamang sinalubong ng Hari ang bughaw nitong mga mata na walang takot at pag-aalinlangan na sinalubong ang kanyang mga mata.

"Bestia... Ayon sa narinig ko'y maraming mababangis na hayop sa inyong Kaharian. Isa sa mga ipinagmamalaki ng Bestia, kahanga-hanga," malumanay na sambit ng binibining pula ang buhok sa Hari ng Bestia nang hindi pinuputol ang titig sa mga mata ng Hari. Ang klase ng mata na hindi nagpapatalo ng tinginan. Sa huli ay kumurap ang Hari ng Bestia na si Haring Han at sinulyapan ang mga kasamang Hari at ngumisi upang pagtakpan ang pagkabigla at kaba.

"Tama ka, binibini. Gusto mo bang masaksihan? Prinsipe Ian!" nakangising suhestyon ni Haring Han.

"Amang Hari..." agad na sagot ng Prinsipe ng Bestia na seryosong nakatitig sa binibini sa harap at itinapat ang hawak na bansi na lumikha ng isang musika.

Isang musika na sa isang iglap ay may nag-uunahang apat na leon ang dumating at umikot sa binibining pula ang buhok.

Mabangis at nakakapangilabot sa talim ang mga mata ng apat na leon.

Samantalang nanatiling kalmadong nakatindig ng tayo ang binibining si Cane. Sina Tasyo, Kasmar, Prinsipe Rodolpo at Heneral Gori nama'y nakaprotekta sa kanya.

Akmang sasakmalin na si Tasyo ng isa sa mga leon nang mabigla sila sunod na nangyari. Itinapat ni Cane ang hintuturo sa noo ng leon na nakapagpatigil dito.

"Hindi kami kalaban, kaibigan." pagkausap nito sa leon.

Nagulat ang lahat nang masaksihan ang pagkalma ng mga leon at sa paghaplos ng binibini sa ulo ng leon.

Namangha ang batalyon na mga kawal mula sa iba't ibang kaharian na kanina pang pigil ang paghinga mula nang masilayan ang napakagandang binibini.

"Paano mo 'yon nagawa?" hindi mapigilang tanong ng Prinsipe ng Bestia.

"Naniniwala akong hindi sila aatake nang basta basta. Hindi man sapat ang salita, maipaparating iyon kung ipapadama na wala kang intensyon na masama." muli ay sambit nito nang makahulugan. Napalunok si Prinsipe Ian sa narinig.

"Magaling kang gumamit ng salita, binibini." nasisiyahan at manghang litanya ng isa pang Hari.

Nagpakawala ng mahinang tawa ang binibining si Cane at humarap sa Hari.


"Kinakailangan iyon. Hindi maaaring magsalita ng mali sa mga oras na ito kaya dapat na mag-ingat. Paumanhin, ano ang ngalan mo, Hari." malutong na napahalakhak ang Hari na kanina pang naaaliw sa binibini lalo na sa binitiwang salita nito ngayon.

"Ako si Haring Esteban, ang Hari ng Phantor."

"Hindi na kataka-taka ang usap usapan na maraming ligaw na kaluluwa sa inyong Kaharian dahil nasa paligid sila ngayon." nakangiting sambit niya sa Hari.

"Hahahahaha! Nakikita mo rin sila." tumindi ang pagkaaliw ng Hari at ang kislap sa mga mata nito ay bakas ang paghanga.

"Napakaganda ng iyong Reyna, Haring Esteban." sambit niya at nalipat ang tingin sa kaluluwang nakatayo sa tabi ng Hari.

"...nakakahanga ang pagmamahalan niyo, Haring Esteban." sinserong dagdag ni Cane at nag-angat ng tingin sa Hari ng Phantor na marahang ngumiti kay Cane.

"Tama, napakaganda ng aking Reyna. Mukhang gustong gusto ka niya."

Tahimik na ngumiti na lamang si Cane.

"Nasaan ang mga halimaw?" seryosong tanong ng huling Hari.

"Sa wakas, nagsalita ka na. Hehehe. Akala ko snobers ka." kumakamot sa kilay na sambit ni Cane.

"Pfft~" pigil tawa at ngiti ng mga nakarinig.

Saglit na lumingon si Cane sa gilid ni Haring Esteban at tumango.

"Ikaw ang Hari ng Werran Tribe ayon kay Reyna Helia, Haring Nix." umawang ang mga labi ng lahat sa sinabi niya. Muling napalakhak si Haring Esteban at tumango. Napalunok si Haring Nix sa sinabi ng binibining pulang buhok.

"Salamat sa impormasyon, Reyna Helia. Hehehe."

Humarap siya sa Hari ng Werran Tribe.

"Kasalukuyan nilang nililikas ang mga mamamayan ng Dessertum at Hydor." sagot niya kay Haring Nix.

"Iniwan ka nila? Mag-isang humarap sa amin. Hindi ka ba natatakot?" salubong ang kilay at hindi makapaniwalang tanong ng Hari ng Werran Tribe.

"Dahil may tiwala ako sa kanila at..." marahang ngumiti ito sa mga Hari, Prinsipe at batalyong kawal.

"...nandito ako upang makilala at makausap ang mga Hari, Prinsipe at kawal." tiningnan niya isa isa ang mga Hari.

"Sa tingin mo ba'y mapipigilan mo kami?" seryosong tanong ni Haring Arturo na nakatiim-bagang.

"Hindi ko mapipigilan ang gusto niyong digmaan, sino nga ba naman ako? Anong magagawa ko?" nakangiting tanong nito sa Hari.

"Nandito ako upang makiusap." natigilan ang mga Hari.

"Anong makukuha namin sa pakiusap mo?" tanong ni Haring Hester.

"Ilahad mo ang pakay mo, binibini." sambit ni Haring Esteban.

"Esteban..." nabibiglang tawag ni Haring Han ditto.

"Nililinlang tayo ng babaeng 'yan! Pinaglalaruan kayo nang hindi niyo namamalayan! Hindi ko mapapatawad ang ginawang kapangahasan ng babaeng 'yan at ang kataksilan mo Gori." galit na litanya ni Haring Arturo at dinuro si Heneral Gori na seryosong nakatayo sa likuran ni Cane

Napabuntong hininga si Cane.

"Kung may pagkakamali at pinagsisisihan ako ngayon, ay iyon ang pagsilbihan ka." seryosong sambit ni Heneral Gori.

Humarap si Heneral Gori kay Cane na binalingan si Gori na nakaharap sa kanyang harapan. Nasaksihan ng lahat ang pagpugay ng Heneral sa binibining pula ang buhok na nanatiling pinagmamasdan ang Heneral.

Nilabas ng Heneral ang kanyang punyal at hiniwa ang sariling palad.

"Ako si Gori! Inaalay ko ang buhay ko sa’yo, binibini! Malaya kang gamitin ako at kitilin ang buhay ko kailan mo man naisin! Sinusumpa kong pagsisilbihan ka hanggang sa huling hininga ko! Ako ang tapat mong alipin! Si Gori!" matigas na panata ng Heneral na seryoso at nakita ng lahat ang pag-alpas ng luha sa mga mata nito.

Nabalot ng katahimikan ang paligid.

Nakita nilang naglabas ng punyal ang binibining may pulang buhok at seryosong hindi inaalis ang mga mata sa Heneral. Hiniwa ni Cane ang sariling palad na kinasinghap ng lahat, tumulo ang dugo nito.

Inabot niya ang kamay na dumudugo kay Gori na mabilis na tinanggap ni Gori gamit ang kamay na may hiwa rin.

"Bibigyan kita ng maayos na libing na may pangalan mo, Gori." nakangiting sambit ni Cane sa Heneral.

Ngumisi si Gori.

"Aasahan ko 'yan, binibini." sagot ni Gori.

Tuluyan na sanang haharap si Cane nang biglang sumugod si Haring Arturo.

"Arturo!" sigaw ng mga Hari na nabigla sa ginawa ni Haring Arturo.

Tumalsik si Gori sa lakas ng Hari at buong lakas na bumangon upang maprotektahan ang binibining pinaglilingkuran niya.

Susugod na rin sana si Tasyo, Kasmar at Prinsipe Rodolpo nang mabigla sila at ang sunod nilang nasaksihan ay ang pakikipagsabayan ng atake ng binibining si Cane sa Hari ng Tamir.

"Binibini!"

"Binibining Cane!"

Gamit ang espada ni Haring Adams ay winasiwas ni Cane ito at humarap kay Haring Arturo.

"Hindi kita mapapatawad sa ginawa mong panlilinlang sa aking mga alagad!" galit na litanya ni Haring Arturo.

"Nagkakamali ka, sarili nila iyong kagustuhan! Walang kasalanan ang binibini! Binigay niya sa amin ang hindi mo kayang ibigay!" sagot ni Gori.

"Ano...anong ibig mong-"

"Binigyan niya kami ng kalayaan! Na hindi kayang ibigay ng isang diktador na tulad mo!" madiing pahayag ni Gori.

"Isa kang hangal, Gori." seryosong sambit ni Haring Arturo nang makabawi sa pagkabigla.

"Tama, isa nga siyang hangal." Sang-ayon ni Cane kay Haring Arturo na muling nabigla sa sinabi nito.

"Isa siyang hangal, ang hangal na si Gori ay nasa pangangalaga ko na. Hindi mo siya maaaring utusan simula ngayon dahil ang salita ko na ang magsisilbing batas niya." kalmadong pahayag niya kay Haring Arturo.

"Gori!" matalas na tawag niya rito.

"Binibini!"

"Makinig ka sa sasabihin ko ng walang anumang pagtutol!" nakangising sambit niya nang hindi inaalis ang tingin kay Haring Arturo na nagtatagis ang panga at matalim ang binibigay na tingin.

"Sabihin mo lang, binibini. Kahit ano." seryosong sagot ni Gori.

"Inuutusan kitang umuwi sa inyo, naroon pa rin ang babaeng una mong minahal kung saan kayo unang nagkakilala at inuutusan kitang kailanman ay hindi ka na hahawak ng kahit anong armas, ng espada o kahit ano na maaaring kumitil ng buhay. Hindi ka na papatay, Gori." marahang sambit ni Cane.

Tulalang napaluhod si Gori.

"B-Buhay si Alicia? P-paano?" hindi makapaniwalang bulong ni Gori at nanghihinang bumagsak sa lupa ang tuhod.

"Nakarating sa akin ang balitang pagpaparusa ng Hari ng KIN Palacio kay Alicia dahil sa pagtulong sa isang bata!"




"Ligtas siya, mapalad na nailigtas namin sila. Minsan ka niyang naikwento sa akin." seryosong sagot niya kay Gori.

"Ang isa mga dahilan ng galit mo ay walang patutunguhan, hindi napaslang si Alicia, Gori."

"Bakit...bakit ngayon mo lang-"

"Hindi mo ako maaaring suwayin, Gori. Kamatayan ang kabayaran oras na hindi mo sundin ang batas ko." malamig na sambit niya rito at tinapat ang hawak na espada sa leeg ni Gori.

"Naiintindihan ko, binibini! M-Malugod kong tinatanggap ang kagustuhan mo." seryosong sambit ni Gori at lumuluhang tumingala sa binibining nasa kanyang harapan.

"Maraming...salamat. Hanggang sa muli, magiting na binibini." tumalikod si Gori. Bago pa man tumama ang espada ni Haring Arturo sa Heneral ay mabilis na nasangga iyon ni Cane.

"Ako ang may hawak ng buhay niya. Hindi niya pa oras, Haring Arturo." malamig na pahayag niya sa Hari ng Tamir.

Malalakas at mabibilis na atake ang pinakawalan ni Haring Arturo, puro pag-iwas at sangga lamang ang ginagawa ng binibini sa kanya na nagpatindi sa galit nito.

"Kung pakikipag-digmaan talaga ang nais niyo ay hindi ko kayo mapipigilan ngunit sana'y pagbigyan niyo ang pakiusap ko mga Hari, Prinsipe at kawal ng Tamir, Montanus, Bestia, Werran Tribe at Phantor." malamig na litanya niya sa mga ito at binaon ang espada sa lupa at seryosong tiningnan ang mga ito.

"Bigyan niyo ng patas na laban ang mga natitirang Kaharian. Bigyan niyo sila ng pagkakataon na makapaghanda. Lumaban kayo nang makatarungan. Nandito ako, nakatayo sa harapan niyo para sa mga inosenteng nadadamay at walang laban, walang alam na paraan upang ipagtanggol ang mga sarili nila. Ayokong madamay ang mga kasama ko sa digmaang ito, ngunit dahil sa kagustuhan nilang tumulong ay tiyak na madadamay at manganib sila. Hindi ko kayang pigilan ang kagustuhan nilang tumulong dahil ang bawat salita nila ay siyang batas ko rin."

"Hindi ka ba natatakot? Sa kinatatayuan mo, sa isang iglap ay wala ka ng buhay." seryosong sambit ni Haring Han, makalipas ang mahabang katahimikang bumalot.

"Alam ko ang pinaglalaban ko at alam kong hindi niyo ako hahayaang mamatay." nabigla ang mga ito sa naging sagot niya.

"Paano ka nakakasiguro?" malamig na tanong ni Haring Nix.

"Dapat kanina pa lang ay pinaslang niyo na ako ngunit heto kayo at kinakausap ako nang maayos."

"Nandito ka upang kunin ang aming atensyon, binibini at nagtagumpay ka." nakangising sambit ni Haring Hester nang mapagtanto iyon.

"At ngayon ay gusto mong pakinggan namin ang gusto mo. Kahanga-hanga, nagawa mong lituhin ang pakay namin." dagdag ni Haring Esteban na mas lalong naaaliw sa mga nangyayari.


Bakas rin ang paghanga ng mga kawal mula sa iba't ibang kaharian maging sina Tasyo, Kasmar at Prinsipe Rodolpo na nakatulala sa likuran ng binibining nakatayo nang matatag at walang takot sa mga Hari.

Maging si Haring Daimon na tulala sa mga nangyayari.

"Nagtagumpay ako sa paglikas nang ligtas ng mga mamamayan ng Dessertum at Hydor. Ngayon, hinihintay ko ang resulta ng pangunahin kong pakay. Na pagbigyan ang makasariling hiling ko. Bigyan niyo ng apat na araw na makapaghanda sa digmaan ang mga natitirang Kaharian." lantarang sambit niya sa mga Hari na tuluyan nang natigilan nang ipahayag iyon.

"At anong makukuha namin sa pagtanggap sa iyong makasariling hiling, binibini?" tanong ni Haring Esteban na tanging nakangiti.

"Makukuha niyo ang...respeto ko." seryosong sagot niya kay Haring Esteban na malakas na humalakhak.

"Hahahahahahaha!"

"Hinahangaan ko ang isang taong may pagpapahalaga sa bawat buhay."

"Hindi na malinis ang kamay mo, alam namin ang pagpaslang mo kay Kapitan Hidalgo." sambit ni Haring Arturo.

Nilingon niya ang Hari.

"Dahil walang kwenta ang buhay niya, hindi na dapat nabubuhay ang isang walang pusong tulad niya. Hindi na mababago ang kasakiman sa pagkatao ng taong iyon at hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko, at hindi ako magdadalawang isip na gawin muli iyon. Lalong lalo na sa oras na may nangahas na lumabag sa natatanging batas ko." walang emosyong sambit niya sa mga ito at nagsalita sa wikang Ingles na hindi maiintindihan ng mga kawal maliban sa mga Hari't Prinsipe.

"If you hurt my precious monsters, I'll kill you. I swear I will kill you all."

Natahimik ang mga Hari at Prinsipe.

Umugong ang pagkalito ng mga kawal.

Seryosong nakatingin ang binibining pula ang buhok sa mga ito.

"Pagbibigyan namin ang hiling mo kung sasama ka sa amin." sambit ni Haring Esteban na sinang-ayunan ng mga Hari. Nanatiling tahimik si Haring Arturo na gustuhin mang tumutol ay hindi magawa dahil sa desisyon ng apat na Hari.

"Prinsipe Rodolpo, ipagbigay alam mo sa mga natitirang Kaharian ang desisyon ng mga Hari. Sa loob ng apat na araw ay makakapaghanda sila at sasama ako sa mga ito."

"Ngunit-" sumusukong tumango na lamang si Prinsipe Rodolpo. Naiintindihan niya ang desisyon ng binibini dahil sa kondisyon ng katawan niya.

Pinanood ni Prinsipe Rodolpo ang atrasan ng mga mananakop kasama ng kahanga-hangang binibini.

"Binibining Cane, hanggang sa muli." bulong sa hangin ng Prinsipe habang tinatanaw ang binibining pula ang buhok sakay ng leon.

Mafia Heiress Possession: Hurricane ThurstonWhere stories live. Discover now