Part Six

7.2K 140 7
                                    

NAPAPIKIT ng mariin si Aira nang marinig ang boses ni Grace, kasabay ng sunod-sunod na pagtapik nito sa binti niya.

"Malungkot lang. Bawal na ba malungkot ngayon?" aniya rito sa pagitan ng pagsinghot. Itinakip niya ang kaliwang braso sa mga kanyang mata.

"Bawal malungkot nang mag-isa! Nakamamatay 'yan, gaga! Hala, bumangon ka d'yan. Bangon!" Sa pagkakataong iyon ay kiniliti na siya nito sa talampakan. Napatadyak tuloy siya at napabangon nang wala sa oras. Itiniklop niya ang mga binti upang itago mula rito ang mga talampakan.

"Grace naman!"

"Bumaba ka d'yan. May bibilhin lang ako sa tindahan. Hintayin mo 'ko sa may salas." Pagkasabi noon ay lumabas ito ng kwarto nila, habang siya naman ay nag-iisip kung susundin ba ito o hindi.

Bumuntunghininga siya.

Bumaba siya mula sa itaas ng double deck at tinungo ang salas na katabi lang ng kwarto nila. Nakapagitan lamang sa mga iyon ay ang dingding na kahoy na kahit na nabubulok na ay ayaw pa ring ipagawa ng may-ari.

Pabagsak siyang naupo sa mahabang sofa nila. Sinalo siya ng maganit na bulaklaking tela niyon. Itinaas niya ang mga paa sa may center table at humalukipkip. Hindi niya alam kung ano ang pinaplano ni Grace, at sa totoo lang, ayaw na niyang mag-isip pa.

Ipinikit niya ang mga mata. Nakakapagpakalma daw ng kalooban ang pag-iimagine ng dagat, ng tunog ng paghampas ng alon at hangin sa dalampasigan—

"O, hating-kapatid tayo dito, ha," narinig niyang sabi ni Grace kasabay ng ingay ng pagbubukas ng pinto nila.

Nang magmulat siya ng mga mata ay nakita niyang itinutulak nito pasara ang pinto gamit ang isang paa. Dumako ang tingin niya sa mga bitbit nitong isang bote ng Red Horse na lagpas dalawang dangkal yata ang laki, at isang supot na may mga maliliit na plastik ng Boy Bawang, Munchers, at Happy Peanuts.

"Hindi naman ako umiinom ng Red Horse, Grace."

"Psssh. Ano'ng iinumin mo? Yung mga flavored na Tanduay Ice? Pang-happy days lang 'yon. Ang Red Horse ang tunay na inumin ng mga broken hearted." Pagkasabi noon ay inilapag nito ang mga dala-dalahan sa center table.

Hindi na siya nakasagot. Sinundan na lamang niya ng tingin ang pagpunta nito sa may pinagsamang komedor at kusina nila na kadugtong din lang halos ng salas nila. Binuksan nito ang ref para kumuha ng ice cubes. Pagkatapos ay kumuha ito ng can opener, pinggan, mangkok at dalawang baso.

Dala ang lahat ng mga iyon ay naglakad ito pabalik sa salas. "Umayos ka nga ng upo." Pinandilatan siya nito bago sinasadyang tabigin ang mga binti niyang nakataas sa center table.

Parang nakikinita-kinita na niya ang itsura nito kapag nananaway ng estudyante nito sa klasrum. "Yes, Ma'am," sagot na lamang niya. Ibinaba na niya ang mga binti. Pinagmasdan na lamang niya ang paglalagay nito ng yelo sa mangkok, pagbubukas ng higanteng bote ng Red Horse, paglalagay nito ng yelo sa mga baso—

"'Wag ka ngang tumunganga lang d'yan. Buksan mo 'yung mga pulutan natin, ta's ibuhos mo d'yan sa pinggan." Inginuso nito ang isang plastik ng iba't ibang chiceria na dala nito kanina.

Tahimik siyang sumunod sa utos nito. Tutal naman ay nakaka-blangko ng isip ang mga mekanikal na gawain tulad ng pagbubukas ng sangkatutak na Boy Bawang at Happy Peanuts at pagsasalin noon sa may pinggan.

Nang matapos sila ni Grace sa kani-kaniyang ginagawa ay iniabot nito sa kanya ang isang nagpapawis na baso na puno ng magkahalong yelo at beer. Nang abutin niya iyon ay saka naman nito kinuha ang sariling baso. "Para sa mga pusong bato," anito habang nakataas ang baso sa direksyon niya.

"At mga pusong bigo," mapait ang ngiting sabi naman niya, sabay pingki ng baso niya sa baso nito. Pagkatapos noon ay tumango sa kanya si Grace, animo pinapasabay siya sa paglagok ng beer mula sa baso.

Hindi man niya gusto ang matapang na amoy ng beer na iyon ay nagawa pa rin niyang uminom ng may tatlong lagok bago siya tumigil. Ngumiwi siya at agad kumain ng pulutan para mawala ang mapaklang lasa sa bibig niya. Pagkatapos ay nakadalawang lagok muli siya ng beer bago niya ibinaba ang baso sa center table.

Pinahid niya ng kamay ang paligid ng kanyang bibig na nabasa ng beer. Muli siyang dumakot ng pulutan. Napatingin siya kay Grace na naka-kunot noo lamang na pinagmamasdan siya. "Bakit?"

"Ano'ng nangyari o hindi nangyari sa inyo nung Miklos mo?"

Napakibit-balikat siya. "Wala. Ikakasal na siya."

Tumaas ang isang kilay nito. "Ikinasal. Ikinakasal. Ikakasal." Habang sinasabi nito iyon ay itinataas nito paisa-isa ang mga daliri na animo nagbibilang. "Tell me, ano'ng pinagkaiba ng tatlong salita na 'yon?"

Gusto niyang matawa sa tanong nito. Pakiramdam niya ay nabalik siya sa loob ng klasrum at kailangang sumagot sa isang graded recitation. Ngunit dahil seryoso ang mukha ni Grace, sinagot na rin niya ang tanong nito ng seryoso. "'Yung isa past, yung isa present, yung isa future." Pagkasabi noon ay bumalik ang tingin niya kay Grace at hinintay na bigyan nga siya nito ng grade.

Ngunit sa halip na numero ay iba ang narinig niyang sinabi nito.

"Ang 'ikakasal' ay nasa future tense, 'Neng. Magaganap pa lang. Kaya ano'ng minumukmok mo d'yan? Mga mag-asawa nga naghihiwalay, mga engaged-to-be-married pa kaya?" Tiningnan siya nito ng mataman. "Tell me the truth. Ano ba kasing habol mo sa Miklos na 'yon? Relasyon? Pag-ibig? Sex?"

Ilang segundo rin ang dumaan bago siyang nakasagot dito. "E-Ewan ko. Gusto ko siya, oo, as in... Mahal ko na siya. Sobrang attracted ako sa buong siya na..." Huminga siya ng malalim. It was the first time she would say the thought out loud. "Sobrang attracted ako sa kanya na gusto ko siyang maka... maka-sex."

"Then have sex with him!"

"Hindi naman ako ganung tao, Grace."

"Eh, ako, ganung klaseng tao," anito, sabay said ng beer nito sa baso.

Wala sa loob na napatingin tuloy siya sa sariling baso na kakalahati pa lamang ang nababawas na beer.

Ibinaba ni Grace ang basong wala nang laman sa center table. Sinimulan nitong lagyan muli iyon ng yelo. "For two years, naging kabit ako ng isang pulis."

Napaawang ang labi niya sa narinig.

Hindi nito pinansin ang reaksyon niya at walang anuman itong nagpatuloy sa pagkukwento. "Huli kong balita sa kanya, promoted na siya as SPO2. Alam mo, may itsura naman 'yun, malaki lang ang tiyan. Apat na anak niya, at hindi ko alam kung ako lang ang kabit niya. Duda ko meron pang iba."

Hindi pa siya nakakabawi sa pagkabigla mula sa rebelasyon nito nang muli itong nagsalita.
"At meron akong fucking buddy na supposedly ay happily-married man. Tuwing nagkikita kami sa mga seminar for teachers, we always end up checking-in a motel." Kinuha nito ang bote ng Red Horse at sinalinan ng beer ang baso nito.

Nanatili siyang walang imik habang pinapanood lamang ang ginagawa nito.

Narinig niya ang malakas nitong pag-buntunghininga. "Ang ending nito, Aira, gusto ko lang sabihin sa 'yo na: 'Yang mga lalaki, basta usapang sex, walang rela-relasyon o kasal-kasal na magagawang magtali sa mga ti—" tiningnan muna siya nito nang mataman bago nagpatuloy, "Sa mga pututoy nila." Umismid ito bago muling lumagok ng beer mula sa baso nito. Matapos nitong mapangalahati ang laman noon ay muli itong nagsalita. "Alam mo, lalaki pa rin 'yang Miklos mo. Kumbaga sa hayop, parang tomcat 'yan na basta lapitan ng pusang in-heat, kakasta 'yan. Maniwala ka sa 'kin."

It took her a minute to digest all that Grace had said. Hinayaan naman siya nito na tahimik na lumagok ng beer.

Nang maubos na niya ang laman ng baso niya ay agad iyong nilagyan ni Grace ng yelo at sinalinan muli ng beer hanggang sa halos umabot na iyon sa bibig ng baso.

"Beer pa! Cheers!" ani Grace nang iabot nito sa kanya ang baso niya. Agad din nitong dinampot ang sarili nitong baso na papaubos nang muli ang lamang beer.

Nagpingkian muli sila ng baso. Hinigit niya ang hininga bago dinala ang baso sa bibig para uminom.

"Aira? Aira? Aira!"

Against the Wall (COMPLETED)Where stories live. Discover now