Part Ten

6.7K 153 2
                                    

"GANITO pala ang feeling ng nababasted. Ang sakit. Hindi ako maka-move on."

Muling lumagok si Aira mula sa iniinom na kulay asul na Tanduay Ice. It was a Friday night in Molokai, one of the hundreds of bars located in Malate. The place had a tribal theme, with its wooden tables and chairs, and the intricate wooden carvings and sculptures on its walls. Napaka-eerie ng itsura ng bar na iyon. Pakiramdam tuloy niya, anumang oras ay magsasagawa roon ng ritwal na pag-aalay ng dugo ng isang babaeng birhen. Kapag nangyari iyon ay sigurado na ang kamatayan niya dahil sa ginawang pagtanggi sa kanya ni Miklos.

Napailing na lamang siya sa naisip. Ibinaba niya ang bote ng beer at napalabi. Kasama niya si Grace sa pang-apatang mesa. Hinihintay nila ang boyfriend nito, at ang kaopisina ng boyfriend nito na ipapakilala raw sa kanya. Para kay Grace, dalawa lang ang sagot sa broken heart: una, sangkatutak na beer. Pangalawa, bagong pag-ibig.

At kahit anong paliwanag niya rito na hindi naman kaagad-agad mapapalitan si Miklos sa isip, puso, at mga bituka niya, wala pa rin. Hinila pa rin siya nito para lumabas at mag-night out kasama ang boyfriend nito, at kung sinumang herodes na iba-blind date nito sa kanya.

Hindi pa rin daw nito nami-meet ang inirereto nito sa kanya na lalaki. Basta ang alam lang nito ay Jeffrey daw ang pangalan noon. At ka-trabaho iyon ng boyfriend nito sa advertising agency.

"Maaga ba tayo, o late lang talaga sila?" Malakas ang tinig na sabi niya sa katabing si Grace bago niya tiningnan ang orasang pambisig. Pasado alas-diyes na ng gabi. Inilipat niya ang tingin sa dance floor na nagsisimula nang mapuno ng mga taong nagsasayaw sa saliw ng malakas na tugtog. Pakiramdam niya ay nakakapit na sa damit niya ang amoy ng usok ng sigarilyo dahil kasing dami ng sasakyang nagsu-smoke belching sa EDSA ang nagsisigarilyo sa loob ng bar na iyon.

"Yung huling text sa 'kin ni Roel, napa-extend lang daw yung preparation nila for a client meeting tomorrow. Pero i-push pa rin daw natin 'tong meet-up." Kinuha nito ang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng table nila. "Wala pa naman siyang bagong text sa 'kin. Why? Don't tell me gusto mo nang umuwi? Magpapaka-emo ka lang sa apartment. Dito ka lang. Maghanap ka ng pwedeng maging boylet d'yan sa paligid. Para may Plan B tayo sakaling hindi mo type si Papa Jeff."

"Ang dami mo namang sinabi," natatawa niyang tugon. Kinuha niya ang malamig na bote ng beer at uminom mula roon. Pangalawang bote na niya iyon para sa gabing ito. "Nagtatanong lang naman ako kung tayo ba 'tong excited. Kasi usually 'di ba ang girls ang hinihintay ng boys. Tayo, baligtad."

Umiling-iling si Grace. "Hindi na uso 'yang mga ganyang gender role chuvaness, girl. Ngayon ka pa nagpaka-dalagang pilipina, eh parang kelan lang nag-volunteer kang magpaka-pokpok para kay Papa Miklos."

Napangiwi siya sa narinig. "Salamat sa pagpapaalala." Muli niyang kinuha ang bote ng beer at sinaid ang natitirang beer noon. Nang ibaba niya ang bote sa mesa ay nakita niya si Grace na nakangiti sa kanya. "What?" may bahid ng inis na tanong niya rito.

Hindi naman natinag ang ngiti nito sa naging pag-angil niya. "Ano ba talagang gusto mo, girl? Kasi kung ang gusto mo lang naman magwala at gumanti sa ate mo, e 'di makipag-one night stand ka sa kahit na sino lang d'yan. Chicks na chicks pa naman ang itsura mo ngayon with that little black dress. Siguradong andaming boys d'yan na more than willing na i-devirginize ka."

Nanlaki ang mga mata niya. Sa gilid ng paningin ay nakita niya ang paglingon sa kanila ng ilan sa mga taga-kabilang table. "Grace naman!" Naitakip niya ang kaliwang palad sa mga mata. "Bakit hindi ka na lang pumunta dun sa may DJ at i-announce 'yan?"

Tumawa ito. "Mag-promise ka na bibigyan mo ng chance si Jeff."

"'Eto na nga't sumama na ako sa 'yo ngayon 'di ba?" Pitumpu't pitong ulit yata siyang kinulit ni Grace bago siya pumayag na sumama dito.

"Good. Dahil andito na sila," nakangiti pa ring sabi nito nang kumaway sa direksyon ng entrance ng bar.

"Talaga?" Tumuon ang tingin niya sa direksyon na kinawayan nito. Nakilala niya agad ang boyfriend nitong si Roel, kasunod ang isang lalaking kahawig ni Derek Ramsay. Parehong naka-button down long sleeves at slacks ang mga ito; mga office people by day, party people by night.

Kung ang kalokalike na iyon ni Derek Ramsay ang Jeffrey na ka-blind date niya, hindi na masama. Their eyes locked for a couple of seconds. Wala siyang naramdamang pagkabog ng dibdib kagaya ng nararamdaman niya kapag nagkakatinginan sila ni Miklos. But hey, she was here to meet guys and have fun, right? Wala sa lugar na iyon ang lalaking nagpapakabog ng dibdib niya—naroroon pa iyon sigurado sa harap ng computer nito sa opisina. Nagta-trabaho sa halip na nagsasaya ngayong Biyernes ng gabi kagaya nila.

"Honey! I'm so sorry we're late," ani Roel nang lumapit kay Grace at hinalikan ito sa labi. Nag-iwas siya ng tingin sa mga ito.

"Okay lang, Hun," sagot dito ni Grace nang maghiwalay ang mga ito. "Nag-girl bonding naman kami nitong si Aira. Nag-meet na kayo, 'di ba?"

"Of course. Hey, Aira! Nice to see you again. Looking good!" anito sa kanya bago ito bumeso sa kanya. Pagkatapos ay saka pa lamang nito nilingon ang kasama. "Girls, I'd like you to meet my new bud in the office, Jeffrey Trinidad. Jeff, bro, I believe I've told you about my girlfriend, Grace, AKA the hottest and most beautiful teacher in the world, and her good friend, Aira."

"Nice to meet you both," nakipagkamay sa kanila ni Grace si Jeffrey.

"Nasabi na ba sa 'yo, Jeff, na kamukha mo si Derek Ramsay?" hirit ni Grace dito.

"Since birth," sagot nito sa tonong nagbibiro. Sa upuan katapat nang kay Grace naupo si Roel, habang si Jeff naman ay hinila ang upuan katapat ng sa kanya at doon ito naupo.

"I remember, there was this one time na may imi-meet kaming client sa Greenbelt 5 nang may lumapit sa kanya para magpa-picture," pagkukuwento ni Roel. Bahagya nitong inilakas ang boses para magkarinigan silang apat sa kabila ng malakas na tugtog sa loob ng bar. "Ayaw maniwalang hindi siya si Derek. Nagalit pa sa kanya dahil picture na lang daw, pinagdadamot pa niya."

They all laughed at the absurdity of the incident. Napahawak na lamang sa batok si Jeff, tatawa-tawa. Si Roel naman ay tumawag ng waiter at umorder na ng beer para dito at kay Jeff. Isang bucket agad ng San Miguel Super Dry ang inorder nito, kasama ng pulutan na seafood platter at pork sisig.

Habang naghihintay sila ng pagdating ng order ay in-interview muna ni Grace si Jeffrey. Game naman ang lalaki sa pagsagot. Nalaman tuloy niya na nag-iisang lalaki ito sa apat na magkakapatid, at nagtapos daw ito ng Business Administration sa UST. Pati edad nito ay inalam pa ni Grace—twenty-nine na raw ito, at very much single. Nakatatlong ulit si Grace ng tanong tungkol sa status nito. Ayaw kasing maniwala ng kaibigan niya na single si Jeff. Consistent naman ang lalaki sa sagot nito na wala itong girlfriend sa kasalukuyan. Kabi-break lang daw nito sa isang jewelry designer na nasobrahan sa pagiging possessive. Pinatotohanan naman iyon ni Roel. Pati nga raw ito ay minsan nang natawagan ng ex na iyon ni Jeff para lang siguruhin kung nasa client meeting daw ang mga ito talaga.

Wala sa loob na napasulyap siya kay Roel. Hindi ba ito naiilang sa hantarang pagpapakita ng interes ni Grace kay Jeff? Bakit mukhang cool na cool pa rin ito sa nangyayari?

Maya-maya ay dumating na ang mga beer na inorder nina Roel. Nahinto ang pag-iinternalize ni Grace bilang showbiz talk show host at nilubayan na ng mga tanong si "Derek Ramsay."

"Hey guys, let's play a drinking game!" bulalas ni Grace. Kung ito ay bahagya pang napapalakpak, si Aira, gustong mag-walkout dahil sa narinig. 

Against the Wall (COMPLETED)Where stories live. Discover now