Kabanata 43: Epidemya

12.1K 892 56
                                    

Matapos naming makausap si pinunong Goryo ay sinuri namin ang buong bayan. Binigyan din kami ni pinunong Goryo na maayos na matutuluyan. Papayag din naman pala siyang manatiki kami, gusto niya pa nang maayos at masinsinang usapan. "Tingnan mo 'tong pinuno nila, may kailangan pala pero mas inuuna pa niya ang dangal niya bilang mandirigma," reklamo ni Jacko habang hinihilot ang kanyang paa dahil sa layo nang nilakad at nilakbay namin.

"Pinoprotektahan niya lang naman ang kanyang naaasakupan," sagot ni Melia. "Tama naman siya na kaakibat nang pananatili ng Sol Invictus sa bayan ng Kamora ay ang salitang panganib. Maaaring maging sanhi tayo nang gulo sa bayang ito." mahaba niyang paliwanag.

Kahit papaano ay naiintindihan ko si pinunong Goryo sa parteng iyon, ginagawa niya lang naman ang kung anong dapat gawin ng isang pinuno at iyin ay protektahan ang kaligtasan ng kanyang nasasakupan. Kahit maliit ang tiyansa na malaman ng Ixion ang lokasyon namin ay kung sakaling matuntun man nila kami ay maraming buhay ang madadamay. Kinakailangan naming maresolba ang problema sa bayang ito at tuluyan na itong lisanin upang malayo ang mga taong ito sa peligro.

"Panginoon, naaawa ako sa sitwasyon ng bayang ito. Halata sa kanilang katawan na kulang sila sa nutrisyon at may mga sakit na dinadamdam ang karamihan sa kanila. Gusto kong tulungan silang gumaling, Panginoon," natuwa naman ako sa sinabi ni Isla. Masasabi kong parang matanda na talaga mag-isip si Isla kahit pa ang bata-bata niya pa. Alam niya ang mga bagay na gusto niyang gawin at alam niya ang mga bagay na dapat ipaglaban.

Lumapit ako sa bata at hinimas ang kanyang ulo. "Iyon ang ating gagawin Isla kung kaya't mananatili tayo rito. Tutulungan natin sila." Sinigurado ko sa kanya iyon.

"Basil, masyado tayong maraming pagkain sa bagon. Ibigay na lang natin sa kanila iyon lalo na sa mga bata," suhestiyon ni Melia at mukhang nag-aalala talaga siya sa kalagayan ng mga bata. Sino ba naman ako para tumanggi? Mas kailangan nila iyon ke'sa sa amin.

Bago kami lumabas ay pinlano namim ang aming gagawin. Si Melia at Isla ang siyang magluluto para sa lahat, si Jacko at Lucas ang magtuturo sa ibang mamamayan dito sa kung paano itanim ang mga butong mayroon kami at kung paano ito bubuhayin, kaming dalawa ni Flavia ang tutungo sa paliwasan ng bayan na kung saan ipinatipon ni pinunong Goryo ang mga taong may sakit.

"Alam mo, naaawa ako sa kanila," pag-amin ni Flavia habang naglalakad kami tungo sa paliwasan. "Sinusubukan na nilang magbago pero hindi sila tinatanggap ng mundong ginagalawan natin dahil lamang sa dati silang rebelde o miyembro ng masamang grupo. Hindi sila binigyan ng pangalawang pagkakataon at ngayon ay nahihirapan silang mabuhay."

Siguro ay hindi dinanas ni Flavia ang magtiis sa gutom at manirahan sa lansangan. Ako kasi ay naranasan ko iyon sa bayan ng Norton nung bata ako, napipilitan din akong magnakaw noon para lang makakain at mabuhay. Hindi lahat nang gumagawa ng masamang bagay, masama. Yung iba ay napipilitan lang na gawin iyon dahil kailangan na kailangan nila.

"Walang pakialam ang gobyerno sa mga taong may ginawang masama. Kahit humingi nang tulong itong mga tao sa Kapura ay hindi naman din sila papakinggan ng kahit sinong tao na nasa mataas na posisyon. Bakit? Dahil rebelde sila," paliwanag ko kay Flavia. "Kung kaya't gawin natin ang lahat upang matulungan sila, Flavia. Iyon ang misyon natin, ang iligtas ang mundong ito ng walang halong panghuhusga. Tutulungan natin ang lahat ng mga nangangailangan sa abot ng ating makakaya."

Pagkarating namin sa liwasan ay napakarami ng bilang ng tao na nandito ngayon. Nagulat kaming parehas ni Flavia nung makita na ang daming tao sa bayang ito ang nanghihina at dumadanas ng matinding malnutrisyon, may kakaibang sugat din sila sa balat at marami ay namumula ang katawan.

Noong nakita nila si Flavia ay nagsigawan ang mga tao.

"Sa wakas ay maililigtas na tayo!"

"Hindi na ako mamamatay! Gagaling na ako."

Anti-HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon