CHAPTER 18

120 8 0
                                    

UPPER DECK

"Hey Moon, enjoy the night man. Halata kang napipilitan lang dito." Si Atmos, may kaakbay na isang modelo.

Binigyan ngiti ko lang ito. Ang gabi ay masyado pang maaga para sa lahat. Binabalak umuwi agad pagsapit ng liwanag.

Pinagmasdan ang mga nakikita. Bumaha ang pagkain sa reception na ito. Ang mga kamag-anak lang ang kakilala at napakarami ng hindi pamilyar na bisita. Umiikot ang mga inumin at lahat ay may kanya kanyang hawak. Mas piniling kumain ng prutas na hindi napapansin sa high circular table.

"Hi, handsome."

Sumulpot sa harapan ang hindi kilalang babae nang may mapang-akit na labi at titig. Pinakatitigan ko ang mukha at ang nakataas nitong buhok. Maganda ang pagkakaayos at makapal ang kolorete na bumagay sa hugis ng noo at pisngi. Kung wala ang mga iyan ay ano ang totoong itsura? Halos lahat ng babaeng nakikilala ay may inilalagay sa bawat parte ng mukha.

"Do you like what you see?" sa mapang-akit din na boses.

"How much did you pay to fix your face?"

Napawaang ang mga labi at na-insulto ang tingin. "What question is that?!" Humawak sa pisngi na ngayon ay namumula.

Tumango para dito. "I am just asking." Sinubo ang kapirasong ubas.

"Why? Do you want to fix yours also? I will recommend you to someone I know?" Itinaas ang noo.

"No, thanks." Saka tumalikod sa babae.

Naglakad papalayo mula sa maraming tao. Mabagal ang bawat hakbang habang nakatingin sa liwanag na sumisilaw sa dagat mula sa buwan. Nang makalayo ay tumigil at hinawak ang dalawang kamay sa railings saka tumitig sa tubig. Tahimik ang munting alon. Umaayon para sa pagdiriwang at ingay sa unahang panig ng barko.

Lumingon sa ilang yabag na paparating. Kanina pa napapansin ang mga taong pormal ang kasuotan pero may mga nakakubli sa bewang. Hindi sinasadyang unang makita sa ilang lalake nang nakasabay sa palikuran.

Nang makalapit ang dalawang tao ay tumango ang mga ito sa akin at lumiko sa palikong parte ng barko. Pero nawala agad sa paningin nang saglit ilayo ang pansin sa mga papalayong likod. Kunot noong humakbang sa direksyong iyon. Napatigil dahil sa kabilang panig ng isip ay baka masangkot sa kung anong gulo.

Pero tahimik ang pasilyong ito, tanging naririnig ay ang ingay mula sa malayo. Imposibleng nawala na lang ang dalawang iyon. Kaya ipinagpatuloy ang walang ingay na hakbang. Pagtingin sa una at ikalawang pintuan ng cabin ay mga nakasarado.

Dumaan sa paningin ang ikatlo, bahagyang nakabukas ang pinto. Dahan dahang hinawi hanggang kalahati nang walang ingay at sumilip. Madilim ang loob at ang tanging liwanag ay mula sa likod, ang buwan na nakasilip sa kalangitan. Nakatulong iyon para maaninag ang pinakaloob. Natigilan nang bumungad sa paningin ang nakatalikod na babae, at sa harapan ng babae ay nakita ang nakabulagtang mga katawan.

Lumingon ang babaeng nakatalikod.

Hindi makagalaw ang sariling mga paa nang lumapit ito sa pintuan. Ang katawan ay nabigla sa ganitong sitwasyon at sa anyo ng babaeng papalapit. Hindi akma sa naabutan.

Ang isang daliri nito ay itinapat sa labing nakangiti. Sinasabing tumahimik ang isang katulad ko sa nakikita.

Dumaan sa tabi at lumabas. Awtomatikong sumunod ang mga mata dito. Natitigan ng maigi sa malapit na distansya. Maganda ang mukha.

Tumigil at lumingon. "Thanks," nang nakangiti.

Tumingin muli sa mga nakabulagta sa loob ng cabin. Ito nga ang dalawang dumaan kanina.

BOOK 2 - SERENITYDonde viven las historias. Descúbrelo ahora