2. The Crush (2)

256 22 12
                                    

Simula nang nag-message si Anxo sa kanya, ilang linggo na rin itong hindi pumapasyal sa park. Nang sa wakas ay mag-post itong muli sa social media, noon na rin nalaman ni Ray na babalik sa pagtakbo ang binata at doon na rin sana niya ito muling makikita. Handa na si Ray na batiin at kausapin ito at mahigpit na pinanghahawakan ang reply nito sa chat niya. Pagdating nga lang niya sa KB, biglang bumuhos ang malakas na ulan na siyang dahilan kaya napabili siya ng libro ni Mark Jin sa KB at napauwi nang maaga sa bahay. Tamang-tama't may bago sana siyang librong mababasa sa ilalim ng Caballero tree sa park. Pero dahil sa ulan, maaaring sa kuwarto na niya iyon mabasa.

Kaya naman hindi lang pagkagulat ang naramdaman ni Ray nang makita sa bahay nila ang author ng bagong librong nabili. Na-excite rin siya. Bilang isang diehard fan nina Alma Young at Mara Moral, naniniwala siya sa ideya ng soulmate at sa destiny theories ng mga ito. Naisip niya na may dahilan kung bakit sila pinagtagpo ni Mark at kung bakit sa dinami-rami ng pangalang mababanggit sa dedication page ng libro nito, pangalan pa niya ang napili nito. Dahil ba sa matagal na siguro siyang kilala nito? Dahil ba kay Rayco?

Kaya nang sundan siya ni Renzy sa kuwarto, sadya niyang binigay ang libro rito. Change of plan. Gusto na niyang malaman ng lalaki na may interes din siya sa book nito, ayaw lang niya talaga na siya mismo ang magsasabi rito. Umiiral ang defense mechanism niya 'pag kaharap na ito. Naisip niya na baka nga paraan 'yon ng universe para ilayo siya sa maaaring kapahamakan o sa tuluyang pagkawasak ng puso niya kung sakaling mahulog agad ang loob niya sa binata. Gano'ng kabilis siyang mag-isip. 

"Renren, kumakain pa ang kuya Mark mo, mamaya na 'yan," saway ni Rayco sa kapatid nang iabot ang libro kay Rayco. 

"Okay lang bro, may bolpen ka ba?" natatawang sabi nito. Hindi tulad ni Aki, lagi itong nakakalimot magdala ng bolpen. Naalala niya tuloy si Mek.

"Kunin ko po kay ate, wait lang po," sagot pa ni Renzy na plano na sanang bumalik sa kuwarto.

"Sabi nang mamaya na 'yan. Ituloy mo muna ang pagkain mo, gagaya ka pa sa ate mo." Sadyang istrikto si Rayco. Minsan nga'y mas istrikto pa ito sa ina. 

Walang choice si Renzy kundi bumalik sa upuan niya. Dahil hawak ang phone, nag-chat na lang siya sa ate niya. Sinabi niya rito na siya na ang magdala ng bolpen pagbalik nito sa hapag-kainan. 

Pero hindi lang bolpen ang dala nito nang lumabas ito ng kuwarto. Dala rin nito ang makapal na yearbook ni Rayco nung elementary hanggang sa pagbaba sa dining area. Pero ang mas ikinagulat ni Rayco ay ang pagpapalit nito ng damit. Sa halip kasi na damit-pambahay ang isuot nito, 'yung paboritong bestida pa talaga ang siyang suot nito ngayon. Hindi rin nito suot ang salamin at mabilis nakapaglagay ng contact lens. Litaw na ulit ang kaninang dewy makeup na halos binura ng tilamsik ng ulan. 

"Sa'n lakad mo at bakit mo dala 'yan?" bungad ni Rayco sa kapatid nang tuluyan itong maupo sa tabi niya. Noon din niya naamoy ang gamit na pabango ng kapatid. 

"Uhmm, kakain. Kaya n'yo bang ubusin lahat 'to?" nakasimangot niyang sagot sa kapatid nang ipatong sa bakanteng upuan ang yearbook. Pero naisip niyang hindi pala siya dapat sumisimangot sa tuwing nasa harapan niya si Mark.

"Kaya nga kanina ka pa naming tinatawag. E bakit dala mo 'yang yearbook ko nung elementary?" Pagtataka rin ang gumuhit sa mukha nitong si Rayco.

"May gusto lang sana akong ipakita sa friend mo," mahinhing tugon nito sa kapatid nang tapunan ng tingin ang binata sa harapan niya.

Napalunok naman si Mark at nagulat sa malagkit na tingin ni Ray.

"Ray, kung ano man 'yan, please mamaya na 'yan pagkatapos nating kumain, kanina n'yo pang inaabala si Mark," singit ni Mrs. Ruiz. At kapag ang ina na ang sumaway, wala nang magagawa si Ray.

Nang matapos kumain, nilinis ni Mrs. Ruiz ang mesa habang si Renzy naman ang siyang naghugas ng mga pinagkainan sa kusina. Nang maiwan ang tatlo sa dining area, noon na muling inilabas ni Ray ang yearbook. Ngunit bago pa niya mabuksan ang yearbook, biglang nag-ring ang phone ni Mark na agad din naman nitong sinagot. Nilapitan agad ito ni Rayco at saka sinabi sa kaibigan na ihahatid na nito ito sa labas kung saan naka-park ang sasakyan nito. Hindi na nito napirmahan ang libro ni Ray. Mukhang nagmamadali ito. Lumabas pa rin naman si Ray para silipin ang pag-alis ni Mark. At bago ito umalis, ibinaba nito ang bintana ng kotse at kumaway kay Ray. "Bawi ako next time, Ray," sabi pa nito sa dalaga. "Thank you po, tita," paalam nito kay Mrs. Ruiz.

Pagpasok nila sa bahay, noon lang sinabi ni Rayco na may emergency si Mark sa bahay. Ayaw naman nitong sabihin ang detalye sa mga kapatid kahit pa pinipilit na siya ng mga ito. "Sige na nga, sabihin mo na lang sa 'kin kung siya nga talaga si Mark Anthony Jinares, 'yung kaklase mo nung grade 6. 'Yung madalas pumunta rito sa bahay noon," saad ni Ray at bakas pa rin sa mukha nito ang sentimiento. Kahit nakita na niya ang full name ni Mark Jin sa ilang posts sa internet kanina, naniniwala siyang posible pa ring mali iyon. At malaki ang posibilidad na ito na nga si Makoy ngayon, ang kauna-unahang crush niya. Ang bestfriend ng kuya noon. Posibleng kinuha nito ang pseudonym mula sa full name nito na halos makalimutan na niya. At ang nangyayari ngayon ay paraan na ng universe para muli silang pagtagpuin.

Napatawa si Rayco.

"'Yung first love mo ate?" asar pa ni Renzy sa ate niya. Nakaupo rin ito sa sofa sa salas habang binubuklat ang lumang yearbook.

"Heh," tugon naman ni Ray kay Renzy bago ibalik ang tingin kay Rayco.

"No, hindi siya 'yon. Bakit mo naman naisip 'yon? Totoo? First love mo si Makoy?" Nakita na naman ni Ray ang kinaiinisang bungisngis ng kapatid niya. "Hindi ka papansinin no'n, ang gusto no'n maganda."

"Hoy!" sita niya sa kuya niya. "Maganda naman ako!"

"Wala akong narinig," sagot ni Rayco.

"Heh. Pero hindi nga siya 'yon? Bakit ba ang daming Mark sa mundo?" aburidong sagot niya sa kapatid.

Hindi na niya sinagot ang maraming tanong nito. Ayaw niya ring malaman ng kapatid na nagbabase pa rin siya sa nabasang soulmate theories ni Alma Young dahil alam niyang tatawanan lang siya nito. Tulad noong nahuli siya nitong nililitratuhan si Makoy habang naglalaro ng video game ang dalawa. Gamit niya noon ang cellphone ng tatay Raymond nila. Pinatingin pa ni Rayco si Makoy sa kapatid na naglilitrato at sumama pa ito sa picture para lalong inisin ang kapatid. Simula noon lagi na siyang inaasar ni Rayco. Kahit noo'y inis na inis siya sa kapatid, ngayo'y napapangiti na lang siya kapag naaalala iyon. Kaya nang matapos ang pagmumuni-muni nagulat siya nang makitang sa kanya na pala nakatingin ang dalawang kapatid. Nawala tuloy ang ngiti niya.

"'Wag mong sabihing type mo talaga si Mark?" banat pa ni Rayco sa kanya. Seryoso ang tono nito.

"No, kuya," agarang tanggi ni Ray. "Kahit pa si Makoy pa siya, no way."

"Mabuti naman. Alam mo naman siguro ang Bro Code. The unwritten rule. Bawal jowain ang kapatid ng tropa."

"Jowain talaga agad kuya?"

"Aba, malay ko sa 'yo. Kung makapagpakyut ka kanina kay Mark, sobrang obvious. Nakakahiya."

"Grabe ka kuya ha. 'Wag kang mag-alala. Hindi ko type ang friend mo. May iba akong gusto." Naalala niya si Anxo at para siyang na-guilty dahil sa mga pinaggagawa kanina.

"Mabuti na ang malinaw," sabi pa nito nang tumayo mula sa pagkakaupo at dumiretso sa kusina.

The Name In Your BookHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin