Chapter 14

597 56 15
                                    

Umaga na ng makatulog ulit ako kaya naman hapon na ako nagising. Agad akong binisita ni Lea at tinadtad ng tanong. Narinig kasi niya ang sagutan nina Sin at Aira ng puntahan niya kami kagabi.

"Ayos ka na ba ngayon?"  Puno ng pag-aalala ang mukha ni Lea.

Hindi ko maiwasang mapangiti. Sila ni Rita ang nagpapagaan ng pakiramdam ko sa tuwing nalulungkot ako dahil sa pagkakapunta ko dito sa mundong ito. They made my stay bearable because they offered me friendship. Isang bagay na wala ako sa mundo namin.

Wala akong naging panahon makipagkaibigan dati dahil sa dami ng trabaho ko. Kung may panahon naman ako minsan, walang gustong makipagkaibigan sakin dahil bukod sa mahirap at lubog kami sa utang ayaw nila sa pamilya ko dahil malas daw kami sa bayan namin.

Nang matapos akong makipagkwentuhan kay Lea, sinamahan ako ni Rita mananghalian. Kapansin-pansing tahimik ang buong kusina kahit na abala ang lahat sa trabaho.

"Saan pala sina Kayla?"  Tanong ko ng mapansing wala sila.

Kapag kumakain kasi kami, madalas ko silang makita dito sa kusina. Kadalasan kasi kapag tanghalian na, sumasadya silang puntahan ako at kutyain.

Sinabayan ni Rita ang mata ko sa paghahanap sa kanila.

"Iwan ko, nakakapagtaka nga na hindi ko sila nakita buong araw."

Naging normal naman ang araw ko. Pagkatapos kong kumain, pumunta ako sa green house. Nahirapan akong pilitin si Rita na hayaan akong magtrabaho. Ayaw niya kasi akong iwan pagkatapos ng nangyari kahapon pero pagkatapos ng mahabang pakikiusap, napilit ko rin siya.

Habang papunta sa green house, nakita ko na naman si Sin na pumasok sa kwartong iyon pero agad akong nag-iwas ng tingin at kumaripas ng takbo palayo.

Hindi dapat ako manghimasok.

Buong maghapon akong nagdilig at nagbungkal ng lupa. Ginawa ko ang lahat para mas maging malusog ang mga halaman. Nakakatuwa dahil pansin kong mas naging malusog sila kaysa ng huli ko silang makita kahapon.

Hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga tanong. At ngayon, bukod sa problema ko sa portal, dumagdag pa sa problema ko ang tungkol sa panaginip ko kahapon. Pero pinilit ko muna ang sarili ko na kalimutan ang mga iyon at ibigay ang atensyon ko sa trabaho ko.

Bata pa lang mahilig na akong magtanim. Lagi akong sinasama ni Tito kapag nag-aani sila sa sakahan. Noong hindi na siya tinanggap sa bukid, sa bakuran na lang namin siya nagtatanim pero kahit na ganon mataba at malusog lahat ng gulay namin. Ako lagi ang naaatasang magdilig kaya mas lalo akong napamahal sa mga halaman.

Inabala ko ang sarili pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang pagkamiss ko kina Tito pati na rin ang nangyari kahapon.

Kung nananaginip lang talaga ako, bakit ako nakita nila Sin sa South? At kung nandoon talaga ako, bakit sabi ni Aira at Rita na hindi naman daw ako umalis sa kama?

Sumakit ang ulo ko sa kakaisip pero hindi pa rin nasagot ang mga tanong ko. Gusto kong makausap si Daniel at itanong kung ano ang nangyari sa mga bata kahapon pero hindi ko siya makita.

Papalubog na ang araw ng matapos ako sa ginagawa.

Naligo ako at nagbihis bago pumunta sa silid aklatan. Kinuha ko ang aklat sa pinaglagyan ko at pinagpatuloy ang pagbabasa.

Ilang araw na rin akong nagbabasa, naghahanap ng sagot kung paano ako makakauwi sa amin. Hindi ako susuko, alam kong makakuwi ako. Alam kong may paraan at kailangan ko lang hanapin ito. Lahat na ata ng libro dito tungkol sa mga portal ay nabasa ko na pero katulad ng sabi ni Lea, wala na nga talagang ibang paraan. Wala akong mahanap na sagot sa mga libro. Mas lalo lang akong nalito sa mga impormasyong nalaman.

The Kingdom Of Rose And Ashes (Halifax Series I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon