KABANATA 31

84 3 4
                                    

"Gamitin mo ang iyong utak sa pagpili.
Dahil sa buhay, hindi laging puso lang. Inilagay ang utak sa ulo upang ito ang mas unahin."
-Clara

CLARA'S POV

"MARAMING salamat sa pagpapatuloy mo sa akin, Marisa," taos-pusong pasasalamat ko sa kaniya. Tumango naman siya at nginitian ako ng labas ngipin.

"Walang anuman iyon, Binibining Clara." Huminto siya at tila nagdadalawang isip pa sa kaniyang susunod na sasabihin kung kaya't tinaasan ko siya ng kilay. "Ah, nais ko lamang sabihin sa iyo na alagaan mo si Señor Gabrielo."

Natawa naman ako kung kaya't tinakpan ko ang aking bibig gamit ang abanikong inihandog niya sa akin. "Hindi mo na kailangan pang sabihin iyan, Marisa. Talagang iyan ay aking gagawin."

Kumamot siya sa kaniyang batok at saka tumango. "Kung hindi mo naitatanong, talagang humahanga ako sa iyong nobyo. Huwag mo sanang mamasamain, Binibini, hindi ko naman siya inaagaw sa iyo. Sa katunayan ay masaya ako para sa inyong dalawa."

Tumango ako habang nakangiti. Ilang saglit pa ay dumating na ang kalesa nina Gabrielo at bumaba siya mula rito. Kaninang alas quatro y media ay mayroong nag-iikot na mga guardia civil. Nakilala ko ang isang iyon at siya ay si Noriel.

"Binibining Clara, ikaw pala. Kayo po ay pinapahanap ng Heneral," magalang na saad ni Noriel. Nagkatinginan kami ni Marisa. Kami ay lumabas ng kanilang kubo upang pakainin ang kanilang alagang biik nang makita namin ang mga nagagalang guardia. "Nandito lang po pala kayo, kung saan-saan po namin kayo hinanap."

Kaya naman pala maraming nag-iikot na mga guardia civil ay dahil ako'y kanilang hinahanap. Ako pala ang kanilang sadya.

"Maraming salamat sa impormasyon, Tenyente, ngunit maaari ba na mamayang alas otso na lamang ako sumama sa inyo? Masyado pang maaga upang lumisan, hayaan niyo na muna ako rito."

Iyan ang naging usapan namin kanina ni Tenyente Noriel. Hindi ko akalain na si Gabrielo ang magsusundo sa akin at ngayon ay tinititigan niya ako ng seryoso na tila ba ay mayroon akong nagawang krimen kung kaya't nginitian ko siya nang matamis.

Kinuha niya ang aking kamay at inilagay niya ako sa kaniyang likuran. Namamangha akong tumingin sa kaniya dahil nagawa niyang hawakan ang aking kamay sa harap ng maraming tao na para bang ako'y kaniyang pag-aari. Inaangkin na niya ako.

Ibinaba niya ang kaniyang sumbrerong pang heneral at itinapat ito sa kaniyang dibdib gamit ang kanang kamay habang ang kaliwang kamay naman niya ay nananatili sa akin.

"Maraming salamat sa pagpapatuloy mo sa aking nobya. Kung kayo naman ng iyong pamilya ang nangangailangan ng tulong, huwag kayong mahihiyang lumapit sa amin."

"Señor, wala po iyon. Maraming salamat din po kung ganoon," maligayang saad ni Marisa at ako'y kaniyang tiningnan. "Huwag kang magdadalawang isip na magbalik dito, Binibining Clara. Magagalak ako kung ako'y muli mong bibisitahin."

Napangiti ako sa kaniya at aking tiningnan si Buknoy na kumakain ngayon ng mangga. "Mangako kang muling babalik dito, Binibining Clara. Laging bukas ang aming munting tahanan para sa iyo."

Nakangiti akong tumango sa kaniya. "Oo pangako iyan." Tumingin akong muli kay Marisa. "Muli, maraming salamat."

Pagtapos ng pasasalamat ay umuwi na kami sa mansyon ng mga Solidad. Ang dating maraming Solidad sa mansyon ay iisa na lang ngayon. Mayroong mga kasambahay si Gabrielo ngunit iba pa rin iyong tunay mong pamilya ang naninirahan dito.

Carpe DiemTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon