KABANATA 38

65 3 6
                                    

#38: Panig ni Gabrielo

Inaamin kong marami akong nagawang kasalanan
Ngunit gaya niyo, ay tao lang rin akong nasasaktan at nahihirapan
Kung may isang bagay man akong hindi pinagsisisihan,
Iyon ay noong makilala at mahalin ko si Clara na aking tahanan.
-Gabrielo 1890's

GABRIELO'S POV

NABUHAY ako dahil sa isang pagkakamali. Hindi ako ang nagkamali, ngunit ako ang nagbabayad ng pagkakamaling iyon. Anak ako ni Doña Leonora Montealegre sa ibang lalaki, at iyon ay ang aking ama.

"Gabrielo, tandaan mong iniligtas ko ang buhay mo. Kung wala ako ay wala ka kaya naman ay malaki ang utang na loob mo sa akin. Inaasahan kong ako'y iyong paglilingkuran at ikaw ay laging nasa aking panig," seryosong sabi ni Ama habang nakaluhod sa harapan ko. Nasa loob kami ngayon ng kaniyang opisina.

"Asahan mo, Ama. Malaki ang aking utang na loob sa iyo, ngunit iyong tandaan din po na ang tama lang ang aking papanigan. Tama naman po kayo palagi, hindi ba?" Tanong ko. Nangyari ang usapan naming ito noong ako'y sampung taong gulang lamang.

Tumango siya at tinapik ang aking balikat. "Oo nga pala, anak. Hindi rin maaaring malaman ng sambayanan na ikaw ay anak ni Leonora. Walang maaaring ibang makaalam nito kung hindi ikaw, ang iyong inang si Carolina at ako. Si Carolina ang tatawagin mong ina," nakangiting sabi niya.

"Ngunit Ama, hindi ko naman po hinagangad na maging ina ang Doña Leonora na iyon. Labis-labis na pagmamahal ang natatanggap ko sa inyo ni Ina. Kung ako'y ipanganganak muli, hihilingin ko na maging tunay na ina si Inang Carolina at hihilingin ko rin po kayong maging ama," nakangiting sabi ko.

"Natutuwa akong sinabi mo iyan. Inaasahan kong hindi mo hahangarin ang pagmamahal sa iyo ni Leonora o ng pamilya Montealegre dahil ayaw kong mabigo ka," seryosong pagkakasabi ni Ama.

Naguguluhan man ay tumango pa rin ako. Ang aking ama ay hinubog ako upang maging mahusay na ginoo, matapang at matalinong tao.

"Sabihin mo nga, mahal kong anak, magiging sundalo ako!" Seryosong sabi ni Ama.

"Magiging sundalo ako."

"Magiging heneral ako!" Mas makapangyarihang pagkakasabi kumpara sa nauna.

"Magiging heneral ako!"

"Ano na naman ang iyong itinuturo kay Gabrielo?" Sumulpot ang aking kinikilalang Ina na si Inang Carolina buhat ang limang buwang sanggol na kapatid ko, si Hermosa.

"Hermosa!" Maligayang bati ko at hinalikan sa noo ang sanggol. Bumungisngis naman siya na tila natutuwa siya sa akin.

"Tinuturuan ko siya maging matapang. Balang-araw ay si Gabrielo ang magiging susunod na gobernadorcillo. Bilang pinuno, kailangan mong maging matapang." Bumaling sa akin si Ama. Tumango naman ako.

Natutuwa ako sa suot ni Ama na chaleco. Dahil sa kaniyang kasuotan ay ginagalang siya. Balang-araw ay magsusuot din ako ng ganiyan at papatunayan kong tama si Ama. Mas magiging mahusay ako sa Nataniel na iyon, ang kinikilalang panganay na anak ni Doña Leonora, sa halip na ako.

Isang araw, habang ako'y nagbabasa ng aklat sa mga batas sa hardin ay mayroon akong napansing batang babae, labing-limang taong gulang ako noon. Siya ay isa sa mga kalaro ni Hermosa sa bayan ngunit hindi ko sila pinagtutuunan ng pansin.

Carpe DiemTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon