#24 Alpas

24 5 0
                                    


Naging kalasag ko ang dilim sa gabi ng iyong pagtalikod,
sa walang malay mong pagbitbit sa mga bituin kasabay ng iyong paglalakbay.
Labing-anim na beses sa loob ng isang buwan ang pagkapudpod ng paa't palagiang pagkatisod,
nagkukumahog sa paghahabol sa aninong pakupas na't pasuray-suray.

Tangan ko ang iniwan mong amoy na nagagawa papikitin ang pagod kong mga mata na nagbabadya ng agos waring dagat,
hindi kailanman napagod maglaro sa aking isip ang palitan ng retrato ng alaalang pilit kong binubuhat.
Pakiramdam ko'y wala na itong bigat,
ngunit dahil ay sapagkat pinili ko ang pagkamanhid bilang alas ng aking pag-usad.

Ikinulong ako ng pangungulila sa disyertong may langit na hindi dinadapuan ng umaga,
ang gabi ay purong lamig at walang panatag na hamog.
Na ang hangin ay hindi ako nagagawang yakapin ngunit nag-iiwan ito ng hapdi sa aking braso,
hindi rin aninag ang buwan-marahil ay pinipigilan akong maalala ang mga maling salitang isinambit sa inakalang tamang tao.

At kung patuloy man akong lunurin ng buhangin sa pagkakakulong sa disyerto,
baguhin man ng dilim ang paraan ng pag haplos sa hinahanap kong anino,
nais kong tanungin ang ruta kung paano ako maka-aalpas,
marahil ay 'sing-haba ng labing-anim na beses sa loob ng isang buwan ang tatahakin,
bago ako muling makatakas.

#YakapNgTalata

Yakap ng TalataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon