#26 Kung Bakit Minsa'y Ayaw Ko

26 4 1
                                    


Madalas akong kalibitin ng pagkalugmok.

Madalas haplusin ng hanging may lanyos na dinadala ako sa ulap na walang dalang bigat.

Pagtapos nito, haharanahin ako ng mga along dumadampi sa bawat piraso ng pinong-buhangin. Waring isang nobyong kinakindili ako sa kaniyang kundiman. Isang gaserang hinahatid ako sa ruta ng kawalang-imik. Daan-daang talang nagagawa pa ring kuminang kahit naghahari ang itim na langit. At sa pag-arangkada ng takip-silim, nadadagdagan ang gaan sa aking pakiramdam na para bang yakap ako ng laot at handang ipaubaya ang sarili sa kaniyang tubig-tabang.

Sabay na tinitipa ng ating mga paa ang kahabaan ng dalampasigan. Nagpapahabol sa along nakikipagpatintero sa pampang. Nagbibilang ng mga puting bituin na naglalayag sa kalangitan. Sumasayaw kasabay ang awit ng mga kuliglig na may hatid na pahinga at hudyat ng pagkamulat—nais takasan ang kinaumagahan. Payapa ang gabi. Kasing payapa ng sandaling iyakap mo sa akin ang iyong kalma. Nang sandaling balutin mo ako ng mga brasong nagpapahiwatig ng puro at walang pangako ng pagtalikod. Nang sandaling bigkasin mo ang mga pangalan ko katugma ng mga bagay na nagpapaalala sa akin ng tayo. Nang sandaling isalin mo ang galak sa pagitan nating dalawa na para bang ayoko nang bumalik sa kalungsuran.

Ngunit kung tatanungin ako kung bakit ayaw ko sa dagat,

ito ay sapagkat naaaninag kita sa repleksyon ng mga alon.

Naaaninag ko kung paano ko languyin ang kalaliman ng 'yong tubig. Kung paano ko salubungin ang matatalim at malalamig na hanging nagkokorteng kanyon. Kung paano ko pinakalma ang alon sa ibabaw ng nagwawala nating balsa. Itim. Luma at malapit nang hindi kumabisa. Kung paano ko suungin ang malalakas na sigwa habang hawak ko ang kamay mo sa pagsagwan. Kasinghigpit ito ng kadenang walang bakas ng pamamaalam. Ngunit kasingkinang ito ng salaming may bakas ng panlilinlang.

Na kahit isa-isahin mang pilasin,
hindi ako nito mapapatahan.

#YakapNgTalata

Yakap ng TalataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon