Chapter 18

27 2 0
                                    

SUOT KO ang ngiti pagkapasok ko sa loob. Niluwagan ko ang pagkakayakap sa clipboard at lumapit sa kinaroroonan ni Ma'am Veron, isang diabetic patient na pinutulan ng paa at nagpapagaling. Medyo bumibilis naman ang recover niya at lumapit na rin ako kay Doc. Baay, isang endocrinologist para sa kaniyang kalagayan.

Nabungaran ko ang pagkakunot ng noo niya. Mas nilakihan ko ang ngiti pagkalapit ko sa intravenous fluid. Itinaas ko ang hawak kong syringe para iturok doon ang gamot na inihanda ko kani-kanina bago pumasok dito.

“Bakit may kasama kang bata?”

Nilingon ko siya. Nakatingin siya sa tabi ko, sa may bandang pinto. Lumingon ako sa tinitingnan niya pero wala naman akong nakitang bata. “Ho? Ako lang ho ang pumasok dito.”

Namalikmata lang siguro si Ma'am Veron. Umiling-iling siya pagkasalubong ko sa kaniyang mata.

“Hindi, may bata diyan sa tabi mo, oh,” sabi niya at itinuro ang tabi ko.

Pilit akong lumunong kasabay ng pagsapi ng kilabot. Ramdam ko ang pagtaas ng balahibo ko at pandidilat kay Ma'am Veron. Seryoso ba siya sa sinabi niya?

Marahan kong pinihit ang ulo ko sa tabi para tingnan, kaso wala. Walang bata. Pilit akong nagpakawala ng tawa sabay kaway sa ere.

“Ma'am, huwag naman kayong magbiro ng ganiyan,” halatang nanginginig ang boses kong saway.

Sunod-sunod ang ginawa kong paglunok sa ginawa niyang pagkunot ng noo lalo at pagsunod ng tingin sa nilakaran noong sinasabi niyang bata, na hindi ko makita kung nasaan pero kanina pa nagsitayuan ang balahibo ko sa batok at braso.

“Lumabas na siya pero bakit hindi niya binuksan iyong pinto?” nagtataka niyang baling sa akin.

Mapakla akong tumawa nang mahina. “Wala naman ho akong kasamang bata, ma'am. Ininom n'yo na ba iyong gamot ninyo noong pagkatapos ninyong kumain?”

Baka kaya nagkakaroon siya ng hallucination dahil hindi pa siya kumakain, pero sinabi naman sa akin noong kaninang nurse rito sa ginawa niyang endorsement sa akin ay kumain na siya at uminom ng gamot. Kailangan ko lang balikan ulit para tingnan ang kalagayan niya at iturok ang syringe na may gamot sa intravenous fluid at painumin muli ng gamot, saka kuhanan ng blood sugar.

“Malala ba ang sakit ko?”

Unti-unting kumalma ang sarili ko, ngunit nandoon pa rin ang paninindig ng balahibo ko. Pakiramdam ko ay nandito pa siya, kaso ayaw kong isipin. Wala namang multo. Walang ganoong nag-e-exist.

“Hindi naman, ma'am, pero magiging malala lang kapag pinabayaan ninyo ang inyong sarili.” Ngumiti ako.

Iyon naman kasi ang paraan para gumaling sila. Kailangan nilang magpalakas. Hindi sila tuluyang gagaling kapag magpapabaya sila sa kanilang sarili.

Huminga siya nang malalim. Iniangat niya ang ulo para ayusin ang unan. “Isang buwan mahigit na ako rito. Gusto ko nang lumabas.”

Ngumiti ako nang makapagpapanatag sa kaniyang kalooban. Hinawakan ko ang balikat niya at bahagyang hinaplos. “Makakalabas din kayo, ma'am. Kumain kayo nang maraming prutas, iyong mga mabitaminang pagkain para makatulong sa pag-recover ninyo,” positibo kong sambit.

Nahawa siya sa pagngiti ko at tumango-tango. Lumingon ako sa pinto sa naulinigang pagkatok, pero agad ding nawala nang bumuwelo ako sa pagtalikod para kunin ang gamit ko. “Sige, ma'am.  Alis na ako. Babalik ulit ako mamaya para i-check kayo. Magpahinga ka na, ma'am,” paalam ko saka nagmartsa palapit sa pinto.

Pagkahawak ko sa doorknob ay may kumatok ulit. Nangunot ang noo kong binuksan para malaman kung sino ang katok nang katok. Tila nabuhusan ako nang malamig na tubig noong walang tumambad. Walang dumadaan, lahat nasa kuwarto na sila at napakatahimik ng hallway.

My Yearning HeartWhere stories live. Discover now