Chapter 30

22 0 0
                                    

NAGISING AKO nang parang may dapat akong ituloy na plano. Kanina ko pa pinag-iisipan ang madalas kong inaayawan dahil matagal ko nang ibinaon sa limot ang pangarap kong ito, at sa palagay ko, mas magandang unahin ko iyon.

Iba't ibang boses ang dumadaloy sa pandinig ko at nagsilbing napakadamdaming musika ang iyakan ng mga kamag-anak ng pasyente noong madaanan ko ang emergency room. Mabigat sa pakiramdam kapag nasa bandang entrance ka talaga, katabi ng emergency room. Iyong pakiramdam na alam mong sa bawat minuto ay may dumarating na bagong pasyente.

Samu't sari rin ang amoy. Hindi ko maintindihan. Masakit sa ilong, pero sanay na ako sa ganitong amoy. Sa una nakaduduwal, kapag bago ka lang rito pero kapag matagal ka na, wala lang iyon. Bawal ang sobrang maarte sa trabahong ito dahil makikita mo ang lahat.

Dire-diretso lang akong nagtungo sa billing. Ibinigay ko ang medical record ni Mrs. Reyes para ma-discharge na siya. Masaya sa pakiramdam na may pasyenteng gumagaling at nakauuwi nang maayos. Nakalulungkot naman kapag may mga pasyenteng kadi-discharge lang ay babalik ulit.

Namataan ko si Dewei na palapit sa kinaroroonan ko habang kinakalas niya ang pagkakasukbit ng backpack niya sa likod. Halatang basang-basa pa ang kaniyang buhok. Hinugot niya ang panyo sa kaniyang bulsa at ipinunas sa mukha saka sa leeg. Nagtama ang mata naming dalawa.

Kumaway ako at nanatili sa kinakatayuan ko, sa gilid ng billing section para hintayin siyang makalapit. Ipininta niya sa labi ang masiglang ngiti bilang pambungad sa magandang umaga. Kumakalma ang puso ko, nakawawala ng pagod kapag nakikita ko ang ngiti ng mga kapuwa ko nurse kahit hindi ko sila kilala o nakakausap, saka ang mga mahal na ngiti ng mga pasyente.

Ibinalik niya sa kaniyang bulsa ang panyo. “Javee, kumusta ang lakad ninyo kahapon? Si mama na pala ang susundo sa kanila Rahel at Dhenzel mamaya.”

Nanginginig ang labi kong tumingin nang malungkot sa kaniyang mga mata. “Dewei. . .”

“Pinaiyak ka niya?” Binato niya ako nang mausisang tingin. Anumang sandali ay matutunaw ako sa pagtitig niya sa mga mata ko.

Hindi naman mugto ang mata ko noong tingnan ko ang mukha ko bago ako umalis ng bahay dahil hindi ganoon ka-grabe ang iyak ko. Maihahalintulad ko lang ang iyak ko kahapon mula sa ambon.

Nahagip ng paningin ko ang kapapasok lang na si Sophia na may suklay pang nakasabit sa kaniyang buhok. “Wala. Mag-duty na kayo ni Sophia,” sabi ko at itinuro siya na nalampasan kami dahil dire-diretso ang lakad. Tumapat siya sa elevator, hinihintay niya ang pagbukas para makapasok.

Bumuntonghininga nang malalim si Dewei. Dismayado siyang nagpaskil ng ekspresyon na para bang hindi ganoon ang inaasahan niyang mangyari.

“Nasaan iyang Jazz na iyan nang mapalo ko. Pinapaiyak niya ang anak ko,” nanghahamon niyang sabi. Lumingon-lingon pa siya at para namang makikita niya ang hinahanap niya rito.

Tumawa ako. Kung nandito lang si Jazz sa tabi ko baka namatay na iyon sa pagbato ni Dewei ng masasamang tingin.

Bumagsak ang balikat ko. “Kasalanan ko naman kung bakit.” Sumimangot ako.

Wala namang kasalanan si Jazz dahil wala siyang alam sa nararamdaman ko. Ako ang may kasalanan kasi sumobra ako sa kaaasa na magkaroon kami.

Umangat ang labi niya at binigyan pa ako ng tinging hindi naniwala sa sinabi ko. “Expect the unexpected na lang, Javee. Huwag mo na lang siyang isipin dahil sasakit lang ang ulo mo. ”

Tumango ako. Ganoon nga ang gagawin ko magmula sa araw na ito at sa susunod pang araw. “Diretso na lang ako sa bahay ninyo,” paalam ko sa kaniya.

Katatapos ko lang ang pag-carry out ng orders at pag-endorse. Nautusan lang akong ibaba ang medical record ni Mrs. Reyes. Hindi ko lang nakuha ang bag ko kasi may aayusin pa ako sa itaas kung saan ako naka-duty.

My Yearning HeartWhere stories live. Discover now