Chapter 23

25 0 0
                                    

HALO-HALONG pagkain ang nangingibabaw. Nagpapahula sa aking ilong kung ano ang amoy ng pagkain dinadala ng hangin. Naiwan sa ilong ko ang amoy ng inihaw na hotdog, malapit sa kinaroroonan namin na ilang metro lang ang layo. Katatapos lang namin kumain sa Vikings at kulang pa yata kinain ko dahil gusto ko pang bumili.

Tinantiya ko ng tingin ang mga nakapilang tao roon at paniguradong aabutin ako nang ilang minuto kapag pipila pa ako. Bibili na lang ako ng hotdog kapag makapunta ako sa supermarket, saka magpi-picnic na lang kami nila papa.

Kumislap-kislap ang mga mata pagkaharap ko nang eksaktong tumigil kami sa three-dimensional na hugis puso. Kinapa ko sa bulsa ko ang phone at hindi nakatakas sa aking atensyon ang mga bisekletang naka-park sa tabi. Maraming nagbibisekleta ang dumadayo pala rito. Kung sa bagay, kung may bisekleta rin ako at malapit-lapit lang sa amin, pupunta rin ako rito.

“Baby, picture ka doon.”

Lumingon siya sa itinuro ko. Pumuwesto siya sa hugis puso na napapalibutan ng ilaw para kuhanan siya ng litrato. Sumunod naman siya sa itinuro ko pagkatapos maglitrato noong babae. Nag-pose siya nang may napakalawak na ngiti, labas ang ngipin.

“Picture-an ko kayong dalawa,” sabi ni Jazz, tumabi siya at nakalahad ang kamay niya habang nakatingin sa akin.

Walang pag-aalinlangan kong ibinigay sa kaniya at patakbong lumapit kay Rahel. Bahagya akong yumuko, idinikit ko ang pisngi sa ulo ni Rahel sabay akbay.

“1. 2. 3. Paint your brightest smile!”

Iginuhit ko ang napakalawak kong ngiti, na nagpapawi pa sa pagod na nararamdaman ko. Nanatili siya roon, samantala, iwinagayway ni Rahel ang palad niya. Tila tinatawag si Jazz. Gusto rin niyang magpa-picture.

Lumapit ako sa kaniya at nakangiting itinuro ang puwesto ni Rahel. “Kayo ring dalawa,” sabi ko.

Alanganin siyang humakbang pagkabigay niya sa akin ng phone ko habang nakakunot pa nang kaunti ang noo. Ngumiti lang ako sa kaniya at napansing nilapitan siya ni Rahel nang kunin nito ang kamay ni Jazz. Hinila niya palapit doon sa hugis puso at magkahawak kamay silang ngumiti nang malawak.

Pigil ang hiningang pinindot ang capture button at kaagad tiningnan. Ang cute nilang tingnan. Para silang mag-ama sa paningin ko.

“Mommy, ikaw rin. Tayong tatlo.”

Bumalik sa kanila ang atensyon ko at niliitan ang ngiti. Kumakaway-kaway si Rahel, na kalaunan ay nakigaya rin si Jazz para tawagin akong lumapit sa kanila. Itinaas ko ang kamay para sabihing sandali.

Lumingon ako sa likuran ko. Napansin ko ang babaeng nakatingin sa kinakatayuan nila. Humakbang ako paatras para lapitan siya pagkatapos kong tumikhim nang napakahina bilang pagbuwelo. Tila napansin niya ako kaagad dahil nakatingin siya sa akin.

“Miss, makikiusap lang sana akong pa-picture kaming tatlo. Ayos lang ba?”

Ngumiti siya habang sinasabayan ng pagtango. “Sige, ate.”

Tinanggap niya ang phone ko at itinutok sa amin. Lumapit din siya nang kaunti at sumenyas na magdikit-dikit kami hanggang sa mag-thumbs up siya para sabihing okay ang pagkadikit-dikit namin.

Agaran akong umupo sa tabi ni Rahel para magkapantay kami ng tangkad. Laking gulat ko nang ginaya rin ni Jazz ang pose ko. Napansin ang maliit na pagngiti ng babae. Inumpisahan niya ang pagbilang pagkataas niya ng kanang kamay, nagbibilang sa daliri bilang cue kaya inihanda ko ang pinakamasayang ngiti ko upang maging maganda ang kuha naming tatlo sa picture.

Tumayo ako para lapitan siya at kunin ang phone na iniaabot niya. “Salamat, miss.”

Tumango lang siya at eksaktong nagsidating ang mga kasama niya o baka mga hinihintay niya. Ginagawang kalmado ng hampas ng hangin ang pakiramdam ko. Damang-dama ko ang mahinang ihip ng hangin sa pisngi ko, saka naglalaro pa rin sa ilong ko ang samot-saring bango ng pagkain.

My Yearning HeartWhere stories live. Discover now