Chapter 32

25 0 0
                                    

NAGTAGO AKO sa likod ng sasakyan nang makita kong ipinarada ni Jazz ang sasakyan niya sa tapat ng entrance gate ng ospital. Araw-araw na siyang nandito—halos mag-iisang linggo na siyang nagpapabalik-balik at nag-iiwan ng text sa akin.

Sa mga text niyang iyon ay wala akong sinagot. Hinayaan ko siyang mamuti ang mga mata sa kahihintay. Desidido na akong iwasan siya. Ayaw ko na ng kung anong komunikasyon pa siya. Nagbaba ang tingin ko sa hawak kong phone nang biglang mag-vibrate ito at umilaw. Lumitaw ang pangalan niya sa phone screen, tumatawag siya. Hinayaan ko lang mag-ring, hindi siya sinagot para isipin niyang busy ako at umalis na nang makaalis na rin ako.

Sumitsit ako sa dumaan, si Sophia. Hindi siya lumingon kaya tinawag ko ang pangalan niya. “Sophia!”

Huminto siya sa paglalakad, hinanap kung saan galing iyong tumawag sa kaniya. Mababa ang kamay kong kumaway-kaway para makita niya ako. Nang matagpuan ng mata niya ang kinaroroonan ko ay kunot-noo siyang lumapit sabay lingon sa kaliwa't kanan niya.

Hinila ko kaagad ang kamay niya noong isang hakbang na lang ang layo niya sa akin.

“Nandyan pa kotse ni Jazz?” tanong ko at pilit na inaninag ang kotse niya mula sa bintana ng kotse ng pinagtataguan ko, ngunit wala akong makita.

Salubong ang kilay niya nang ibalik ko sa kaniya ang mga mata. “Hindi ko napansin. Nag-iiwasan ba kayong dalawa?”

Bumuntonghininga akong dumako ang tingin sa phone ko. Muling nag-vibrate at pangalan ni Jazz ang nasa screen. Napansin kong nagbaba rin ng tingin si Sophia kaya agaran kong itinaob ang phone ko sabay balik sa loob ng bulsa.

“Pakisabing wala na ako rito—”

Kusa akong huminto sa pagsasalita at napatitig sa dalawang lalaking nakatayo sa likuran ni Sophia. Maliit ang ngiti ni Dewei habang ang kasama niya ay malawak, na para bang nahanap niya ang matagal ng nawawala.

“Sumunod siya sa akin,” sagot ni Dewei, itinuro pa si Jazz. Tila nakaramdam siya kaya awtomatikong nawala ang ngiti niya. Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa aming tatlo.

“Mahaba pa ang endorsement sa akin,” sabi ni Sophia at bahagyang yumuko nang dumaan sa gitna namin.

Sinundan ko ng tingin ang pagtakbo niya palayo. Humarap pa siya sa akin at kumaway saka nag-thumbs up pagkatapos na hindi ko alam kung ano ang ipinapahiwatig niya. Hinawakan ko ang noo ko kasabay ng pagbuntonghininga ko.

Inaasahan kong darating araw na ito, pero napakaaga naman nang dating. Nag-angat ako ng tingin sa pumatong na kamay sa balikat ko.

Nanghihingi ng paumanhin ang ekspresyon ni Dewei. Matipid ko lang siyang nginitian nang pilit dahil hindi naman ako nainis sa kaniya. Sadyang hindi ko lang alam kung paano siya kauusapin nang maayos, iyong hindi bibigat ang tensyon kung sakaling nagkabatuhan kami ng rason kapag dumulas ang dila ko.

“Kailangan n'yong pag-usapan, Javee. Walang kahahantungan ang pag-iwas mo kung hindi mo sasabihin ang totoo.”

Mabagal akong tumango na hindi niya nakita dahil nakatalikod na siya. Hinatid ko ng tingin ang pagpasok niya sa loob hanggang sa umere sa katahimikan ang malakas na pagtikhim ng kasama ko.

Segundo akong pumikit sabay hugot nang malalim na paghinga bago ako humarap sa kaniya. Seryoso ang ekspresyon niyang titig na titig sa mga mata ko. Nararamdaman kong marami siyang tanong. Palipat-lipat ang mga mata niya habang tinititigan ako. Hindi ko tuloy alam kung dapat pa ba akong umiwas o hayaan siya sa ginagawa niya dahil bistado naman na ako.

“Come, talk with me.” Pumihit siya patalikod at humakbang palayo sa akin.

Hindi ako gumalaw sa kinakatayuan ko, pinapanood ko lang siya hanggang sa tumigil siya sa paglalakad nang mapansin niyang hindi ako sumusunod. Nahagip ng paningin ko ang magkasunod na pagtaas-baba ng kaniyang dibdib, na tila nagpakawala ng hininga sa hangin.

My Yearning HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon